top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | June 22, 2023


MARAMI ang excited sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.


Ano kaya ang nilalaman ng kanyang talumpati?


---$$$---


MASYADONG matagal ang nakaraang 12 buwan, dahil binalasa nang todo ang kanyang mga tauhan.


Sinu-sino kaya ang magiging bagong mukha sa kanyang gabinete.


---$$$---


NAGTATAKA tayo kung bakit hindi pinalulutang ni P-BBM ang epektibo at magagandang programa ng kanyang ama at ina.


Halimbawa, bakit hindi ibinabalik ang OPSF.


Ito ang Oil Price Stabilization Fund.


Pangontra ito sa walang habas na pagtataas sa presyo ng petrolyo.


---$$$---


BAKIT, panay pabahay ang programa sa bagong Department of Human Settlement and Urban Development.


Hindi ba nila alam ang konsepto at pilosopiya ng orihinal na MHS ni Madame Meldy?

Higit sa lahat, TAO.


---$$$---


KAPAG “human”, “tao” ang ibig sabihin nito at hindi “bahay”.


Dapat ay nakatutok ang pag-unlad sa pagpapaunlad ng “tao” -- at isa lamang dito ang “pabahay”.


Nasaan ang 11 basic needs?


Bakit, “bahay, bahay, bahay” lang?


Nasaan ang "tao"?


---$$$---


PINUPUTAKTI ngayon ang mismong orihinal na may-ari ng TAPE Inc. na si Romeo Jalosjos.


Idinidikit sa kanyang pangalan ang pagiging kongresista at ex-convict sa kasong rape sa isang dalagita.


---$$$---


SIYEMPRE, pinalulutang din naman ng kanyang kampo ang mga infrastructure na nagawa niya, at mga kawanggawa.


Ito ay upang sapawan ang negatibong dulot sa pagkakabilanggo sa kasong rape.


---$$$---


BINUBUHAY ang isyu kung bakit nagawa nilang kumandidato sa kabila ng hatol na guilty sa statutory rape.


Binuno ni Jalosjos ang 18 taong pagkakulong kung saan sinasabing dapat umano ay hindi na siya kuwalipikadong humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.


---$$$---


NAHALAL si Jalosjos bilang kongresista noong 2001.


Marami ang nagtataka kung bakit siya pinahintulutang kumandidato at maupong kongresista.


---$$$---


SA ngayon, hindi pa rin maawat ang sari-saring ispekulasyon at patutsada kung saan nababahiran na rin ito ng personal.


Nananatili ang noontime show sa GMA-7 at ginamit nito ang titulong “EB” pero kinukuwestiyon ito.



 
 

ni Ka Ambo @Bistado | June 21, 2023


PUMALAG na ang mga residente na apektado sa agawan ng teritoryo ng Makati at Taguig.


Tipong naiipit sila sa nag-uumpugang bato.


---$$$---


NAGPAPASAKLOLO na kasi ang mga residente ng Pembo.


Gusto nila ay mai-takeover na agad ng Taguig City ang kanilang barangay.


---$$$---


NAGDESISYON na kasi ang Korte Suprema na ang kanilang barangay ay sakop ng Taguig City imbes ng Makati City.


Pormal nang lumiham ang mga residente sa lokal na pamahalaan ng Taguig upang madaliin ang proseso sa paglipat ng kanilang address.


---$$$---


SA 2 pahinang liham, nilinaw nila na apektado sila ng fake news.


Pinalilitaw ang posibleng negatibong idudulot ng desisyon ng Korte Suprema gayung ito ay maituturing nang final at executory decision.


---$$$---


LAYON ng liham na matukoy kung ano ang mga maaari nilang asahan sa lungsod sa oras na maisakatuparan ang takeover.


Inamin din ng mga residente na may natatanggap silang black propaganda laban sa Taguig at sa mga barangay officials.


---$$$---


MARAMING residente ang ayaw nang lumantad dahil maaaring maapektuhan ang kanilang buhay.



Dapat nang maglabas ng malinaw na opinyon at disposisyon ang Korte Suprema.


---$$$---


NAG-UUSAP na ang U.S. at China.


Huh, delikado ‘yan.


Pinipigil nila ang panganib ng giyera mundial.


---$$$---


MALABO pang matigil ang Russia vs. Ukraine war.


Madadamay na ang buong mundo.


---$$$---


WALA nang COVID pandemic.


Tapos na ang world scam.


---$$$---


UNTI-UNTI nang ipinuwesto ang mga talunan sa eleksyon.


‘Yan ang demokrasya.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | June 20, 2023


USAP-USAPAN ang isyu sa noontime show na “Eat Bulaga”.


Sa totoo lang, isang normal na isyu ‘yan sa “employer-employee” relationship.


---$$$---


MAYORYA ng sosyo sa TAPE, Inc.. ay pag-aari ng pamilya Jalosjos.


Moral at legal -- sila ay may final decision at diskarte sa pagpapatakbo ng programa o negosyo.


---$$$---


WALA namang binanggit na “management contract” upang ipagdiinan ng TVJ na sila ang dapat mamahala sa produksyon.


D'yan nag-ugat ang problema.


---$$$---


MASALIMUOT ang larangan ng “sining” dahil marami rito ay hindi nasasakop ng existing law partikular ang intellectual property rights.


Pinag-aagawan ang karapatan sa pagmamay-ari ng “Eat Bulaga” na marka at titulo.


Ang TAPE, Inc. ba o ang TVJ?


Maselan, makakaabot ‘yan sa Korte Suprema.


---$$$---


UNANG hakbang dito ay tukuyin muna kung “proper noun” o “common noun” ang Eat Bulaga.

Kapag proper noun, mayroong aktuwal na may-ari nito.


Pero kung common noun -- malaya ang lahat na gamitin ito.


---$$$---


ALAM natin na ang terminong “Eat” ay common noun at maging ang terminong “Bulaga”.


Nang ikambal ni Joey de Leon ang “Eat” sa “Bulaga” — at nilagyan ng logo o lettering, kulay at disenyo -- ito ay naging proper noun.


Ang tanong: Kapag ba ang empleyado o kawani o talent ang umimbento ng logo -- ay aktuwal nang “siya ang may-ari” ng logo o ng IP item?


Iyan ang isyu.


---$$$---


MARAMING layout artist na pinapasuweldo -- at lahat ng mga ito ay inutusan ng kanilang employer na magdisenyo para magamit sa proyekto at aktibidad, ang idinisenyo ba niyang logo ay mananatiling “kanya” o sa management na nagpasuweldo sa kanya?


Kung pinasusuweldo si Joey de Leon o tinanggap niya ang “talent fee” — masasakop ba nito ang “IP rights” sa lahat ng kanyang ideya, inobasyon at imbento sa durasyon ng programa?


Iyan ang argumento na dapat linawin ng hukuman.


---$$$---


DAPAT ay makakuha ng opinyon o desisyon sa Korte Suprema kaugnay ng “Eat Bulaga” -- dahil apektado rito ang lahat ng negosyo kung saan nagtatrabaho ang mga “artist o talent”.


Sa ngayon, walang malinaw na sagot o desisyon hinggil d'yan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page