top of page
Search
  • BULGAR
  • Nov 21, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 21, 2023


ree

“Saan ka ba kasi nagpunta kagabi?” Tanong ni Mark.


Maang namang napatingin si Maritoni sabay kunot ng kanyang noo. “Hindi naman ako umalis kagabi.”


“Wala kang matandaan?” Nanunubok nitong tanong.


“Nalasing ako kagabi, may iba pa ba ‘kong dapat matandaan?” Naiinis niyang tanong, bakit parang siya pa ‘tong kriminal na iniimbestigahan?


“May ginawa ba akong kalokohan?” Pagtatanong pa nito.


“Hindi ka dapat umiinom ng alak, lalo na kung hindi mo naman kaya. Mabuti na lang at sinundan kita kagabi.”


“Ano’ng ginawa ko?” Kabado niyang tanong.


“Nagpunta ka sa bakanteng lote, lumuhod ka sa lupa at naghukay na para bang may hinahanap. Para kang may ibinaon sa ilalim ng lupa na kailangan mong makita.”


Umiling siya nang umiling. Kahit kasi ano’ng isip ang kanyang gawin, wala pa rin siyang matandaan. Kaya, gusto niyang isipin na nagsisinungaling lang ang kanyang kaharap.


Kung totoo ang sinasabi nito, dapat sana ay may putik pa sa kanyang katawan at damit.


Ngunit, kapirasong dumi lang ang nakita niya sa kanyang mukha.


“Nilinisan na kasi kita,” wika ni Mark na para bang nabasa ang laman ng kanyang isipan.

Parang gusto niyang isipin na magaling na artista ang kanyang kaharap.


“Wala akong matandaan.”


“Kain na tayo, nakapagluto na ako.”


Bigla tuloy naglaho sa kanyang isipan ang tungkol sa sinabi ni Mark dahil biglang kumalam ang kanyang sikmura.


“Nag-abala ka pa.”


“Nag-request ka kasi.”


“Ano’ng ni-request ko?” Maang niyang sabi.


Sa bawat sandali, ang daming tanong na pumapasok sa kanyang isipan, kaya sabi niya sa kanyang sarili ‘di na dapat maulit ang kanyang pag-iinom.


“Tinolang manok.”


Nang marinig ito ni Maritoni, biglang bumaligtad ang kanyang sikmura. Pagkaraan ay tumakbo siya papuntang lababo at sumuka nang sumuka. Paano ba naman kasi ang ulam na sinabi ni Mark ay ang pinakaayaw niya.


Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Nov 20, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 20, 2023


ree

“Ano’ng problema?” nagtatakang tanong ni Mark.


“Bakit ka nagkaroon ng dugo?” kinakabahang tanong niya.


Kahit na mahal niya ang lalaking kanyang kaharap, hindi siya dapat magpatalo sa kanyang nararamdaman. Kung talagang ito ang serial killer na gumagala, kailangan niyang pagbayaran ang kanyang nagawang pagkakasala.


“Nagkatay ako ng manok,” wika nito.


Gilalas siyang nakatingin dito sabay sabing, “manok?”


“Binigyan ako ng sabungero nating kapitbahay.” wika nito.


“Tenant mo rin?”


“Yes, mayroon talaga siyang manukan. Dito lang siya naninirahan dahil nakakaramdam din siya ng pagkabugnot dahil wala siyang ibang nakikita kundi puro manok.”


“Ah, okey,” wika niyang hindi rin malaman kung bakit todo-explain ito sa kanya.


“Sanay ka palang pumatay,” dagdag pa ni Maritoni.


“Manok lang ang pinapatay ko at hindi tao,” nakangisi nitong sabi na para bang nahulaan nito ang iniisip ni Maritoni.


“Wala naman akong sinasabi, ah?”


“Talaga ba?” tanong nito sa kanya na buong tiim na nakatingin.


May kaba siyang naramdaman dahil matalim ang tingin nito sa kanya na para bang gusto siyang sakalin.


“‘Ika nga sa kasabihan, action speak louder than words.”


“Wala akong ibang iniisip.”


“May pinatay na namang madre,” wika nito.


Kahit alam niyang iyon ang sinasabi ni David, hindi pa rin niya napigilan ang mapasinghap ng maisip niyang maaaring ang kanyang kaharap ang hinahanap nilang kriminal.


“Huwag ka sa akin tumingin ng ganyan.”


“Bakit?”


“Hindi ako ang kriminal na hinahanap mo,” wika nito.


Buong tiim itong nakatitig sa kanya hanggang sa muli itong magsalita. “May mga pagkakataon talaga na wala tayong ginawa kundi maghanap sa ibang lugar pero ‘di mo magawang tumingin sa paligid mo,” anito.


Gusto sana niyang itanong kung ano ang ibig nitong sabihin pero natigilan siya nang mapatingin siya sa harap ng salamin. Ang dami niyang putik sa mukha.


“Bakit?” gilalas niyang tanong.

Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Nov 19, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 19, 2023


ree

“Sino?” gilalas na tanong ni Maritoni.


Hindi niya kasi alam kung sino ba ang bibigyan niya ng atensyon nang mga sandaling ‘yun. Si David ba na nasa kabilang linya na nagbibigay ng impormasyon sa kanya o si Mark na nasa kanyang harapan na nagpapakita ng abs.


Napalunok tuloy siya, pakiramdam niya nanunuyo ang kanyang lalamunan at para bang kailangan niyang uminom ng malamig na malamig na tubig. ‘Yun bang nagyeyelo para maglaho ang kakaibang init na kanyang nararamdaman.


“Tatawag na lang ako sa iyo. May bisita lang ako.” Natatarantang sabi niya.


Ayaw sana niyang malaman ni David na si Mark ang bisita niya dahil pagdududahan lang siya nito.


“Nang ganitong oras?” Gilalas nitong tanong. Sa tono ng pananalita nito para bang gusto siyang puntahan para tiyakin na hindi siya nakikipaglambutsingan lang kung kanino.


“Alas-7 palang, bye,” sagot ni Maritoni sabay patay ng linya.


Tama lang ang kanyang ginawa dahil maaari silang mabuking ni Mark kapag patuloy pa siyang makipag-usap kay David.


“Boyfriend?”


“Kasamahan ko sa trabaho. I mean, sa pagsusulat,” wika niya. “Tatawagan ko na lang siya later. Sorry, kung nalasing ako ah?”


“Hindi ka dapat umiinom.”


Ngumiti siya. Hindi niya malaman kung dahil ba sa nakakatawa ang mga ginawa niya nu’ng lasing siya o dahil concern ito sa kanya.


“Oo, nakakapanghina,” wika niya habang nakatitig kay Mark.


“Pasensiya ka na ha? Kailangan ko kasing hubarin ang t-shirt ko dahil napuno ng dugo, eh.”


“Dugo?” Gilalas niyang tanong.


Bigla tuloy itong natigilan na para bang bumalik sa kanyang isipan ang sinabi ni David na mayroon na naman umanong umatake kagabi. Ang ibig bang sabihin noon ay mayroon na namang madreng pinatay habang siya ay lasing?


“Ano’ng klase kang alagad ng batas?” Gigil niyang tanong sa kanyang sarili.


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page