top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | December 2, 2022


DISYEMBRE na.


Ngayon ay anibersaryo ng ating pinakamamahal na pahayagan, BULGAR.


◘◘◘


SAKSI ang ating pahayagan sa aktwal na kasaysayan ng bansa.


Nalampasan nito ang pinakamatinding pagsubok sa buhay—ang COVID-19 pandemic.


◘◘◘


NANANATILING No.1 ang BULGAR na mistulang may bertud at agimat.

Ang sikreto, siyempre ay ang Panginoong Maykapal at ang aktwal na suporta ng mga mambabasa at lahat ng nilalang na kaakibat ng produksyon, editorial, marketing at ngayo’y online community.


Ipinaabot natin sa inyong lahat na ating mambabasa at sa ating lahat ang MALIGAYANG ANIBERSARYO!


◘◘◘


KINALTASAN ang presyo ng produktong petrolyo.


Isang himala!


◘◘◘


IBINABABALA naman ang pagtaas sa singil sa konsumo ng elektrisidad.


Isang malaking delubyo!


◘◘◘


KAHIT ang water interruption at mataas na singil sa konsumo ng tubig ay tiyak na hindi makaliligtas sa 2023.


Bakit hindi ito ginagawan ng paraan ng mga awtoridad?


◘◘◘


WALA pang kongretong programa o diskarte ang Marcos, Jr. administration kontra sa talamak na graft and corruption.


Ang pagdarahop at kakapusan ng pondo ng gobyerno—ay malulutas, kapag ipinatupad ang seryosong programa laban sa pagnanakaw ng pondo sa gobyerno.


◘◘◘


BAKIT walang nagbabantay sa pondo ng barangay at LGUs?

Saan napupunta ang koleksyon sa pagkuha ng mga permit, bayad sa parking, palengke, talipapa at iba pa?

Bakit malayang nagti-ticket ang mga “parking boys”?


Negosyo ba ‘yan, tipong “raket”—ang koleksyon ay batay sa “quota”?


◘◘◘


KAPAG napunta mismo sa “treasury” ang koleksyon ng barangay at LGUs, bilyun-bilyong piso ang maililigtas mula sa “garapalang graft and corruption”


Dapat palakasin ang poder ng Commission on Audit!


◘◘◘


KAKAMBAL ng paglaban sa corruption ay “auditing procedures”.

Kapag tumanggap ng tongpats ang mga government auditors—hindi masusugpo ang graft and corruption.


Ganun lang ‘yan kasimple!



 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | December 1, 2022


INAAPURA na ng Marcos, Jr. administration ang paggamit ng nuclear energy.


Kung makalulusot ang pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant, mapakikinabangan ito sa loob ng termino ni P-BBM.


◘◘◘


BUKOD sa BNPP, makikipag-usap din ang gobyerno sa South Korea, France, China at US upang makaangkat ng kagamitan at makinarya na magagamit sa small modular nuclear reactor.


Ibig sabihin, desidido si P-BBM na pababain ang singil sa konsumo ng elektrisidad.


◘◘◘


KAPAG bumaba ang presyo ng kuryente, aba’y awtomatik na bababa ang gastusin sa pagnenegosyo at maging gugulin sa lahat ng tahanan at negosyo.


Hindi lang giginhawa ang buhay, bagkus ay maaakit ang mga foreign investors na magnegosyo sa loob ng bansa.


◘◘◘


KUNG magtatagumpay, ang simpleng paggamit ng nuclear energy ay isa nang napakalaking achievement ng Marcos, Jr. administration.


Ipagdasal nating hindi ito mabulilyaso ng mga kritiko at tuta ng mga dayuhang kapitalista.


◘◘◘


BUMABA nang P4 ang presyo ng diesel.

Aba’y masasabay ito sa Kapaskuhan.

Magandang regalo ito sa mga motorista.


◘◘◘


BUMABA ang presyo sa world market ng petrolyo dahil nabawasan ang demand mula sa China.


Dumaranas ng malawakang lockdown sa China.


◘◘◘


INAATAKE na naman sila ng COVID at nakasarado ang maraming negosyo rito.


Unti-unti na rin nagbabaklas ng negosyo mula sa China ang mga foreign investors.


◘◘◘


TAG-ARAW na.

Ito ang tamang panahon ng paglilinis ng mga kanal laban sa matataas na baha sa panahon ng tag-ulan.


Ereng LGUs at barangay ay nagtatamad-tamad pa rin.


◘◘◘


NGAYONG tag-araw ang angkop na panahon para paghandaan ang “tag-ulan”.

Kung kailan umuulan ay saka sila gumagawa ng paraan konta baha.


Senyales ng kamangmangan.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | November 29, 2022


HINDI maiiwasan ang pagtaas-singil sa konsumo ng elektrisidad.


Kahit anong pigil ang gawin ng gobyerno, hindi talaga ‘yan maiiwasan.


◘◘◘


KAHIT bawasan pa ang VAT o buwis na ipinapatong sa electricity bill—ang lahat ng ‘yan ay pansamantala lamang.


Dapat magparami ng supply, tulad sa pagpapagawa ng imprastruktura, tulad ng geothermal plant, pag-angkat ng wind turbine at pikit-matang pagpaparami ng hydroelectric plant o mga dam.


◘◘◘


MALAWAKAN at hindi pakonti-konti lang—at radikal at agaran dapat ang mga desisyon.


Hindi dapat magpatumpik-tumpik ang desisyon kung saan hindi lamang ang krisis ngayon ang mabibigyan ng solusyunan—bagkus ay ang krisis na paparating sa mga susunod na henerasyon.


◘◘◘


PINAKAEPEKTIB pa rin ay ang paggawa o pagmamanupaktura ng solar panel.


Gayunman, hindi ito dapat ipinamomonopolyo sa mga buwitreng kapitalista na kakutsaba ng mga pulitiko—‘yan ang mga batambatang oligarko.


◘◘◘


NAGKAKAGULO sa iba’t ibang siyudad ng China.

Hindi malayong biglang ma-kudeta si Xi Jinping na kinokopo ang kapangyarihan ng kanyang bansa.


Mahihirapan na itong mai-reverse.


◘◘◘


HINDI malayong magkasabay na bumagsak sina Vladimir Putin at Xi.


Kung magkagayun, mahahati ang China sa iba’t ibang maliliit na bansa, tulad sa naranasan ng USSR.


◘◘◘


MAAARING masorpresa rin si Putin sa kanyang pagbagsak kung saan, maaaring buksan ang Moscow sa mga kapitalistang maka-US sa hinaharap.

Marami pang magaganap.


Ito ay resulta ng nararanasang “tahimik at lihim na ikatlong digmaang pandaigdig”.


◘◘◘


MABABAGO ang kalakaran ng pulitika sa buong daigdig nang wala gaanong dadanak na dugo.


Ang direksyon ay patungo lahat sa demokratikong proseso ng pamamahala sa gobyerno.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page