top of page
Search
  • Janice Baricuatro
  • Jun 7, 2020

Hinihinalang dahil sa selos kaya pinagsasaksak hanggang sa napatay ang 36-anyos na lalaki ng kanyang kapitbahay na bayaw sa Ternate, Cavite.

Isinugod pa sa Maragondon Municipal Hospital ang biktimang si Jonnel Dolloso ng Sitio Ubasan, Bgy. Poblacion 1A, Ternate, Cavite subalit idineklarang dead-on-arrival habang naaresto naman ang suspek na si Rowel Rodriguez, 42, bayaw at kapitbahay ng biktima.

Sa ulat ni PSMsgt. Andres Agcaoili, alas-6:30 kamakalawa ng gabi nang pauwi ang biktima at anak nito sa kanilang bahay nang biglang lumabas ang bayaw nitong si Rodriguez at walang sabi-sabing sinaksak ito sa dibdib.

Tinangka pa ng biktima na tumakbo subalit, hinabol siya ng suspek at muling pinagsasaksak sa likod.

Ayon kay Agcaoil, na bago naganap ang insidente ay nagtatalo ang suspek na nakainom at asawa nito at pinagseselosan nito ang kanyang bayaw na tiyempo namang dumating.

“Siguro dala ng ispiritu ng alak at selos kaya nang nakita ang bayaw ay bigla na lamang nitong sinugod at tinarakan ng icepick” ayon kay Agcaoli.

 
 
  • Madel Moratillo
  • Jun 7, 2020

Patay ang isang lola sa nangyaring sunog sa isang residential area sa Bgy. Mauway at Bgy. Addition Hills sa Mandaluyong City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si Mila Taon Carillo, 69, na na-trap sa kanyang bahay na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Sa ulat ng Mandaluyong Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog alas-2:59 ng madaling- araw sa Neve de Pebrero sa Bgy. Mauway.

Mabilis namang kumalat ang sunog hanggang sa nadamay na rin ang mga bahay sa Correctional Road na sakop ng katabing Bgy. Addition Hills.

Nabatid na malapit ang sunog sa Department of Social Welfare and Development-Jose Fabella Center na tinutuluyan ng mga homeless na nasasagip ng ahensiya.

Dahil dikit-dikit ang mga bahay na karaniwan ay gawa sa mga light materials, mabilis na lumaki ang sunog.

Nahirapan din ang mga bumbero na pasukin ang mga makikitid na eskinita.

Tuluyan namang naapula ang apoy alas-5:40 na ng madaling-araw.

Pansamantalang tumutuloy sa Nueve de Febrero Elementary School ang mga nasunugan.

Ayon sa BFP, nasa 200 bahay ang natupok sa sunog habang nasa 600 na pamilya naman ang naapektuhan.

Tinataya namang aabot sa P500,000 ang halaga ng mga ari-ariang naabo sa sunog.

Ito na ang ikalawang sunog na sumiklab sa naturang lugar, sa loob lamang ng isang linggo.

Matatandaang nitong Lunes lang ay nasunog din ang nasa 800 bahay sa Block 37, Bgy. Addition Hills sa lungsod.

 
 
  • Levi Gonzales
  • Jun 7, 2020

Patuloy ang pagtugis sa 30-anyos na magsasaka matapos nitong pagtatagain ang kanyang lolo sa Sitio Pitiw, Bgy. Inabuan, San Francisco, Quezon.

Pasado alas-4:00 ng hapon nang magpang-abot umano ang biktimang si Victor Pilapil, 55, at ang suspek na si Edgar Rioflorido, 30, may asawa, kapwa residente ng Bgy. Camflora, San Andres, Quezon.

Agad kinuha ng suspek ang dala nitong itak saka pinagtataga ang biktima sa likurang bahagi ng kanyang katawan.

Makaraan ang insidente ay tumakas ang salarin habang dead-on-the-spot ang biktima sa lugar. Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa suspek at inaalam pa kung ano ang naging ugat sa krimen.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page