top of page
Search

ni Eli San Miguel @News | October 25, 2023



ree


Patay sa ambush ang isang kandidato para sa pagka-chairman ng isang barangay sa Kapatagan, Lanao del Sur nitong Miyerkules ng umaga.


Ayon kay Col. Robert S. Daculan, Lanao del Sur Provincial Police Director, namatay si Kamar Bilao Bansil dahil sa maraming tama ng bala nang pagbabarilin ang kanilang sasakyan ng mga armadong lalaki sa kalsada ng Barangay Sigayan sa Kapatagan.


Nagkaroon naman ng tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan ang asawa ni Bansil na si Jasmin at kanilang anak na si Manmo, na agad isinugod ng mga pulis at mga emergency responder sa ospital mula sa lokal na pamahalaan ng Kapatagan.


Sinabi ni Daculan na ang mga biktima ay magkakasama sa isang puting multicab utility vehicle nang salakayin ng mga lalaking pinamumunuan ni Pabil Pagrangan, asawa ng chairwoman ng barangay ng Sigayan. Inaasahan sana ni Bansil na talunin ang reelection bid ni Pagrangan bilang independent candidate.


Ipinahayag ng direktor ng pulisya na may mga saksi na nag-ulat sa Kapatagan Municipal Police Station ng direktang pagkakasangkot ni Pagrangan sa karumal-dumal na pangyayari.


Ayon kay Daculan, kasalukuyan nang nagtutulungan ang mga lokal na opisyal at tauhan ng Kapatagan MPS sa pagsusuri at paghahanap kay Pagrangan at sa kanyang mga kasabwat, na magkakahiwalay na tumakas.




 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 27, 2020


ree

Patay ang isa sa apat na sugatang sundalo matapos mag-emergency landing sa Madalum, Lanao del Sur ang sinasakyan nilang chopper papuntang ospital dahil sa masamang panahon noong Huwebes nang hapon.


Ayon kay Army 1st Infantry Division Spokesman Captain Clint Antipala, sugatan ang mga sundalo mula sa 55th Infantry Battalion ng Philippine Army dahil sa isinagawang combat operations laban sa ilang miyembro ng terror-linked Daulah Islamiyah sa Barangay Lilitun, Lanao del Sur noong Huwebes nang umaga nang sumabog ang improvised explosive device.


Ayon kay Antipala, critically wounded ang nasawing sundalo dahil sa explosion. Aniya, "On their way sila sa objective natin, usually ang kalaban ng tropa natin diyan, Dawlah Islamiya Lanao group... wala namang engkuwentro actually.”


Inilikas ang mga sundalo gamit ang chopper upang dalhin sa ospital ngunit kinailangan umanong mag-emergency landing dahil sa masamang panahon. Aniya, "Critically wounded kasi siya, eh, during explosion... matindi na 'yung tama sa explosion, nagkaproblema 'yung chopper, hindi agad na-evacuate.


"Hindi naman siya nag-crash, kung mag-crash siya, baka maubos na 'yung tropa natin doon.” Sugatan din umano ang isang Air Force crew member dahil sa insidente. Nagpahayag naman ng pakikiramay si Maj. Gen. Gene Ponio, commander ng 1st Infantry Division, sa pamilya ng nasawing sundalo.


Aniya, "We have done everything just to save our wounded soldier the fastest way we can thru our air assets, unfortunately the incident happened. "Rest assured that the benefits of the fallen trooper will be taken cared [of] and the financial or other assistance will be given to his immediate family.”


 
 

ni Lolet Abania | November 6, 2020


ree


Kakaiba ang paraan ng pagtuturo ng mga guro at pag-aaral ng mga estudyante sa lalawigan ng Ragayan, Butig, Lanao del Sur, kung saan limitado ang pagkakaroon ng elektrisidad, telebisyon at cellphone signals dahil nakakapag-usap ang mga ito sa tulong ng two-way radio.


ree

Ito ang ipinatutupad na distance learning ng mga titser sa mga mag-aaral ng Ragayan Elementary School, Lanao del Sur dahil nawawasak ang mga silid-aralan ng eskuwelahan sa tama ng mga bala na resulta ng madalas na sagupaan sa pagitan ng mga sundalo at grupo ng mga terorista sa nasabing lugar.


Kahit na malaking hamon ito para sa mga guro at estudyante, nagpapatuloy pa rin sila sa kanilang mga aralin na gumagamit ng two-way radio.


Nagbibigay ng mga lectures ang mga titser at nakakapag-recite at nakakapagtanong ang mga estudyante sa tulong ng mga handheld devices na ito.


Ayon pa sa report, tinututukan nang husto ng mga guro ang bawat estudyante habang mayroon silang sinusundang learning modules sa kanilang mga lessons.


“Karamihan sa amin, walang pinag-aralan. Kaya sabi ko sa mga teacher ko, kailangan gumawa tayo ng paraan para tuluy-tuloy ang pagtuturo natin sa kanila,” sabi ni Namraida Bao, principal ng Ragayan Elementary School.


Samantala, sanay na ang mga residente ng Ragayan sa sitwasyon ng kanilang lugar. Noong 2016, maraming eskuwelahan sa lugar ang nasira at ang mga residente ay nagsilikas at piniling manirahan sa Marawi City.


Subali’t nang sumunod na taon, halos mabura ang Marawi dahil sa naganap na armed conflict ng mga militar at mga rebelde, kaya ang mga residente ay nagbalik sa Butig.


Nagbalik din ang mga bata at mga guro sa kanilang mga tagpi-tagping silid-aralan makapag-aral lamang.


Pinlano ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na magtayo ng bagong paaralan sa Ragayan noong 2019, subali’t na-postpone ito dahil sa pandemya ng COVID-19.


Gayunman, ayon sa ICRC, itutuloy nila ang pagsasagawa ng istruktura para magamit ng mga guro sa tulong ng mga residente kapag binawasan na ang COVID-19 restrictions sa lugar.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page