top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| July 26, 2022



ree

Ayon sa mga eksperto, ang hormones ay chemicals na inilalabas ng iba’t ibang glands ng ating katawan. Nagta-travel umano ito sa ating dugo at nagsisilbing “messenger”, na may maraming role sa ating body process.


Gayunman, kabilang sa mga importanteng function ng mga hormones ay ang pag-regulate ng ating mood. Sey pa ng experts, may espisipikong hormones na nakakatulong upang magkaroon tayo ng positive feelings, kabilang ang happiness at pleasure.


Anu-ano nga ba ang mga hormones na ito at paano ito ma-i-stimulate?


1. DOPAMINE. Ito ang “feel-good” hormone. Gayundin, ang dopamine ay neurotransmitter na nagbibigay ng “reward system” sa ating utak. Para ma-stimulate ang dopamine, makinig ng upbeat music, kumain ng anumang sweets, sikaping magkaroon ng quality sleep at tapusin ang isang gawain o task.


2. ENDORPHINS. Ito naman ang natural pain reliever kapag nakakaranas tayo ng stress at discomfort. Tumataas din ang endorphin level kapag gumagawa o may reward-producing activities tulad ng pagkain, panonood ng comedy shows, pag-e-ehersisyo at maging ang pakikipag-sex.


3. SEROTONIN. Ito ang mood stabilizer na nakakatulong sa pagtulog, appetite o ganang kumain, digestion, learning ability at memory. Upang mapataas ang serotonin, inirerekomendang magpaaraw, maglakad, mag-meditate at mag-cardio exercise.


4. OXYTOCIN. Nare-release ang hormone na ito kapag nararamdaman nating ‘connected’ tayo sa ibang tao. Tinatawag ding “love hormone” ang oxytocin na mahalaga sa child birth, breastfeeding at strong parent-child bonding. Ang oxytocin ay nakakatulong sa pagbuo ng tiwala at empathy at bonding sa relasyon. Tumataas naman ang oxytocin levels sa pamamagitan ng physical affection tulad ng kissing, cuddling at pakikipagtalik.


Gaya ng nabanggit, napakahalaga ng mga hormones na ito dahil may kaugnayan ito sa ating positive feelings.


Maraming paraan para ma-stimulate o mapataas ang levels ng ating happy hormones, kaya for sure, kayang-kaya mo itong ma-trigger anytime.


Isa pa, ang happy hormones ay maaaring pagmulan ng good vibes na puwede naman nating i-share sa ating loved ones.


Gets mo?

 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| July 25, 2022



ree

Graduation season na para sa ilan, kaya naman bago ang lahat, congratulations sa lahat ng bagong graduate!


Sa wakas, makalipas ang ilang taon ay opisyal ka nang degree holder at for sure, excited ka nang magtrabaho para may sarili ka nang income at para hindi na rin umasa sa iyong mga magulang.


Pero ang tanong, ready ka na bang sumabak sa “adulting”?


Kung hindi pa, narito ang mga bagay na dapat mong gawin pagkatapos gumradweyt:

`

1. MAGPAHINGA. Matapos ang ilang taong pag-aaral, deserve mo namang magpahinga. Kung may budget ka para magbakasyon, gawin mo na ‘yan. Kung may gusto kang basahin na libro, ‘wag ka nang magpatumpik-tumpik pa o kung gusto mong bumawi ng tulog, gora na matulog ka nang matulog. Isabay mo na rin ang pag-inventory sa iyong sarili. Paano? I-assess mo ang mga nangyari sa past — kung ano ang mga pagkakamali mo, gayundin ang mga mabuting bagay na nangyari sa ‘yo at pagkatapos nito, saka ka gumawa ng plano para sa mga susunod na buwan o taon.


2. KUMUHA NG VALID IDs. Welcome to adulting, beshie! Habang hindi ka pa busy sa trabaho, simulan mo nang kumuha ng mga IDs na pangunahing kailangan — SSS, PhilHealth, Pag-ibig, TIN at National ID. Malaking bagay ang mga ito ‘pag nagpa-process ka na ng mga requirement sa trabaho dahil ‘pag meron ka na nito, tuloy-tuloy na ang aplikasyon.


3. I-UPDATE ANG RESUME. Dahil opisyal ka nang nakapagtapos, puwede nang i-flex sa resume ang iyong degree, kaya naman, oras na para i-update ito. Gayundin, isabay mo na ang paggawa ng LinkedIn account para magkaroon ka ng malawak na network sa mga tao at professional organizations sa industriya mo.


4. I-UPDATE ANG PORTFOLIO. Kung ayos na ang iyong resume, kailangan mo namang i-update ang iyong portfolio. Anu-ano ang mga dapat makita rito? Kung nasa media o arts industry ka, i-compile mo ang mga previous work mo noong nag-aaral ka pa. Gayundin, make sure na nasa iisang storage o folder ang mga ito para madaling i-forward o i-link kung kinakailangan. Kung feeling mo naman ay marami ka pang kailangang gawin para ma-build ang iyong portfolio, basahin ang susunod na step.


5. MAG-ARAL NG MGA BAGONG SKILLS. Hindi porke nakapagtapos ka na agad sa kolehiyo ay sasabak ka na sa “real world”. Bagama’t puwede naman ‘yun technically, oks ding mag-aral ng mga bagong skills o palakasin pa ang mga skills na meron ka. Sabi nga, learning never stops, kaya why not, ‘di ba?


6. MAGBUKAS BANK ACCOUNT. ‘Pag graduate ka na, no more hingi kina mama at papa. Agree? Kaya naman, bago ka magkaroon ng trabaho, make sure na mayroon ka nang sariling bank account kung saan mo ilalagay ang iyong future ipon. Pero bago ‘yan, make sure na mayroon kang valid ID dahil isa ‘yan sa pangunahing requirement sa pagbubukas ng account.


7. MAKIPAG-BONDING SA PAMILYA AT KAIBIGAN. Marahil, masyadong kang na-busy sa pag-aaral, kaya naman, maglaan ka ng oras para makipag-bonding sa iyong pamilya at mga kaibigan. Kung may dyowa ka man, eh ‘di sana all! Kidding aside, magandang timing ito para makipag-bonding sa ating loved ones dahil ‘pag pumasok ka na sa corporate world, mapapa-reality check ka na lang ‘pag wala ka nang time sa kanila. Kaya hangga’t may libreng oras, sulitin mo na.


Ang pagtatapos ng college life ay simula ng panibagong chapter ng buhay.


Marahil, marami pang hindi handa para sa “adult life”, pero oks lang ‘yan dahil sino ba naman talaga ang ready?


Gayunman, sana’y makatulong ang mga tips na ito bilang mga paunang hakbang sa pagpasok sa mundo ng adulting.


Good luck, besh!

 
 

ni Justine Daguno - @Life and Style | July 24, 2022


ree


Marahil tulad ko, alam mo na rin na ang kasunod ng “Mars” ay hindi ibang planeta, kundi “pautang”. Well, sa hirap nga naman ng buhay ngayon, kung saan kaliwa’t kanan ang pagtaas-presyo ng mga bilihin, sino nga naman ang hindi nakaranas ma-short o magipit?


Kung hindi mo na-experience, suwerte mo, ‘Day, pero kung relate much ka, oks lang ‘yan kasi hindi ka nag-iisa, maraming gipit dahil truly na inflation is real.


Pero ‘ika nga, ang paghiram ng pera o ang pag-utang ay parang pag-inom ng alak, dapat moderate lang at hindi ginagawang bisyo para healthy ang buhay mo. Bukod sa given na mataas ang presyo ng mga bilihin, bakit nga ba may mga taong nalulubog sa utang?



1. HINDI MARUNONG MAG-BUDGET. Tipong kapag may pera na, waldas is life. Sa panahon ngayon, required na maging budgetarian, hindi puwedeng maglabas ng pera nang wala sa listahan o kapag hindi pinag-iisipan. Mag-budget tayo sa lahat ng aspeto ng gastusin, ‘wag maging ‘one-day-millionaire’ para hindi agad maubos ang pera. In short, para maiwasan mong umutang para lang maka-survive sa susunod na pagdating ng iyong pera.


2. FEELING RICH. Top mo H&M, pants mo Jag, shoes mo Adidas, tapos bulsa mo butas. Char! Sa true lang, walang masama sa pagbili ng mamahalin o branded items, siguraduhin lang na may budget talaga at hindi ipinang-uutang ang pambili ng mga ito para lang masabi na nakakaluwag-luwag ka. So, what kung sa bangketa sa Divisoria lang nabili ang outfit mo, eh, sa ‘yun lang ang kayang i-produce ng wallet mo? ‘Wag feeling rich, tapos kaliwa’t kanan naman ang utang.


3. WALANG DISIPLINA. Dakilang mambubudol ang credit card, hindi mo mapapansin na nilulubog ka na nito sa utang dahil for sure, kapag nasa mall na ay kuha na lang nang kuha ng items. Maging disiplinado sa pagwawaldas, cash man ‘yan o card ay dapat alam mo kung hanggang saan lang ang iyong limit.

4. HINDI MARUNONG TUMANGGI. Ito ‘yung tipong may i-offer lang sa ‘yo kahit hindi mo napag-aralan ay tatanggapin mo pa rin kasi hindi ka makatanggi. Like, offer ng binebentang pagkain, damit, sapatos, kung anu-anong produkto at iba pa. Hindi makatanggi, kaya ang naa-out of the budget na o minsa’y uutangin na lang ang items hanggang next day ay may offer na naman at parang gulong na paulit-ulit lang ang cycle, hindi mo napansing mahaba na pala ang iyong listahan, baon ka na pala sa utang.


5. NAGING BISYO NA. Ito ‘yung tipong, kasama na sa weekly bayarin niya ang loan payment kasi naging bisyo na ang ‘item now, pay later’. May pambili naman o extra na pera, pero dahil sanay sa pangungutang ay itong way ang gagawin niya.

Tandaan na basta utang, katambal niyan ay interest. Ang interest ay halaga na ating inilalabas, pero hindi natin napakinabangan. Kinita ‘yan ng tao o kumpanyang nagpautang sa ‘yo. Consequences o kapalit ‘yan ng paghiram ng pera. Okay lang umutang kung kayang bayaran at hindi ‘yung uutang lang para makapagbayad din sa isa pang utang. Utang na loob, palubog na mindset ‘yan.


Hindi lang ikaw ang mamumroblema sa ginagawa mo kundi paniguradong makakaabala pa ng iba.


Okay?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page