top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | March 5, 2023



MALAKING pagbabago na ang nagaganap sa mainstream media.


Sinasakop ng mainstream media ang print, radio, television at pelikula.

◘◘◘


KAUNTI lang ang nakakaunawa ng pagbabagong ito.


Inobasyon ang tawag d’yan at ‘yan ay normal sa alinmang henerasyon.


◘◘◘


KAPAG inugat ang kasaysayan, magsisimula ito sa panahon na hindi pa naiimbento ang matematika.


Susunod ang panahon na puro berbal o bigkas at ungol lamang ang palitan ng mga impormasyon dahil wala ang sinaunang papyrus.

◘◘◘


BUMILIS ang daloy ng impormasyon nang gumamit ng scroll o inukit na letra sa mga kahoy na siyang sinaunang imprenta.


Ang pundasyon ng sinaunang imprenta ang paggamit ng silk screen upang magkaroon ng mass production.

◘◘◘


ANG pagkakaimbento ng scroll na sinundan ng modernong makina ay nagpabilis ng palitan ng impormasyon.


Nakakalungkot lamang dahil ang modernong imprenta ay inaangkin ng mga taga-Europe at itinambal ito sa modernong sibilisasyon.

◘◘◘


DAHIL ang mga taga-Europe ang nag-imbento ng modernong imprenta at nagparami ng mga aklat, naimpluwensiyahan ng mga ito ang sistema, iskema at proseso ng edukasyon.


Ang edukasyon ay isang moderong sistema ng paglilipat-lipat ng impormasyon na pinaigting ng mga pagkatuklas at mala-siyentipikong diskarte.


◘◘◘


INAAKALA ng mga tao na ang Europe ang sentro ng kaalaman at galaw ng mga ito.


Isinusulat ang mga aklat mula sa perspektibo o pananaw ng mga taga-Europe, kaya ang Pilipinas ay pinalitaw na “nadiskubre”, imbes na palabasin na ito ay may sinaunang sibilisasyon na nauna kaysa sa Europe.

◘◘◘


TALIWAS sa pinalalabas ng mga taga-Europe, mas maraming paham at lihim na karunungan.


Ang mga ito ay nakaugat sa kontinente ng Asya mula sa Tsina, India at Malay peninsula na kinabibilangan ng Pilipinas.

◘◘◘


SA panahon ng modernisasyon at pag-unlad, pinaniniwalaang babalik sa Asya ang sentro ng pagkilos sa daigdig kasama ang edukasyon, pinansyal at karunungan.


Ang Pilipinas at mga Pilipino ang No.1 sa paggamit ng modernong internet.

◘◘◘


ANG internet ay lipas na ring termino dahil may bago nang anyo at porma ang lahat. Ito ang ‘metaverse’ na sesentro mula sa talino at kakayahan ng mga Pilipino.


Ang mainstream media ay nagbago na ng anyo at ang ‘metaverse’ na may kakaibang depinisyon taliwas sa deskripsiyon ng mga eksperto.

◘◘◘


ANG mga nagpapakilalang eksperto ay napag-iwanan na rin ng “monster of information”.


Sinuman ang makaunawa ng inobasyong ito, siya ang kokontrol ng lipunan, gobyerno at maging ng buong daigdig sa isang payapang pamamaraan.


 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | March 4, 2023



GUMAGAPANG na sa hirap ang ordinaryong mamamayan dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.


Gumagrabe ang sitwasyon kapag hindi maayos ang serbisyo sa tubig at elektrisidad.

◘◘◘


SA Metro Manila, napaparalisa ang mga negosyo dahil sa paulit-ulit at grabeng water interruption.


Pero, hindi inaaksiyunan ng mga awtoridad ang mga water distribution firm.

◘◘◘


SA Mindanao, may 3,000 residente ng Island Garden City sa Samal, Davao del Norte ang sumugod sa tanggapan ng Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO).


Hindi kasi maayos ang serbisyo ng elektrisidad at mataas na presyo ng singil.

◘◘◘


PARANG beerhouse ang nararanasan ng mga residente dahil “patay-sindi” ang serbisyo.


Apektado ang lahat ng sektor, lalo na ang mga ospital, hotel, resort, lahat ng negosyo at maging ang mga pobreng estudyante.

◘◘◘


ANIM na taon nang kalbaryo ang nararanasan ng mga residente, kaya nakikiisa na rin ang Local Government Unit (LGU) sa pagbatikos dito.


Mas mataas nang P9 kada kilowatt-hour ang singil kumpara sa iba pang electric cooperative, pero hindi ito dinidisiplina ng mga awtoridad.


◘◘◘


KAPAG walang serbisyo ang elektrisidad, awtomatikong paralisado rin ang serbisyo ng tubig at telekomunikasyon.


Hiniling ng mga residente na tanggalan na ng prangkisa ang naturang electric cooperative dahil hindi nila kayang magtiis hanggang 2033 kung kailan mag-e-expire ang prangkisa.

◘◘◘


MALINAW na hindi nagagampanan ng NORDECO ang kanilang responsibilidad, kaya malaking paglabag ito sa batas.


Dapat nang aksyunan ito ng mga kinauukulan dahil lantaran naman ang pagkadismaya ng mga subscriber.

◘◘◘


NAPAKAHALAGA ng serbisyo ng elektrisidad at tubig, pero bakit dinededma ito ng mga regulating bodies?


May milagro ba sa ilalim ng mesa?


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | February 24, 2023



SUMASALIMUOT ang takbo ng Marcos administration.


Sana’y malampasan ni P-BBM ang mga pagsubok.

◘◘◘

UMIINIT ang Charter Change.


Mailusot kaya ng Marcos administration ang hindi nagawa ng mga nakaraang administrasyon?


◘◘◘


ECONOMIC provisions lang daw ang babaguhin sa Constitutional Convention.


Duda tayo r’yan.


◘◘◘


AYON kay P-BBM, sapat na ang mga umiiral na batas ay para mailagay sa ayos ang ekonomiya.


Malaki talaga ang tama niya.

◘◘◘


HINDI naman kailangan ang amyenda sa Konstitusyon.


Kung babaguhin, baguhin lahat. Wala nang tse-tse-buretse.


◘◘◘


IDEOLOHIYA ang tunay na susi sa pagbabago ng alinmang lipunan at gobyerno.


Ang mismong ideolohiya—ang siyang ipinapasok o ipinapatupad sa loob ng Konstitusyon.


◘◘◘


ANG Konstitusyon ay espesipiko, konkreto at nagdodokumento ng isang ideolohiya.


Ang ideolohiya ay siyang esensya ng Konstitusyon—kumpleto siyang pundasyon ng isang Republika.

◘◘◘


KAPAG walang malinaw na ideolohiya ang isang bansa, nasyon o gobyerno, ‘yan ay isang tipikal na “Banana Republic”.


Ibig sabihin, ang direksyon ng isang bansa ay idinidikta ng mga “personalidad”, imbes ng ideolohiya o Konstitusyon.


◘◘◘


MAGKAKAMBAL dapat ang ideolohiya at Konstitusyon.


No ifs, no buts, period.

◘◘◘


KUNG ang mga delegado o framer ng Konstitusyon ay walang ideolohiya, sila ay tuta lamang ng mga Oligarko o dambuhalang komprador, negosyante o ilegalista.


Karaniwan ding tuta sila ng malalaking bansa o super-power na nais dambungin ang kayamanan o potensyal ng maliliiit na bansa.

◘◘◘


DAHIL manghihimasok ang mga super-power, partikular sa “economic provisions”, napakahalaga ng ‘ideolohiya’.


Ang problema, hindi nauunawaan ng mga tao sa gobyerno—Malacanang, Senado at Kamara— ang depinisyon nito. Dahil diyan, anumang pagbabago ay nauuwi sa wala.


Kumbaga, aksaya lang ‘yan ng panahon at salapi ng bayan.


‘Yan mismo ang posibleng nais ipahiwatig ni P-BBM, kaya kontra siya sa Chacha.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page