top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | December 13, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Ilang araw na lamang ay Simbang Gabi na.

Ilan kayang sikat na personalidad ang magpa-Pasko sa kulungan?


----$$$--

UMIYAK si Sarah Discaya sa kustodiya ng NBI, kasi nakakulong din ang kanyang mister sa Senado ngayong Pasko. 

Walang mag-aalaga sa kanyang mga paslit na anak na inamin niyang dumaranas ng Attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD) syndrome.

 

----$$$--

ANG Pasko ay para sa kasiyahan ng mga bata.

Malinaw na ang naparusahan dito ay ang mga walang muwang, inosente at may sakit na menor-de-edad.

 

-----$$$--

TEKA, kumusta kaya ang magiging Pasko ni Martin Romualdez?

Kasya kaya sa kanya ang P500 budget sa Noche Buena? Saan kaya siya magpa-Pasko?

 

----$$$--

NANGAKO kasi si Ombudsman Boying Remulla na “magpa-Pasko sa kulungan” ang sangkot sa flood control scandal.

Sino ba talaga ang poposturang Santa Claus this Christmas:  si Boying ba o si Martin?

 

----$$$--

KAPAG kasi napag-uusapan si Romualdez, biglang isinisingit ni Boying ang “due process.”

Ilang testigo na ang nagbanggit ng pangalan ng ka-brod ni Boying bukod pa ang mga ebidensiya.

 

----$$$--

Kumbaga, sing-liwanag ng Christmas lights ang pagkakasangkot nito pero dedma pa rin ang Ombudsman.

May nagpapatutsada tuloy na “baka” si Boying ang Santa Claus ni Martin. Hehehe!

 

----$$$--

 

AYON mismo sa WR Advisory Group survey, 23% ng mga tao nagsasabing si Martin ang primary accountable.

Tapos, may mga pangalan nang binura ng ICI sa flood control scam dahil sa kakulangan ng ebidensya.

 

-----$$$--

MAY pautot.

Cleared. Finished. Dismissed.

Ho! Ho! Ho!

 

----$$$--

ANO’NG ginawa ni Ombudsman Boying?

 Aba, hindi pa raw tapos.

“Nagke-case build-up” pa raw.

Ngekkk!

 

-----$$$--

UMEEKSENA na naman ang selective justice?

Pagtatakip at paglilihis para hindi maidawit si Romualdez?

 

-----$$$--

HABANG nagdidildil sa P500 halaga ng Noche Buena ang ordinaryong Pinoy, bubutsog naman sa kanilang mga mansyon ang mga bida sa flood control projects scandal.

Pero, sa panaginip ng mga kolokoy, hindi kaya nababangungot sila kapag nakita nila sa pangitain ang rehas na bakal?

 

-----$$$---

 

NAGPAPASAYA ngayon sa mga Pinoy ay ang paglahok sa Southeast Asian Games na ginaganap sa Thailand.

Noong Huwebes ng gabi, nakapagtala na ang Pilipinas ng limang gold ; pitong silver; 21 bronze para sa kabuuang 33 medalya.

Congrats, mabuhay!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | December 12, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Kinansela na ang pasaporte ni Zaldy Co.

May bago na kasi siyang “passport”.

 

----$$$--


Ipinaprayoridad ang Anti-Dynasty Bill.

Kunwari.

 

----$$$--


HINDI pa rin maka-move on ang mga kritiko sa P60 bilyong ibinalik sa PhilHealth mula sa national treasury.


Idineklara kasi ng Korte Suprema noong Disyembre 5 na ilegal ang paglilipat ng naturang pondo.


Kumbaga, ipinimpong balls ang naturang pondo.

 

----$$$--


SA totoo lang, ang paglipat ng pondo ay alinsunod sa serye ng mga batas kabilang ang

2024 General Appropriations Act (GAA).


Pinagtibay din ito Department of Finance (DOF) batay sa  Circular No. 003-2024 na nilagdaan ni dating Finance Secretary Ralph Recto.

 

-----$$$-- 


BAGAMAT sinabi ng Supreme Court (SC) na labag sa konstitusyon ang Special Provision 1(d), apat na mahistrado ng SC ang nanindigan na hindi kriminal na mananagot si Recto dahil alinsunod  ito sa utos ng Kongreso sa inaprubahang GAA.


Batay kasi ito sa Special Provision 1(d) ng Chapter XLIII, meron itong  eksklusibong “power of the purse.”

 

-----$$$--


SA aktwal, ipinatupad ang naturang hakbang matapos makakuha ng clearance mula sa Office of the Solicitor General (OSG), at Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), Governance Commission for GOCCs (GCG).


Sinang-ayunan din ito ng Commission on Audit (COA) at maging ang PhilHealth Board mismo.

 

-----$$$--


NILINAW din na ang P60 bilyon ay hindi rin umano ginamit sa flood mitigation projects.

Bagkus, ginamit ang P46.7 bilyon sa gastusing pangkalusugan.


Ang P13 bilyon naman ay napunta sa government counterpart financing para sa foreign-assisted infrastructure at social development projects. 

 

-----$$$--


DAHIL sa paglilipat ng P60 bilyon mula sa PhilHealth noong 2024, naiwasan ng National Government (NG) ang muling pangungutang na sana’y magdadagdag sa public debt stock ng P60 bilyon.


Nakaiwas ang gobyerno sa potensiyal na interes na  P3.8 bilyon kada taon, batay sa average interest rate na 6.3% noong 2024.

 

----$$$--


NAKAIWAS din na magpataw ng bagong buwis para lamang pondohan ang mga prayoridad na programa.


Gayunman, ang P60 bilyong pondo ng PhilHealth na ibinalik sa Treasury ay hindi galing sa kontribusyon ng miyembro.


Ito ay mula sa subsidies, kabilang ang mga “sin” taxes o buwis mula sa mga tobacco products at alak.

 

-----$$$--


BINIGYANG-DIIN ni Associate Justice Raul Villanueva na sakaling panagutin si Recto sa pag-isyu ng DOF Circular 003-2024 , ito ay maituturing na pagpaparusa sa kanya dahil sa pagganap sa kanyang tungkulin.


Dahil hindi nagalaw ang pondo mula sa kontribusyon ng mga miyembro, napagbuti pa ng PhilHeath ang pagbibigay ng serbisyo.

 

----$$$--


SA ngayon, ang mga pasyente sa breast cancer ay nabibiyaan mula P100,000 tungo sa P1.4 milyon, o 1,300% pagtaas.

Sa dialysis patients: libre ang sessions at medications para sa buong taon.

 

----$$$--


PARA sa Peritoneal Dialysis (PD) patients: mula P270,000, tumaas ng hanggang 370% tungo sa P1.269 milyon.


Sa institutionalized na 156 hemodialysis sessions kada taon, ang halaga ay P6,350 bawat session mula sa dating P4,000—katumbas ng 58.75% pagtaas, o halos P1 milyon na suporta para sa bawat pasyente taun-taon.


-----$$$--


PARA sa kaalaman ng publiko, sa Open heart surgeries, ang ventricular septal defect ay tumaas sa P614,000 (mula sa dating P250,000) ang benepisyo.

Sa total correction of tetralogy of Fallot (P614,000 mula P320,000); at Coronary Artery Bypass Graft (CABG) – hanggang P960,000 mula P550,000.

 

-----$$$--


PINALAKI rin ang benepisyo ng PhilHealth sa Heart Valve Repair, kidney transplant, cataract; at therapy sa mga napaparalisado.

Pinondohan din ang pagbili ng mga health equipments at pagtatayo ng mga dagdag na pasilidad na may kaugnayan sa medical services.

 

-----$$$--


NAGLAAN din ng P13 bilyon para sa mandatory government counterpart financing para sa foreign-assisted infrastructure at social development projects.


Mahalagang maunawaan ng publiko ang tunay ng sitwasyon sa gitna ng kaliwa’t kanang kaduda-dudang impormasyong lumilitaw sa iba’t ibang social media platform.

 

-----$$$--


SA ngayon, kailangang magtulong-tulong ang bawat mamamayan sa pagpapakalat ng mga lehitimong impormasyon.


At umiwas na maging kasangkapan sa kaliwa’t kanang black propaganda ng mga nagtutunggaliang ideolohiya sa ating lipunan.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | December 11, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Kakasuhan na ng Ombudsman si Atong Ang at ilang opisyal ng PNP kung saan, wala itong piyansa kaya't agad kalaboso ang mga ito.

Kaugnay ito sa “Missing Sabungeros.”

 

----$$$--

ABSUWELTO ang aktres na si Gretchen Barretto sa nawawalang sabungeros.

Malinaw na lusot din sa kaso ang Patidongan Brothers na umaaktong state  witnesses.

 

----$$$--

MAGKAKASALUNGAT naman ang ulat kaugnay sa arrest warrant ng ICC kontra kay Sen. Bato dela Rosa. 

Pinaniniwalaang nagtatago si Sen. Bato.

 

----$$$--

SUMUKO naman sa NBI ang mag-asawang Discaya. 

Ito ay buwelo sa napipinto ring paglabas ng arrest warrant kaugnay sa flood control projects scandal.

 

----$$$---

HINDI rin malinaw kung ibinasura ang petisyon sa asylum ni Atty. Harry Roque sa Europe. 

Nagpetisyon siya mismo sa Interpol na ipawalang-bisa ang arrest warrant dahil isa siyang “asylum seeker” at biktima ng political persecution.

 

----$$$--

LUMANTAD naman ang isang dating ayudante ni ex-Sen. Bong Revilla na nagkukumpirma ng bilyong pisong “kulimbat.” Humingi ng dasal mula sa publiko ang anak ni “Nardong Putik”. 

Puwede na niyang gamitin ang ipinamanang “agimat at orasyon” para hindi siya madakip.

 

----$$$--

MARAMING prominenteng tao ang posibleng magpasko sa loob ng detention cell.

Isang masalimuot na Pasko ang kanilang mararanasan.

 

----$$$--

DISKARIL naman ang peacetalk na ikinakalantari ni US President Donald Trump sa pagitan ng Russia at Ukraine. 

Mas gusto nila ang patayan kaysa kapayapaan.

 

----$$$--

NATUKLASAN na ang Ayta sa Pilipinas ay may pinakamaraming element ng DNA na namana sa Denisovan—isang lahi na pinagmulan ng mga tao sa daigdig.

Ibig sabihin, malinaw na ang sibilisasyon ng daigdig ay nagmula mismo sa mga isla ng Pilipinas.

 

-----$$$--

NANANATILING malusog at marangya ang lahing kayumanggi at nakaaangat ito sa alinmang lahi sa daigdig. 

Isa itong karangyaan na dapat ingatan at ipinaglaban ng ating bansa kontra sa mga dayuhan.

 

----$$$--

MALINAW na ang mga katutubong Aeta ay naidepensa nila hindi lang ang kanilang dugo laban sa impluwensiya at kultura ng mga dayuhan, bagkus maging ang soberanya ng kanilang teritoryo. 

Isang matibay na pundasyon ito para sa pagpapalaganap at pagyakap sa isang lantay na Ideolohiyang Pilipino!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page