top of page
Search

Dinakip ng mga awtoridad ang isang construction worker sa Malay, Aklan makaraang mag-post sa social media na magbibigay ng P100 milyong reward sa makapapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ayon sa Malay Police Office, may nagtimbre sa kanila patungkol sa Facebook post ni Ronald Quiboyen, 40, kaya't agad na ikinasa ang operasyon para madakip ang suspek. "'Yung 50-milyon n'yo doblihin ko, gawin kong 100-milyon kung sino makapatay kay Duterte. Andito ako ngayon sa Boracay," saad ni Quiboyen sa kanyang social media post. Nadakip si Quiboyen sa Sitio Hagdan sa Barangay Yapak bandang alas-7:00 kagabi at kasalukuyan nang nakapiit sa Malay Police Station. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 142 ng Revised Penal Code o ang Inciting to Sedition. Ang pag-aresto kay Quiboyen ay isang araw makaraang damputin din ng pulisya ang public high school teacher sa Pangasinan na si Ronnel Mas, na nag-alok din ng P50 milyong pabuya para sa makapapatay kay Pangulong Duterte.

 
 

Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Eastern Samar at Northern Samar dahil sa Bagyong Ambo. Sa severe weather bulletin na ipinalabas ng PAGASA kaninang alas-5:00 ng madaling-araw, nasa ilalim ng Signal No. 1 ang hilagang bahagi ng Eastern Samar (Jipapad, Maslog, Arteche, San Policarpio, Oras, Dolores, Can-avid, Taft, Sulat, San Julian, Borongan City) at silangang bahagi ng Northern Samar (Lapinig, Gamay, Mapanas, Palapag, Laoang, Catubig, Las Navas). Nabatid mula sa PAGASA, lumakas pa ang bagyo na magdadala ng mahina hanggang sa katamtaman na minsan ay lalakas na pag-ulan sa Eastern Visayas. Dahil dito, pinayuhan ng PAGASA ang mga residente sa lugar na mag-ingat sa mga posibleng flashflood at landslide lalo na sa panahong matindi ang pag-ulan. Tinatahak ng Bagyong Ambo ang Hilaga-Hilagang Kanluran ng Philippine Sea sa silangan ng Samar Island patungong Bicol Region area. Alas-4:00 ng madaling-araw nang huling mamataan ang sentro ng Bagyong Ambo sa layong 410 kilometro Silangan ng Borongan City, Eastern Samar. Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 85 kph at pagbugsong hanggang 105 kph. Ayon pa sa PAGASA, asahan bukas ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas, Catanduanes, Albay, Sorsogon at Masbate.

 
 

Hindi mangangahulugan na awtomatikong mare-renew ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation sakaling magtakda na ng pagdinig hinggil dito ang Kamara.

Sagot ito ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa liham ng 14 na kongresista na gumigiit na agad nang magsagawa ng public hearing ang House Committee on Legislative Franchises patungkol sa isyu.

"To those calling for an immediate hearing on this matter, including my colleagues in Congress, let me just be very clear — a hearing does not mean automatic renewal," ani Cayetano.

Sinabi ni Cayateno na maraming kailangang mabusisi hindi lamang ang panig ng ABS-CBN at ng kanilang tagasuporta kundi maging ng mga tumututol na magawaran muli ito ng prangkisa. Ibig sabihin, sinabi ni Cayetano na kailangan ng sapat na panahon o serye ng mga pagdinig para masigurong maaalis na ang lahat ng pagdududa sa umano'y mga paglabag ng ABS-CBN sa kanilang prangkisa.

Ikinatwiran pa nito na may ibang mga prayoridad ang Kamara lalo na ngayong nasa gitna ng health crisis ang bansa.

Sa ngayon ay wala pang itinakdang petsa ng hearing ng ABS-CBN franchise renewal ang Legislative Franchises committee.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page