top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | June 4, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad


KATANUNGAN

  1. Hiwalay ako sa asawa ko, at ngayon ay may nanliligaw sa akin na hiwalay din sa kanyang asawa. Natatakot akong sagutin siya, baka maulit na naman ang nangyari sa una kong pag-aasawa na naging babaero at lasinggero. 

  2. Ang masaklap pa, madalas niya akong bugbugin, kaya hindi na ako nakatiis at nakipaghiwalay na ako sa kanya.

  3. Sa palagay mo, Maestro, sa ikalawa kong pag-aasawa, may pag-asa pa kaya akong lumigaya o mas mabuting huwag na lang akong mag-asawa? Sa ngayon, may 2 kaming anak na mababait. 

  4. Dapat ba akong mag-asawang muli o manatili na lang akong walang asawa kasama ang aking mga anak?


KASAGUTAN

  1. Kung mas uunahin mo ang takot at iisipin ang nakaraan, baka mangyari muli sa iyo ang dati mong naging mapait na karanasan. Ang tanong ay paano ka liligaya at magkakaroon nang okey na pamilya niyan, gayung nauunahan ka ng takot at pangamba?

  2. Oo, may dalawa ka ngang anak na nakakasama mo ngayon, ngunit paano kapag nag-asawa na sila at nagkaroon na rin ng sariling pamilya? Minsan, kapag nagkakaroon tayo ng mapait na karanasan, mananatiling mapait na karanasan ito sa ating memorya na sadyang napakahirap burahin. Ramdam ko ang takot mo na baka maulit muli ang nangyari sa buhay mo. Pero sa totoo lang, hindi naman ganu’n! Dahil kung marunong kang magbasa ng kapalaran, makikita mo naman doon kung pangit o maganda ba talaga ang ikalawa mong pag-aasawa. 

  3. Sa kaso mo, Janna, kapansin-pansing higit na malinaw at maganda ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) kung ikukumpara sa nauna mong Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Ibig sabihin, tiyak ang magaganap, ang ikalawang maganda, suwabe at tuwid na Marriage Line ( 2-M arrow b.) ang mananaig sa iyong kapalaran. Ibig sabihin, sa ikalawa o muling pag-aasawa, may pangako na ng isang maligaya at panghabambuhay na kinumpirma nang gumanda mong Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c. at d.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  5. Tanda na kung nabigo ka sa unang pag-aasawa, sa ikalawa pag-ibig at pakikipagrelasyon, walang duda, magtatagumpay at habambuhay kang liligaya.


DAPAT GAWIN


Habang ayon sa iyong mga datos, Janna, tulad ng nasabi na, ang mas makapal at mas magandang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad na nagsasabing sa ikalawang pag-aasawa na magaganap sa susunod na taon, sa edad mong 42 pataas, hatid ng isang lalaking may zodiac sign na Taurus. Sa piling niya, mabubuo ang ikalawang pakikipagrelasyon na hahantong sa isang mas maligaya at panghabambuhay na pagsasama.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 27, 2023





KATANUNGAN

  1. Kapag ba maganda ang Marriage Line, ibig sabihin, magkakaroon ng maligayang pag-aasawa ang isang tao? May boyfriend ako ngayon, madalas kaming mag-away at kahit maliit na bagay ay pinagtatalunan namin. Kaya naisip ko na baka ‘pag siya ang napangasawa ko, baka hindi rin kami magkaroon ng maligayang pamilya.

  2. Pero bakit ganu’n? Maayos at maganda naman ang kaisa-isang Marriage Line ko, na ayon sa inyo ito ay indikasyon ng masaya at matagumpay na pag-aasawa. Ibig sabihin ba nito hindi ang kasalukuyan kong boyfriend ang makakatuluyan ko, kahit na siya ang first boyfriend ko at magdadalawang taon na ang relasyon namin?

  3. Sa ngayon, naguguluhan ako kung siya na ba o may darating pang ibang lalaki sa buhay ko. 25-years old na ako kaya medyo kinakabahan na rin ako.


KASAGUTAN

  1. Alam mo, ang Marriage Line na ‘yan (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) ay lalagyan ng isang quality relationship o long and meaningful engagement. Kaya kung hindi naman “meaningful” ang samahan n’yo at wala namang kabuhay-buhay ang inyong pagsasama, kahit gaano pa kayo katagal mag-on, paniguradong hindi pa rin ‘yan ang kaisa-isang magandang Marriage Line o Guhit ng Pag-aasawa (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) na nakikita sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Kung hindi siya ang Guhit ng Pag-aasawa (arrow a.) eh, sino ngayon ‘yang boyfriend mo sa kasalukuyan at saan siya iginuhit ng tadhana? Tama ka, nasa ibang guhit ng palad ang lalaking ‘yan, at ito ay ang tinatawag na “fling” (Drawing A. at B. f-f arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Maaaring malito ka na naman, dahil sinasabi nga nating “fling” gayung ayon sa iyo ay magdadalawang taon na kayo. Alam mo sa daigdig ng panaginip at sa mundo ng unconscious, walang panukat ng oras d’yan. Sa makatuwid, kapag umiibig ang isang tao, tulad ng naipaliwanag na, para na rin siyang unconscious - walang sukatan ng time, matter and space ang kanyang daigdig, kaya ‘yung sinasabi mong isang taon o dalawang taong relasyon, ay walang kabuluhan ‘yun. Bagkus, ang tunay na nangyari sa buhay mo ay umibig ka sa isang lalaki, kaya dinaramdam mo ang inyong samahan na wala namang kabuhay-buhay o kabuluhan, dahil sa kasalukuyan, wala ka sa sarili mo o nasa unconscious state ka, na akala mo ay nasa conscious ka pa rin. Mahirap ipaliwanag, pero ganito ang karaniwang nangyayari sa mga babae na nagiging biktima ng hangal na pag-ibig o pag-ibig na hindi naman nila masyadong ginusto.


MGA DAPAT GAWIN:

  1. Samantala, hindi mo naman aabutin ang ganu’ng senaryo na inilarawan dahil sa kasalukuyan, unti-unti kang mamumulat na hindi mo talaga mahal ang iyong nobyo, na hindi ka talaga masaya sa kanya, at hindi talaga siya ang gusto mong makasama habambuhay at higit sa lahat, hindi rin siya ang nakaguhit nang maayos at maganda sa kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Kaya sa lalong madaling panahon, kapag ganap ka nang nakabalik sa katinuan, makikipag-cool off ka na sa kanya hanggang sa tuluyang matuldukan ang relasyong na hindi ka naman naging maligaya kahit kailan.

  2. Habang ayon sa iyong mga datos, Daisy, matapos kang makabalik sa matinong pag-iisip at malayang pagpapasya, sa puntong ‘yun, darating ang lalaking under sa zodiac sign na Libra sa susunod na taong 2024. Siya na ang makakasama mo habambuhay, na siya ring inilarawan ng maganda, maaliwalas at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), na indikasyon din ng maligaya at panghabambuhay ng pag-aasawa.


 
 

KATANUNGAN

  1. Noong huling usap namin ng girlfriend ko, napapayag ko na siyang magpakasal ngayong taon, pero nagka-COVID kaya pinostpone na lang namin. Kaya lang, sinabi niya na bago namin ayusin ang kasal, may ipagtatapat muna siya. Lumipas ang ilang araw, sinabi niyang hindi na siya virgin dahil ang nakauna sa kanya ay ‘yung first boyfriend niya noong high school pa sila.

  2. Nang malaman ko ‘yun, parang nalungkot ako at nawalan ng gana dahil kahit minsan, hindi ko inisip na may nakauna na pala sa kanya dahil ang tingin ko ay conservative siya tulad ko.

  3. Sa ngayon, nagdadalawang-isip ako kung dapat pa bang ituloy ang aming pagpapakasal o maghanap na lang ako ng ibang babae na wala pang karanasan. Siyempre, bilang lalaki, gusto ko rin na ang babaeng ihaharap ko sa altar ay malinis at ako pa lang ang makakauna.

  4. Sa palagay n’yo, dapat na ba akong makipag-break sa kanya dahil naguguluhan ako kahit alam kong nagmamahalan naman kami?

KASAGUTAN

  1. Kung mahal mo pa rin ang isang tao at ganundin siya sa iyo, ‘wag kang makikipag-break sa kanya dahil lamang sa isyu ng virginity. Sa totoo lang, wala kang magagawa kung virgin pa ang isang babae o hindi dahil sa usaping takdang kapalaran, sapagkat sa kasalukuyan ay hindi na ikaw ang may hawak ng iyong tadhana kundi ang nakatakdang kapalaran.

  2. Ang medyo parang may island o bilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nagsasabing maliit na kabiguan sa pag-ibig na sanhi o dahil ang nakatakda mong mapangasawa ay babaeng may nakaraan na o hindi mo gustung-gusto kung saan ang pag-aanalisang nabanggit ay madali namang kinumpirma ng hindi rin magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Ang pagiging medyo maikli na parang baluktot at parang nagdodoble, na parang magulo (arrow b.) ang nasabing Marriage Line (1-M arrow b.) tulad ng naipaliwanag na sa itaas, nakatakda kasi sa kapalaran mo ang makapag-asawa ng babaeng hindi na virgin, may nakaraan o tulad ng nasabi na ay hindi mo gustung-gusto.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Sa panahon ngayong liberated na ang mundo at moderno na ang lahat ng bagay, maaaring masabi na hindi na uso ang virgin ngayon, pero siyempre, nasa iyo pa rin kung mas ibig mong pakasalan ang babaeng inosente at wala pang karanasan.

  2. Subalit hindi rin maiaalis ang katotohanang ang isang successful at maligayang pagpapamilya ay hindi naman nakabatay sa virginity ng babae o kung virgin o hindi ang napangasawa mo. Sa halip, ang isang maligaya at maunlad na pamilya ay nakabatay pa rin sa tapat na pag-iibigan, kooperasyon at pag-uunawaan ng mag-asawa.

  3. Habang, ayon sa iyong mga datos, Jeremy, tuluy-tuloy na ang magaganap at wala nang atrasan dahil sa ayaw o gusto mo, sa 2021, matutuloy na ang inyong kasal dahil higit na mananaig sa iyong pagpapasya ang nakatakdang kapalaran at ang tunay na pagmamahalan n’yo sa isa’t isa.

  4. Tulad ng nasabi na at ang nakatakdang kapalaran ay simple lang, ang kasalukuyan mong girlfriend ang iyong mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow b.).

 
 
RECOMMENDED
bottom of page