top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | April 6, 2023



NAG-EXODUS na ang mga taga-Metro Manila patungo sa mga probinsya.


Ang walang trapik, paktay ang negosyo.

◘◘◘


SEMANA Santa ngayon, panahon ng pag-unawa at pagpapatawad sa kapwa.

Dapat walang puwang ang iringan.

◘◘◘


TALIWAS dito, tila may iringan o patutsadahan ang relasyon ng Palasyo at Hudikatura.


Nagmamatigas kasi ang Court of Appeals (CA) sa pag-uutos sa National Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng automatic approval ang aplikasyon ng News and Entertainment Network Corporation (Newsnet).

◘◘◘


MAY kaugnayan ito sa pag-install, pag-o-operate at pag-maintain ng isang Local Multi-point Distribution System (LMDS) na pinaboran ng CA noong July 2022 order.


Taliwas dito, ibinasura naman ng Office of the President ang apela ng Newsnet na magkaroon ng LMDS.

◘◘◘


Ang LMDS ay ginagamit para makapaghatid sa bansa ng interactive pay television at iba pang multimedia services.


Ayon sa Palasyo, hindi saklaw ng Republic Act No. 11032 o The Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 ang mga aplikasyon sa mga radio frequency assignments dahil ito ay sakop ng NTC.

◘◘◘


NAG-UGAT ang problema sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) noong panahon ni ex-Director General Jeremiah Belgica dahil ang RA 11032 ang ipinambala nito pabor sa Newsnet.


Pero binawi rin ito ng ahensya nang sabihin ng Department of Justice (DOJ) na nagmalabis sa kapangyarihan ang ARTA nang paboran nito ang reklamo ng Newsnet at mag-utos sa NTC na magbigay ng radio frequency.

◘◘◘


AYON naman sa DOJ, hindi magkakabisa kailanman ang kautusan dahil “null and void” ito mula sa simula dahil wala ito sa hurisdiksyon ng ARTA.


Dahil dito, tuluyan nang umatras ang ARTA at naglabas pa ito ng isang resolusyon, pero nakakapagtaka na humatol pa rin ang CA pabor sa Newsnet makalipas ang mahigit isang buwan.

◘◘◘


NOONG Lunes, mismong si Solicitor General Menardo Guevarra ang nagpaalala kay Associate Justice Atal-Paño sa matibay na desisyon ni P-BBM laban sa Newsnet na pag-aari ni businessman Mel Velarde.


Dapat bawiin na raw ng CA ang July 2022 Order nito para maisara nang tuluyan ang isyu.

Sana ay maareglo ang isyung ito, lalo pa’t kailangan ang pagkakaisa ng bansa sa gitna ng krisis.


 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | March 25, 2023



TUMATAGILID na ang mga negosyo.


Sa Pasay at Parañaque area, pineperhuwisyo ng talamak na water interruption ang negosyo nang halos isang taong singkad gamit ang iba’t ibang alibi.


Bigo ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na disiplinahin ang Maynilad. Eh, bakit?!

◘◘◘


DAPAT ay saklolohan ng gobyerno ang mga negosyo sa halip na pigilan sa paghahanapbuhay.


Survival of the fittest na ang batas. Pero, ang gobyerno ay patuloy pa rin sa pagkakait ng trabaho sa mga obrero.

◘◘◘


ISANG halimbawa nito ang panukalang-batas na ipagbawal nang tuluyan ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).


Lehitimong negosyo ito at mayroon ding ganitong klase ng business ang ibang bansa.

◘◘◘


ITO ang itinuturong dahilan ng pagdami ng krimen, sa halip na pulisya. Pero, itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na may malaking bilang ng POGO-related crimes.


Meaning, propaganda na ang ilang impormasyon.

◘◘◘


KINUMPIRMA rin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na malaki ang buwis na ipinapasok ng POGO, bukod pa ang hanapbuhay na ibinibigay sa mga manggagawa.


Eh, bakit ipagbabawal?

◘◘◘


MAYORYA ng mga senador ay hindi pabor na ipagbawal ang POGO, kaya hindi nakakuha ng sapat na boto o suporta ang committee report na isinumite ni Senator, Ways and Means Committee chairman Sherwin Gatchalian.


Permanent ban kasi ang inirerekomenda ng komite ni Gatchalian.

◘◘◘


KABILANG sa hindi pumirma sa committee report na nagbabawal sa POGO si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito.


Nababahala kasi ang Senador sa negatibong epekto ng biglaang pagsara ng POGO, kung saan bigla ring mawawalan ng trabaho ang libu-libong kawani rito.

◘◘◘


MASAMA rin ang magiging imahe ng Pilipinas sa mga investors at dayuhan dahil kahit lehitimo ang isang negosyo, posibleng maging ilegal sa simpleng kumpas ng ilang mambabatas.


Sa totoo lang, puwede namang patuloy na suriin ang isyu at mga datos, pero hindi puwedeng ipatupad ito nang biglaan.


Kumbaga, dapat ay hinay-hinay lang, lalo pa’t nababangkarote na ang mga bangko sa ibang bansa.

◘◘◘


MAGING sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Imee Marcos ay bantulot pa rin sa paglagda sa Committee Report. Dahil nabasted sa last day ng Senate session ang Committee Report, nag-privilege speech na lang si Gatchalian.


Pero, mistulang inismol niya ang kapwa Senador na kumontra sa panukalang-batas.

◘◘◘


MALINAW ang pahayag ng PNP na wala halos nang mga POGO-related crimes. Maging ang BIR ay nagsasabi na nakakapag-ambag sa government income ang POGO industry.


Sa panahon ng krisis sa ekonomiya, hindi dapat nagagambala ang operasyon ng anumang klase ng negosyo, lalo pa’t lehitimo naman ang mga ito.


 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | March 24, 2023



WALANG duda, magkaalyansa na ang Russia at China kontra sa US at NATO.


Ang Ukraine? Tulad sa Pilipinas, noong World War I at II, battleground ang Ukraine sa proxy war ng dalawang super-power.

◘◘◘


MALINAW na malinaw ang mensahe. May panganib ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Bakit?


Dahil nag-iikot na ang mga lider ng mga bansa upang lihim na mag-alyansa at bumuo ng diskarte, at siyempre, sikret-sikret muna.

◘◘◘


DESIDIDO ang mayorya ng Kamara sa isang constitutional convention o con-con, kung saan ang babaguhin lamang ay ang economic provisions.


Kontra rito ang mayorya ng Senado. Kontra rin kuno si P-BBM.

◘◘◘


ISANG kaplastikan kasi na irekomenda sa isang con-con at pili lang ang babaguhin.


Kung totoong con-con ang ihahalal, hindi na ito sakop ng mga batas sa Kongreso.


Kumbaga, 100% na malaya ang con-con delegates sa kanilang gagawin. No ifs, no buts.

◘◘◘


KITANG-KITA rito ang kamangmangan ng mga mambabatas sa depinisyon kung ano ang Konstitusyon.


Mas sagrado at makapangyarihan ang con-con kaysa sa Kongreso dahil ito ay pinagsanib na Kamara at Senado.

◘◘◘


HINDI puwedeng idikta ng anumang batas ng Kongreso ang trabaho ng con-con.


Limitado sila sa pagtatakda ng petsa ng eleksyon at pagpopondo rito. Hanggang ganu’n lang.


◘◘◘


DAPAT nating maunawaan na mithiin ng con-con ay bumuo, lumikha at magpundar ng Konstitusyon na siyang “pundasyon” ng isang Republika.


Hindi puwedeng diktahan ang pundasyon ng sinumang bahagi ng gusali—poste, sahig, bubong o bintana.

◘◘◘


UULITIN natin, limitado ang kapangyarihan ng Kongreso sa pagtatakda ng petsa at pondo sa constitutional convention.


Kapag idinikta ng Kongreso ang trabaho ng con-con, hindi ito nalalayo sa sinasabing diniktahan ng anak ang kanyang magulang. Mahirap bang isipin ‘yan?

◘◘◘


IPINAPAALALA natin, hindi kasingkahulugan ng pagiging senador, kongresista, gobernador o mayor ang pagiging matalino.


Nahalal lang ang mga ‘yan dahil sa popularidad at bulto ng campaign fund, pero hindi dahil sa kuwalipikasyon. Marami r’yan ay mangmang at pa-cute lang. He-he-he!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page