top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | September 24, 2023


MADILIM ang paligid.

Hindi malaman kung “vog”, “fog”, “haze” o ulap ang bumabalot sa kalangitan.


---$$$---


BIGLA kasing nag-alburoto ang Bulkang Taal.

Maging ang Phivolcs ay nasorpresa.


---$$$---


DUMARAMI ang nagkakasakit na sintomas ng trangkaso.

Matagal gumaling, pero hindi naman gumagrabe.


---$$$---


KAPANSIN-PANSIN ang pag-absent ng mga estudyante, guro at mga empleyado.

Pero, walang “sey” ang DOH.

Anubayannn?


---$$$---


ABALANG-ABALA na ang lahat sa barangay election.

Sa ayaw o sa gusto ng Comelec, ratsadahan na ang kampanya.


---$$$---


MAHIRAP nang mapigil ng Comelec ang illegal o immoral na pangangampanya.

Kanya-kanyang gimik at taktika.


---$$$---


MAY mga sitwasyon naman na halos “paniwalaan-dili” ang pagsusumite ng kandidatura.

Maraming kaso na naglalaban-laban ay magkukumpare at magkakamag-anak.


---$$$---


KAKAIBA naman ang sitwasyon sa Bgy. San Isidro sa Antipolo City.

Magkalaban ay “mag-ina”.

Parehong nagsumite ng COC ang magnanay.


---$$$---


NALILITO ngayon ang mga botante sa naturang barangay nang mag-file ng kandidatura ang isang “Angelo Kyle Garcia Salen” at isang “Maria Gloria Garcia Salen”.

Aatras kaya ang isa sa kanila o parehong tutuloy ang kandidatura sa Oktubre?


---$$$---


POSIBLENG pumabor ang naturang sitwasyon sa kanilang kalaban, pero marami ang nagsasabi na posibleng gimik ito at maaaring mag-withdraw ang isa sa “mag-ina”.

Magkakaroon kasi ng problema sa balota o pangangampanya.


---$$$---


KABILANG sa nagsumite ng kandidatura sa naturang barangay sina Rex Cayanong at Junie Elizaga na makakatunggali ng “mag-ina”.


Ang kapatid ni Gloria ay 15 taong naging kapitan samantalang 15 taon din naging kapitan ang asawa nito.


Ililipat pa sa anak o sa misis ang liderato ng barangay?

Hindi kaya masilat sila ng hindi nila kaapelyido?


---$$$---


WALANG duda, sisigla ang ekonomiya sa pagpasok ng Oktubre dahil sa eleksyon.

Kumbaga, mapapaaga nang todo ang Pasko sa Pilipinas.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 19, 2023


HINDI na natin tatantanan ang diskusyon sa agrikultura hangga’t hindi namumulat ang mga kinauukulan.


Sa aktuwal, ang agrikultura ay gulugod ng ekonomiya ng Pilipinas mula sa sinaunang panahon.

---$$$---



SAKSI sa testamentong ito ang Banawe Rice Terraces.


Bahagi at nakabaon sa Lahing Pinoy ang pagiging magsasaka.

Ibig sabihin, nakapundasyon ang tunay na ideolohiyang Pinoy sa pagsasaka.


---$$$---


HINDI maaaring suriin ang ideolohiyang maka-Pinoy nang hindi babalikan ang masalimuot na pagsasaka.


Halimbawa, nakabaon sa mga terminong pagsasaka ang mismong kasaysayan at pagmamahal sa “Lupang Tinubuan”.

---$$$---


INANG Bayan ang katumbas ng “Lupang Tinubuan” — pagmamahal sa bayan, pagiging makabayan o patriotiko.


Hindi ba’t terminong pagsasaka ang “tinubuan”?


Malinaw na malinaw na ang teknolohiya sa pagsasaka ay kakambal ng pagmamahal sa bayan.

---$$$---


SINIRA at niyurakan ng mga dayuhan ang pagsasaka upang mabura sa kamalayan ng mga Pilipino — ang pagmamahal sa bayan.


Gusto ng mga dayuhan, na itakwil ng mga Pinoy ang pagsasaka at sumandal na lamang sa pagkain o produkto na itinanim sa ibang bansa.


---$$$---


ANG napakasakit, hindi nauunawaan ng matataas na opisyal ng gobyerno ang tunay na “diwa, pilosopiya, esensiya at kahulugan” ng pagsasaka.


Hindi ito simpleng “sikmura”, bagkus ang pagsasaka ay isang nabaon na ideolohiya sa Lahing Kayumanggi.

---$$$---


ANG importasyon ng bigas ay mapait na bunga ng kolonyalismo.

Ang patuloy na pagsandal sa imported rice ay kakambal ng pagtataksil sa Lahing Kayumanggi.

---$$$---


NAPAKAHALAGA na bungkalin ang mga panot na bundok at nakatiwangwang na lupain.

Hindi ito simpleng maibaba ang presyo, bagkus ito ay isang marahas na hakbang upang maibalik ang pagmamahal sa ating Republika.


---$$$---


ANG pagbagsak ng agrikultura, ay posibleng magpahina sa gulugod ng ating Republika.


Nagmamakaawa tayo sa mga nagdedesisyon na gumawa ng malawakang programa upang magbungkal at magparami ng mga bukirin sa Luzon, Visayas at Mindanao.


---$$$---


ANG bigas ay hindi maaaring maimbak nang matagal na panahon, pero ang palay ay puwedeng maging “laon” kahit isang dekada.


Magbungkal at mag-imbak tayo ng palay — ito ang magpapatatag sa ating Republika.


Umiwas tayo sa imported na bigas, dahil iyan ay kasing kahulugan ng pagmamahal sa mga dayuhan.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 18, 2023


NAIKUMPIRMA ng Commission on Appointment (CA) si Defense Secretary Gibo Teodoro.

Klap, klap, klap.


---$$$---


EXCELLENT ang credentials ni Teodoro, walang kaduda-duda lalo pa’t isa siyang Bar topnotcher.

Siya talaga ang dapat maging kanang kamay ni P-BBM.


---$$$---


SA totoo lang, ang unang exposure ni Sec. Gibo sa gobyerno ay ang manungkulan siyang KB (Kabataang Barangay noon, Sanggunian Kabataan ngayon) noong 1980 nang tinedyer pa siya.


Siya rin siyempre, ang KB municipal president, KB Provincial president at Region 3 Regional President.


Hindi man sa pagbubuhat ng bangko, kasabay ni Sec. Gibo, ang inyong abang-lingkod naman ang KB municipal president ng Balagtas, Bulacan — kaya siya ang ating “boss” ng mga panahong iyon sa Central Luzon.


---$$$---


KUNG magaan na nakalusot sa CA si Teodoro, tipong magdaraan sa butas ng karayom naman si Health Secretary Teodoro Herbosa.


Ngayon pa lamang ay laman ng mga “marites” si Herbosa.


---$$$---


MAY mga isyu kontra kay Herbosa na dapat niyang masagot sa CA sakali mang may magtanong mula sa kanyang mga kritiko.


May ilang kumukuwestiyon sa kanyang kuwalipikasyon.


---$$$---


KAPAG nai-Google ang kanyang pangalan, doon na lilitaw ang mga maseselang isyu na posibleng kalkalin ng mga CA members.


May nagdududa rin kung paano nakakakuha ng clearance sa Ombudsman ang pobre dahil may nagtatanong kung totoo na mayroon siyang “perpetual disqualification” sa gobyerno?


Sana ay masagot niya ‘yan nang maayos.


---$$$---


MAY mga kakaibang behavior o diskarte si Herbosa na pinagpipiyestahan ng kanyang mga kritiko.

Iyan ay maselang isyu na puwedeng dumiskaril sa kanyang posisyon.


---$$$---


TAHIMIK na ang isyu sa presyo ng bigas.


Pero, nakapagtatakang walang nagsusulong nga industrial farming para sa pagtatanim ng palay.


Ibig sabihin, bakit walang korporasyon na nag-i-invest sa industrial farming?


---$$$---


IISA lang ang solusyon sa rice sufficiency.


Ito ay ang pagpaparami o pagdagdag ng rice field o lupain na mapagtataniman ng palay.

Mahirap bang isipin ‘yan?

Nakapagtataka talaga.


---$$$---


MALINAW ang ating rekomendasyon, bungkalin at gawing rice terraces ang mga panot na bundok at idle lands na pag-aari ng malalaking korporasyon.


Maraming idle lands din na pag-aari ng Republika ng Pilipinas, ipamigay at ipabungkal ito sa mga lehitimong magsasaka o kooperatiba?


Bakit walang ganyang ideya, desisyon at aksyon?

Hindi ba kayo nagdududa?


---$$$---


LILINAWIN natin, magkaiba ang bigas at palay.


Bigas ang tawag kapag giniling na o naiproseso ang palay.


Palay ang tawag kapag hindi pa ipinoproseso sa ricemill ang inani ng mga magsasaka.


---$$$---


PAGPAPARAMI ng produksyon ng palay ang susi sa krisis.

Hindi solusyon ang pagpaparami ng bigas na inangkat mula sa ibang bansa para pababain ang presyo.


---$$$---


KAILANGAN ni P-BBM ay hindi ang eksperto mula sa akademya.


Kailangan ng Malacañang ay payo mula sa lehitimo at aktuwal na MAGSASAKA.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page