top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | April 4, 2022


NAGSIMULA na ang Ramadan noong Sabado.


Marami ang kusang magda-diet.


◘◘◘


ISANG banal na panahon ang Ramadan sa mga Muslim.


Nakiisa sina Sen. Imee Marcos at Atty. Alex Lopez sa Ramadan sa tradisyonal na seremonya ng paglilinis ng Mosque sa Globo de Oro St sa Quiapo.


◘◘◘


NAKIBALIKAT din ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard kina Marcos at Lopez upang maging maayos ang Ramadan na matatapos sa Mayo 2.


Ayon kay Lopez, ang Golden Mosque ay ipinatayo ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos upang maging sentro ng pagsamba at sagradong aktibidad ng mga kapatid nating Muslim na nasa Maynila.


◘◘◘


MARAMING vendors sa Maynila ay mga Muslim kaya’t isang mahalagang okasyon ito para sa kanila.


Kamakailan ay lumagda si Atty. Alex Lopez, Raymond Bagatsing at ilang lider ng Manilenyong Muslim ng isang kasunduan ng pagkakaisa at pagbabalikatan.


◘◘◘


IDINIDEPENSA ng ilang grupo ang pagpapanatili ng e-sabong kahit nagbubunga ito ng kabulastugan at kriminalidad.


Pero, kung hindi talaga ito napapasarado, inirerekomenda ni ex-Speaker Alan Peter Cayetano na i-regulate ito nang seryoso.


◘◘◘


SA isang power point presentation, ibinunyag ni Cayetano na ang mga gambling operator ang nagkakamal ng salapi imbes ang gobyerno. Ibinunyag ni Cayetano na lalaro sa P2 bilyong hanggang P4 bilyon kada araw ang nakukubra ng gambling lords sa e-sabong.


Kakarampot lamang dito ang napapasakamay ng gobyerno sa porma ng buwis.


◘◘◘


IKINUMPARA ni Cayetano ang operational system ng lotto at e-sabong kung saan, kontrolado ng PCSO ang sistema ng tayaan.


Pero, sa e-sabong, ang mga gambling lords ang may control sa “operation ng tayaan”.


◘◘◘


BALATO o mani-mani lamang ang nauuwi sa gobyerno sa e-sabong at nagkakamal dito ang private operators.

Nais ni Cayetano na patakbuhin ang e-sabong tulad sa sistema sa lotto kung saan ang “point of sale” ay kontrolado ng Pagcor imbes na kontrolado ng gambling operators.


Sa ganyang sistema, puwedeng kumubra ang gobyerno ng P2 bilyon kada araw imbes na pinagpipiyestahan ito ng mga gambling lords.


◘◘◘


TODO-PRAKTIS na ang US Troops at AFP sa joint military exercise sa iba’t ibang panig ng bansa.

Preparasyon ito sa panibagong lagim.


Hindi pa rin kasi maawat ang Russia at Ukraine.


◘◘◘


MAPAPAGITNA sa krisis ang Europe kapag biglang pinutol ng Russia ang suplay ng gas.


No choice sila kundi tanggapin ang dikta ni Vladimir Putin.


◘◘◘


MAG-UUSAP sina Digong at Xi Jinping.


Wala sanang mapipikon, baka biglang sakmalin ang Palawan at Batanes.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | April 1, 2022


KUWENTONG palengke.


Isyu ngayon ang pagbenta ng Divisoria Mall sa pribadong korporasyon.


◘◘◘


NAGKAKAHALAGA ng halos P1.5 bilyon ang bentahan.

Nagrereklamo ang mga lehitimong vendors sa Divisoria Mall, mawawalan sila ng ikabubuhay.


At kapag may “bentahan”, siyempre, may komisyon.


◘◘◘


GINAMIT na katwiran ni Mayor Isko ang “pandemic”, ipinambili raw ng pagkain ng mga nagugutom sa Maynila ang pinagbentahan.


Huhh, ang problema, ang pamilya ng mga vendors ngayon ay magugutom dahil wala silang ikabubuhay.


◘◘◘


NAKATANGGAP ng liham buhat sa Market Administration office noong Nobyembre 11, 2020 ang mga vendors at inabiso na isasara ang Divisoria Public Market simula pa sana noong Enero 31, 2021.


Natatakot ang mga vendors na posibleng bigla silang palayasin anumang araw kapag sinimulan ang 50-storey building sa Tabora St., Comercio St.; M. De Santos St.; at Sto. Cristo St. sa Binondo.


◘◘◘


NAGREKLAMO na sa Malacañang, Senado at Manila City Hall ang mga vendors, pero nagtetengang-kawali ang mga opisyal dito.

Nais lang ng mga vendors na garantiyahin ng kinauukulan na puwede silang magbalik sa pagtitinda sakaling maitayo ang gusali.


Kumbaga, payagan sila na magtinda uli sa basement upang makapaghanapbuhay muli.


◘◘◘


MAKAKASILIP na ng kapayapaan o ceasefire sa giyera ng Russia at Ukraine.


Iyan ay kung hindi manghihimasok ang iba pang bansa.


◘◘◘


AMINADO ang lahat na apektado ang buong daigdig sa sanction laban sa Russia. Pero, nagmamatigas si Joe Biden.


Nagpapauto naman ang European Union.


◘◘◘


ANUMANG araw ay puwedeng idiskaril ng Russia ang suplay ng gas sa buong Europe.


Panibagong krisis na pagdurusahan din ng buong daigdig.


◘◘◘


ANG malawakang sanctions kontra Russia ay puwedeng gawin ng US at NATO kontra sa China.

Iyan ay kapag kinubkob nang magkasabay ng Beijing ang Taipei at Maynila.


Kumbaga, praktis lang ang nararanasan ng Russia.


◘◘◘


ANG tanong: Puwede bang magkasabay na patawan ng economic santions ng US at NATO ang Russia at China?

Ang sagot?


Ikatlong digmaang pandaigdig.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | March 29, 2022


AKTUWAL nang gumigire ang mga armed forces sa buong daigdig.


Pinalipad na ng US at Russia ang kani-kanilag aircraft survivor unit kung saan hindi ito apektado ng nuclear bomb.

◘◘◘


SA Pilipinas, nagsagawa na ng military exercise ang US at AFP kontra sa China.


Sakaling magpakawala ng nuclear arsenals ang Russia, inaasahang magkasabay na kukubkubin ng China ang Taiwan at Pilipinas bilang depensa kontra US at NATO.

◘◘◘


SUMASABAY sa krisis ang mataas na presyo ng petrolyo at nakasaradong mga negosyo.


Asahan ang mataas na presyo at kakapusin ng mga produkto.

◘◘◘


NAGKAKAGIRIAN na nang todo.


Usap-usapan ang pagbaliktad ni Bebot Alvarez mula sa kampo ni Ping Lacson patungo kay VP Leni.

◘◘◘


BILIB tayo sa paninindigan ni ex-PNP Chief at senatorial candidate Guillermo Eleazar.

Nilinaw niyang suportado pa rin niya ang kandidatura ni Lacson.


May yagbols.

◘◘◘


SA mga nagsisimula nang pumili ng kanilang mga Magic 12 at ipino-post sa social media, hindi nawawala ang pangalan ni Eleazar. Napakahalaga ng pagpasok ni Eleazar sa Senado lalo pa’t maseselan ang isyu na lumilitaw sa gitna ng krisis.


Mahalagang magkaroon ng pagbabago ang batas na umiiral sa existence ng PNP dahil lumalabas na hindi na ito epektibo dahil sa pagkakasangkot ng mga pulis sa krimen.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page