top of page
Search

ni Mharose Almirañez | October 9, 2022



ree

Gulung-gulo na ba ang utak mo kaiisip sa dami ng problema? ‘Yung tipong, gabi-gabi kang napupuyat kao-overthink? At kung puwede lang pumunta agad sa maaliwalas na lugar upang du’n makapagmuni-muni, pero hindi keri ng budget. Jusko, beshie, I feel you!


Pero knows mo ba na hindi mo naman kailangang bumiyahe sa malalayong lugar o pumunta sa nagte-trend na ‘Instagramable’ spot para lamang magkaroon ng peace of mind, dahil puwedeng-puwede mo ‘yang ma-achieve sa pamamagitan lamang ng mga sumusunod:


1. MAKINIG NG RELAXING MUSIC. Halimbawa ay ang mga healing music, meditation music, spa music, lullaby, zen, flowing river at iba pang nakakapag-pakalmang tono. Epektibo rin itong background music upang makapag-focus sa pagre-review ang isang estudyante. Hindi mo kailangang magtravel, sapagkat ise-search mo lang ang mga nabanggit na keywords sa YouTube, at para nang nakapag-teleport ang iyong imagination papunta sa ibang dimension o sa lugar kung saan malayo sa stress.


2. MANOOD NG DOCUMENTARIES. Kung gusto mong kumalma ay huwag kang manood ng palabas na puro drama o suspense, sapagkat lalo ka lamang mai-stress. Sa halip ay manood ka ng mga documentary na may monotonous na pagsasalaysay. Ang pagiging informative ng documentary ay nakakatulong upang magbigay ng karagdagang impormasyon at matabunan pansamantala ang mga bumabagabag sa iyo.


3. HUWAG MAKINIG SA SASABIHIN NG IBA. Sa halip na makinig sa mga sinasabi nila ay lumayo ka na lamang. Posible kasing kaya mo naa-attract ang negativity ay dahil puro negative vibes ang nasa paligid mo. Kumbaga, sila ang humahatak sa ‘yo para ma-stress. ‘Ika nga, “One of the greatest freedom is the freedom from fear of people’s unreasonable opinion of you.” Kumbaga, kapag wala kang pakialam sa iniisip nila, malaya ka.


4. THINK POSITIVE. Tandaan, everything happens with a purpose, it can either be a lesson or a blessing. Hindi naman maiiwasang mag-alala, pero haluan mo rin ng positive mindset para manaig ang positive outcome. Lahat ng bagay ay may dalawang sides, kaya kung puro negative ang nae-encounter mo, hanapin mo ‘yung kabilang side.


5. MANALANGIN. Walang mas nakakagaan ng pakiramdam kundi ang pagdadasal. Kausapin mo sa iyong isipan ang Panginoon. Mangumpisal, magpasalamat at magkuwento nang mataimtim. Sa paraang ito ay nailalabas mo ang iyong mga emosyon at saloobin. Lagi naman Siyang nakikinig at hindi ka Niya huhusgahan.


6. MAG-EXERCISE. Nakakawala ng stress ang pag-e-exercise, kaya isama mo na ito sa iyong schedule. Sey ng experts, kada pawis na inilalabas mo sa iyong katawan ay may katumbas na daily dose of happiness. Hindi lamang nito nabu-boost ang iyong mood, concentration at alertness kundi nai-improve rin nito ang iyong cardiovascular at overall physical health. Gasino lang naman ‘yung 15 minutes na exercise, ‘di ba?


7. MAG-SHARE NG PROBLEMA SA IBA. Mainam kung may isang tao kang napagsasabihan ng mga bagay na nagpapabigat sa iyong isip at damdamin. Hindi naman mahalaga kung may maipapayo siya sa ‘yo o wala, dahil ang importante ay ‘yung presensiya niya. Nand’yan siya bilang taong masasandalan at nagsisilbing pahinga mo. Mahirap kasi kung sasarilihin at kikimkimin mo lang ang lahat ng problema, ‘di ba?


Sana ay makatulong ang mga nabanggit upang mabawasan ang mga nakakapagpabigat sa ‘yong isip. ‘Wag kang mag-alala dahil malalagpasan mo rin ang problema at makakamit ang peace of mind na pinapangarap.


Hope you feel better soon, beshie!

 
 

ni Mharose Almirañez | October 6, 2022



ree

Kung mabibigyan ka ng pagkakataong makabalik sa past gamit ang time machine, anu-ano ang mga gusto mong itanong sa batang ikaw o what if, ikaw ang tanungin niya kung masaya ka ba sa present? May naghihintay ba sa inyong buhay sa future? Ano ang isasagot mo?


Paniguradong napakarami n’yong tanong sa isa’t isa at baka kung saan pa mapunta ang inyong topic. Ngunit bago ang lahat, narito ang 5 general questions na kailangan mong ipaliwanag sa iyong sarili na maaaring makapagpabago sa pananaw ng inosenteng ikaw:

1. BAKIT KAILANGANG MAGDASAL? Kung unti-unti mang nawawala ang pananalig mo sa Diyos, hindi pa huli para magbalik-loob at ipaubaya sa Kanya ang lahat ng iyong agam-agam sa buhay. Kung sa tingin mo ay walang nakakaunawa at nagmamahal sa ‘yo, nand’yan ang Diyos, beshie. More than willing Siyang mag-sacrifice ng buhay Niya para sa ‘yo. Magkakaiba man ang ating relihiyon, kailangan mong magkaroon ng matibay na paniniwala sa Kanya dahil kailanman ay hinding-hindi ka Niya susukuan.


2. BAKIT KAILANGANG MAG-SORRY? Malamang ay nagtataka ka kung bakit ka pinagso-sorry nina mom and dad kahit feeling mo ay hindi mo naman kasalanan ang nangyari. Actually, hindi naman ganu’n kahirap mag-sorry. Hindi ego o pride ang kailangan mong pairalin sa pagso-sorry. Huwag mong hintaying mahuli ang lahat bago mo masabi ang salitang ‘sorry’, dahil in real life, walang time machine na puwede mong gamitin sa pagta-travel back in time just to say sorry.


3. BAKIT KAILANGANG MAY MAHIRAP, MAY MAYAMAN? Hindi ka man maging sobrang yaman in the future, ang mahalaga ay may natutunan ka sa buhay at alam mo kung paano gagamitin ang iyong mga natutunan sa pang-araw-araw na buhay. After all, katalinuhan at karanasan ang tanging yaman na hinding-hindi maaagaw sa ‘yo ninuman. Huwag mong kainggitan ang lifestyle ng iba, sapagkat kaya mo rin naman maging katulad nila o higit pa kung sisimulan mong mag-focus sa sarili mo to become a better version of yourself.


4. BAKIT KAILANGANG MAG-ARAL? “Kabataan ang pag-asa ng bayan,” sabi nga nila. Sa paaralan nagsisimulang matuto at magkaroon ng iba’t ibang pananaw ang bawat kabataan. Kung mag-aaral kang mabuti, maaari kang magkaroon ng magandang kinabukasan. Nakakalungkot mang isipin, ngunit sa totoong mundo kasi ay diploma ang basehan ng pagkatao ng isang indibidwal. ‘Yung tipong, kung hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral ay mamaliitin ka nila at huhusgahan ang buo mong pagkatao.


5. BAKIT KAILANGANG TUMANDA? Hindi mo habambuhay na makakasama ang iyong magulang kaya kailangan mong sulitin ang mga panahong kasama mo pa sila, dahil hahanap-hanapin mo rin ang kanilang pagkalinga kalaunan. Sa oras na ikaw naman ang tumanda, rito mo mararanasan ang iba’t ibang phases ng buhay. Huwag kang magtaka kung magkaroon ka ng kaliwa’t kanang utang at hindi matapos-tapos na problema sa buhay dahil bahagi ‘yan ng adulting. Tandaan mo lamang na habang bata ka pa ay simulan mo na ang mag-ipon— hindi lang ng pera, kundi pati na rin experiences. Iba’t ibang karanasan ang makakapagpatibay sa ‘yo. Isipin mo na lamang din na mas masarap mag-retire nang pensionado kaysa tensiyonado.

Maliban sa mga nabanggit ay paniguradong napakarami mong specific questions na gustong itanong sa ‘yong sarili, kung sakaling ma-meet n’yo ang isa’t isa sa pamamagitan ng time travel.


Marahil ay isang kabaliwan ang makapaglakbay sa iba’t ibang panahon, pero kung sakaling maimbento nga ang time machine, paano mo tutulungan ang iyong sarili upang malagpasan ang struggles sa pang-araw-araw na buhay?

 
 

ni Mharose Almirañez | October 2, 2022



ree

Ready na ba kayong magpakasal, pero tight ang budget? Civil wedding ang pinaka-praktikal na paraan upang mapakasalan ang taong mahal mo, without breaking your funds.


Batay sa Article 6 of the Family Code, “There is no prescribed form or religious rites required for wedding ceremonies.” Kaya paniguradong valid ang inyong civil wedding, hindi man ‘yan ginanap sa simbahan o hindi man pari ang nagkasal sa inyo.


Ang pinakamahalaga sa kasal ay ang presensya ng dalawang taong nagmamahalan, ang magkakasal na judge o mayor at ang ilang saksi sa inyong pag-iisang dibdib.


Ngunit paano kung gusto mong magkaroon ng isang magarbo, pero ‘di mukhang tinipid na civil wedding? Narito ang pitong tips:


1. MAG-SET NG BUDGET. Natututo tayong maging resourceful kapag nag-i-stick tayo sa specific amount. Mahalagang maglaan tayo ng mas maraming budget para sa mga kakailanganin pa natin after the wedding. Huwag ubos-biyaya, tapos bukas ay tunganga. Karamihan kasi sa mga ikinakasal ay masyado silang nao-overwhelm sa mga ino-offer sa kanila ng supplier, hanggang sa tumaas nang tumaas ang kanilang expenses. Ask yourselves, “Hanggang magkano ba ang kaya namin?”


2. MAG-RESEARCH. Bago ka kumuha ng wedding organizer, mainam kung mag-research ka muna dahil napakaraming tutorials, ideas and DIY tips na puwedeng makita online. Alamin mo rin ang bawat proseso at mga dokumento na kailangan sa civil wedding. Katulad ng article na ito, paniguradong matutulungan kitang magkaroon ng isang magarbo, pero ‘di mukhang tinipid na civil wedding.


3. ‘WAG MAGPAKASAL ‘PAG HOLIDAY. Isa sa perks ng mga empleyado ang magpahinga tuwing holiday, sapagkat bayad naman ang araw nila kahit hindi sila pumasok. Eh, kung magdu-duty nang holiday ang mga staff ng supplier mo, aba’y malamang na double pay ‘yan! So, kung double pay ang pasahod ni supplier sa mga staff niya, siguradong doble rin ang presyo ng package offer niya sa inyo. Sa halip na sumabay sa peak season, mainam kung mag-set kayo ng wedding date tuwing patay na petsa. Mag-abang ng promos online.


4. SAME LOCATION ANG WEDDING CEREMONY & RECEPTION. Kumpara sa church wedding na mayroong pari— ang civil wedding ay ginaganap lamang sa loob ng munisipyo, kung saan tanging judge o mayor ang puwedeng magkasal. Since mayroon naman kayong kainan matapos ang kasal, puwedeng du’n n’yo na rin ganapin ang wedding ceremony. Halimbawa, garden set up, para pagkatapos ng seremonya ay hindi na babiyahe ang inyong guests papuntang wedding reception dahil du’n na rin sila mismo kakain at magpa-party.


5. ‘YUNG MAY AMBAG LANG SA LOVE STORY N’YO ANG MGA IMBITAHIN. Huwag n’yong papuntahin ang buong barangay sa inyong kasal dahil paniguradong masu-short kayo sa budget. Karamihan kasi sa ibang bisita, ang habol lamang sa kasal ay ‘yung pagkain at pang-IG stories, ganu’n. Pero makalipas ang ilang oras na programa, maiinip na ang mga ‘yan at magyayayang umuwi. Samantalang, ‘yung mga taong close sa bride at groom ay malamang na mag-stay hanggang matapos ang program dahil sila ‘yung may ambag sa relasyon nu’ng ikinasal. Alam nila ‘yung journey n’yo as a couple, kaya paniguradong masayang-masaya sila para sa inyo.


6. GUMAWA NG E-WEDDING INVITATION. High tech na tayo ngayon, beshies, kaya huwag na kayong magpa-print ng sandamakmak na invitation dahil puwede ka namang gumawa ng sarili mong design para sa inyong wedding invitation na maaari n’yong i-send sa inyong guest via chat o personal message. Isipin mo na lamang na kung magpapa-print ka ng marami, tapos hindi naman pala lahat ay makakapunta, sayang lang. Make sure na magko-confirm silang pupunta para masama sila sa head count. Gawin mo ring specific kung para kanino lamang ang invitation dahil baka i-forward nila kung kani-kanino ang e-invitation, at bawat isa ay magsama pa ng plus 1 na hindi naman kasama sa guest list. Aba’y yari na talaga!


7. GAMITIN ANG CONNECTIONS. Napakalaking tulong ng connections para maka-menos sa gastos. Halimbawa, may kaibigan kang photographer— na may kakilalang videographer—na member ng isang production team— na gusto mong mag-cover para sa wedding n’yo. Gayundin, kung may common friend kang may connection sa reception na puwedeng mag-cater ng food at puwedeng maging supplier ng cake, flowers, tables and chairs, atbp. Kung may friend kang marunong mag-make up, mag-ayos ng buhok o fashionista, aba’y puwedeng-puwede kayong mag-ask ng help sa kanila for collaboration para sa x-deal or special discount. Connection is the key, beshie.


Bawat kababaihan ay pinangarap na makapagsuot ng traje de boda at makapaglakad papuntang altar. ‘Yung tipong, malayo ka pa lang ay tanaw na tanaw mo na ang ngiti sa labi ng iyong mapapangasawa. ‘Yung sa iyo lamang naka-focus ang atensyon ng karamihan at pakiramdam mo’y ikaw ang pinakamagandang babae sa araw na ‘yun. I feel you, beshie.


Pero siyempre, hindi ka naman magpapakasal para lamang ipagmalaki sa iba kung gaano ka-engrande ang inyong wedding ceremony and reception, ‘di ba? Hindi ‘yan pabonggahan ng mga ninong at ninang sa kasal. Hindi rin paramihan ng bridesmaid at groomsmen. Mas lalong hindi palakihan ng nakuha sa money dance, kundi kung paano kayo pinagbuklod ng Diyos bilang mag-asawa. Nawa’y Diyos ang maging sentro ng inyong pamilya. Magmahalan kayo at piliin palagi ang isa’t isa. Congratulations, beshie!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page