top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | August 14, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Matagal na kaming mag-on ng girlfriend ko, pero dahil wala naman akong permanenteng trabaho, hindi ko siya mapangakuan ng kasal, hanggang sa mabalitaan kong bigla na lang siyang sumama sa ibang lalaki at ang lalaking ‘yun ay kaibigan ko pa.

  2. Alam ko kung bakit nagawa niya sa akin ito—wala akong trabaho at pera. Mapera kasi ‘yung kaibigan kong sinamahan niya at sa ngayon, ang balita kong malapit na silang ikasal.

  3. Gusto kong malaman kung may pag-asa pa ba kaming magkabalikan o tuluyan na siyang mawawala sa akin? Gayundin, matutuloy ba ang kasal nila?

  4. Kung tuluyan na siyang mawawala sa akin, kailan ulit ako magkaka-girlfriend at kung sakali, siya na ba ang aking mapapangasawa? Ano rin ang zodiac sign niya?

 

KASAGUTAN

  1. Tama lang na kalimutan mo na ang ex mong sumama sa ibang lalaki. Ito rin naman ang nais sabihin ng naputol at nagkabilog na unang bahagi ng Heart Line (Drawing A. B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na tulad ng nangyari na at mangyayari pa, bago ka tuluyang lumigaya sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, luluha ka muna sa kabiguang matatamo tulad ng relasyong matagal mong iningatan, ngunit sa wala at pagkabigo rin pala mauuwi.

  2. Gayunman, hindi ka dapat malungkot o labis na manghinayang, sapagkat may ikalawang mas maganda at mas okey na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) na sumulpot sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa ikalawang pag-ibig, maaaring sa pagkakataong ito ay hindi na mukhang salapi ang magiging girlfriend mo. Bagkus, siya ay ka-level ng iyong pamilya, hindi masyadong mayaman at hindi rin naman kahirapan. Sa kanya mo mararanasan ang panghabambuhay na relasyon.

  3.  Ang pag-aanalisang liligaya ka sa ikalawang pag-ibig ay madali namang kinumpirma ng gumanda at naayos ding Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa gitna hanggang dulong bahagi ng kaliwa at kanan mong palad. Tanda na pagkatapos ng matinding kabiguan sa pag-ibig, may ligaya ka ring makakamit.


MGA DAPAT GAWIN

  1. Dante, bagama’t magiging maayos na ang susunod mong pakikipagrelasyon, hindi ka dapat manatiling walang trabaho. Sa halip, ‘wag kang tumulad sa ibang istambay na hindi nagsisikap. Kailangang magsikap ka upang umunlad at mabigyan ng magandang buhay ang bubuuin mong pamilya sa hinaharap at mapag-aral mo sa kolehiyo ang iyong magiging anak.

  2. Kaya tulad ng nasabi na, simulan mong magsikap ngayon, alang-alang sa susunod na babaeng mamahalin at pakakasalan mo. 

  3. Ayon sa iyong mga datos, ang nasabing babae na siyang makakasama mo sa pagbuo ng simple pero masayang pamilya ay nakatakdang lumutang sa taong kasalukuyan sa buwan ng Nobyembre o Disyembre sa edad mong 29 pataas.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | August 13, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Ang una kong isasangguni sa inyo ay tungkol sa aking love life. Maestro, sa edad kong 42, makakapag-asawa pa kaya ako kahit na mahiyain at ‘di ako marunong manligaw?

  2. Kasalukuyan akong nagtatrabaho sa public office, mapo-promote at aasenso kaya ako sa aking trabaho?

  3. Balak ko na kasing mag-resign kapag naka-graduate na ang bunso kong kapatid na kasalukuyan kong pinag-aaral. Kapag nag-resign ako, balak ko na lang sanang mag-apply sa ibang bansa. Kaya naman, gusto ko ring malaman kung may Travel Line ba sa aking palad, at posible kaya akong umasenso sa abroad?



KASAGUTAN

  1. Lahat ng pangarap mo na may kaugnayan sa career ay paniguradong matutupad, ito ang nais sabihin ng tuluy-tuloy, at matayog mong (F-F arrow a.) na hindi nalatid at nakarating sa Bundok ng Tagumpay (Drawing A. at B. F-F arrow b.) na Fate Line na tinatawag din nating Career Line sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na anuman ang isipin o planuhin mo sa iyong career, halimbawang hindi ka umalis sa kasalukuyan mong trabaho, tiyak na mapo-promote, at magiging department head ka. 

  2. Kung mangingibang-bansa ka naman gamit ang natapos mong kurso, ang malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ang gumarantiya na makakapag-abroad ka sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran.

  3. Ibig sabihin, maganda at pinagpala ang buhay mo sa larangan ng career at propesyon. Ngunit, pumangit at nagbuhul-buhol ang Heart Line mo (Drawing A. at B. h-h arrow d.) na kinumpirma pa ng Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow e.) na tila may tinitingnan sa itaas ng langit (arrow e.) na tendency ng mga kasawian sa pag-ibig, pag-iisa sa buhay at sa bandang huli ay pagtandang binata.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | August 11, 2024


Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN


  1. Marami naman akong nililigawan, pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong girlfriend.

  2. Sa edad kong 28, sabik na sabik na akong magka-girlfriend, lalo na kapag nakikita kong may kani-kanya ng girlfriend ang mga kaibigan ko. Wala akong nobya ngayon, kaya naman nalulungkot ako. 

  3. Sa palagay n’yo, kailan kaya ako magkaka-girlfriend? Sana naman magkanobya na ako bago matapos itong taong ito.   


KASAGUTAN


  1. Ayon sa kaisa-isang maganda at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, ito ay nagsasabing ‘wag kang malungkot, at mainip. Sapagkat, tinitiyak ng guhit ng iyong palad na magkaka-girlfriend ka na rin sa wakas, sa panahong ito ng iyong buhay bago tuluyang sumapit ang edad mong 29 pataas.

  2. Kung saan, sinasabi rin ng guhit ng iyong palad na ang unang magiging girlfriend mo sa taong ito ng 2024, ang  mapapangasawa, at makakasama mo sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya na nagtataglay ng zodiac sign na Aquarius. Ang babaeng nabanggit ay makikilala mo sa pamamagitan ng modernong komunikasyon, o sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng social media platforms.

  

DAPAT GAWIN


Habang ayon sa iyong mga datos, Caleb, Hindi ka na dapat malungkot sa kasalukuyan. Sa halip, dapat mas maging masaya ka pa. Ngayon pa lang ihanda mo na ang iyong sarili, dahil bago matapos ang taong ito ng 2024, sa buwan ng Setyembre o October, tiyak na magkaka-girlfriend ka na rin sa wakas. Ang babaeng tinutukoy ko ay ang babaeng medyo chubby ang pangangatawan na mababa ang height, cute tingnan, ang siya mo na ring mapapangasawa at tuluyang makakasama sa pagbuo ng isang simple, pero maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.  


 
 
RECOMMENDED
bottom of page