top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | April 19, 2024




SOBRANG init.


Pero, alam ba ninyo maging ang bacteria ay natatakot sa init.


Mistulang nai-sterilize ang katawan sa ganitong init.



AMINADO ang mga otoridad na nasorpresa sila sa sobrang alinsangan.


Hindi kasi sila nag-iisip at nag-aanalisa.



NAKAKAHON sa tradisyunal na sitwasyon ang mga decision-makers.


Akala nila ang El Nino ay katumbas lang ng kakapusan ng tubig.


Mali.



HINDI suplay ng tubig na nakikita ng mata ang El Nino, ito ay kawalan din ng tubig sa hangin.


Kakaunti ang nakakaunawa nito lalo sa mga otoridad.



HINDI lamang ang tubig sa dam o sa tangke ng tubig — ang ibig sabihin ng El Nino.


Ito ay kakapusan din ng “water vapor” na dapat ay kasama sa sinisinghot at hinihigop ng ating katawan.


Humidity ang tawag nila d’yan.



DAPAT ay mag-isip ang mga nagdedesisyon kung ano ang epekto sa tao ng humidity.


Ibig sabihin nito — ay hindi magagamit nang maayos ang mga gusali na walang airconditioning system.


Hindi rin basta-basta makakalabas ang mga tao nang “maayos”.



APEKTADO ang mobility o paggalaw ng tao sa loob ng komunidad.


Ang komunidad ay ang kalye, tindahan, palengke, eskwelahan, lugar ng trabaho at opisina ng pamahalaan.



ANG contingency measures ay hindi lamang sa pagtitipid ng tubig, pag-iipon ng tubig, pagrarasyon ng tubig; at paghahanda sa brownout at blackout.


Lumang-uso na ‘yan, basic ‘yan — at awtomatik ‘yan — sintido-kumon ‘yan.


Paulit-ulit na ‘yan, gasgas nang solusyon ‘yan pero dapat na awtomatikong ginagawa ‘yan — at hindi iyan “contingency” dahil awtomatik na reaksyon ‘yan.



ANG contingency measure dapat ay ang pagpapagamit ng airconditioning unit sa mga silid-aralan, palengke, opisina ng gobyerno at libreng sakay sa airconditioned car.


Ang “modernong jeepney” na bahagi ng modernisasyon — ay napakaepektibong pangontra sa El Nino.


Pero, iyan ay natsambahan lang at hindi talaga bahagi ng “El Nino measures”.



ANG mga silid-aralan sa bawat barangay ay dapat nang palagyan ng airconditioning unit sa buong bansa.


‘Yan ay pangmatagalang solusyon laban sa climate change.


Dapat sa loob ng dalawa o tatlong taon — lahat ng eskwelahan ay dapat naka-aircon.

‘Yan ang hinihingi ng panahon, ‘yan ay bahagi ng epekto ng climate change.


Bakit walang nagsusulong ng ganyang klase ng inobasyon at pagbabadyet?


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Pebrero 16, 2023


BUMABAGSAK na ang ekonomiya ng China.


Siyempre, damay ang buong daigdig.


---$$$---


KUMBAGA, ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan.


‘Yan ang epekto ng globalization.


---$$$---


ANG “globalization” o pangangalakal nang maluwag sa lahat ng bansa ay idinikta ng IMF- World Bank.


Idinikta rin nito ang pagkontrol sa populasyon.


---$$$---


NANG pumasok ang mga Kano sa negosyo sa loob ng China kakambal ito ng globalization at ipinagbawal sa mga Tsekwa ang pag-anak ng higit sa dalawang paslit.


Ngayon, ang mismong globalisasyon na ito at pagkonti ng bilang ng mga bata ay siyang “magpapaguho” sa ekonomiya ng China.


Demographic crisis ang tawag d’yan.


---$$$---


ANG pagkaunti ng populasyon ay kasingkahulugan ng pagkonti ng bilang ng work force — na siyang nagiging problema ng Japan, Britain at Canada at iba pang bansa.


Ngayon, kapos ng work force ang mga malalaking bansa kung saan, ang Pilipinas ang nakikinabang.


---$$$---


OPO, tama kayo, kahit idinikta ng IMF-WB ang population control, hindi ito sinunod ng mga Pinoy na matitigas ang kukote.


Sa ngayon, tinatayang nasa mahigit 130 milyon ang bilang ng mga Pinoy kaya’t itinuturing ang Pilipinas na isa sa “malaking bansa”, kahit maliit ang sukat ng teritoryo.


---$$$---


ANG gulugod ng ekonomiya ng Pilipinas ay nakasandal sa dollar remittances ng higit sa 15 milyong overseas Pinoy bukod pa rito ang malaking bilang ng mga “productive citizen”.


Nakikinabang ngayon ang Pilipinas sa tinatawag na “demographic dividend”.


---$$$---


ANG demographic dividend ay mistulang dibidendo kung saan nakikinabang ang bansa batay sa “bilang ng populasyon” na nagtatrabaho o working force.


Sa hinaharap, kung hindi magpapadikta ang Pilipinas sa kumpas ng IMF-WB at iba pang international financial institution, makakaangat tayo nang todo.


---$$$---


BINABANGGIT natin ito kaugnay ng idinidiktang “economic provisions” sa Konstitusyon na pinaniniwalaang makikinabang ang mga dayuhan.


Walang epekto ang probisyon ng Saligang Batas kung pag-uusapan ang macro economy dahil ang natural resources ay dapat manatiling nabibiyayaan ang Pinoy imbes na mga dayuhan.


---$$$---


SA totoo lang, lingid sa kaalaman ng lahat, nang senador pa si P-BBM ay isa tayo sa katuwang ng kanyang chief of staff na si Ka Eki Cardenas sa pagbuo ng kanyang mga talumpati.


May isang okasyon na dadaluhan noon ang dating senador na si P-BBM tungkol sa ekonomiya at populasyon nang iabot sa atin ang lista ng titulo ng aklat at author nito para mai-research.


---$$$---


SINALIKSIK natin ang aklat na nakapokus sa “demographic dividend” at ilang araw na sinuri at pinag-aralan.


Natapos namin ang “talumpati” at natutuhan ko nang todo ang kahalagahan ng “working force” kontra sa bilang ng mga dependent sector tulad ng mga may sakit, paslit at mga matatanda -- bilang pundasyon sa ekonomiya ng isang bansa.


---$$$---


‘IKA nga ni Madame FL Meldy, “ang ‘tao’ ang dapat sentro ng lahat ng pagkilos at pag-unlad”.


Kayamanan ng isang bansa — ang TAO: Higit sa Lahat, TAO!


‘Yan ang slogan sa Bagong Lipunan ng matandang Marcos, ‘yan din ba ang slogan sa Bagong Pilipinas?



 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Pebrero 12, 2023


NATUTUWA tayo sa ulat na ipinarerebyu ni P-BBM ang performance ng mga presidential appointee.


Klap, klap, klap!

---$$$---


SANA ay unahin ng Malacanang ang mismong mga miyembro ng gabinete, bago ang ibang ehekutibo ng gobyerno.


D’yan matutuwa si Juan.

---$$$---


MAPAIT na balita ngayon ay ang 35 kataong namatay sa landslide sa Davao de Oro.


Este, bossing P-BBM, puwede bang pakiuna sa rebyu ang performance ng DENR?


---$$$---


AGAD pinagtakpan ang pananagutan ng mining firm na nag-o-operate sa tabi ng landslide area.


Hindi ba’t kaduda-duda ‘yan DENR Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga?


---$$$---


MAY mga “marites” kasi na nagsasabing kahit maeskandalo o masabit o pagdudahan, mahirap tibagin ang “Yulo” sa Palasyo.


Huh, totoo ba ‘yan?

---$$$---


HINDI naman makakaila ang “Yulo” bilang hasiendero.


Nagagalit daw sa kanila ang mga pobreng magsasaka sa mga bayan ng Canlubang, Laguna; Coron at Busuanga sa Palawan sa usaping agraryo.


---$$$---


KABILANG sa “ikinakalantari” ay ang pagkakasunog umano sa isang komunidad noong 2021 para bigyang-daan ang proyekto ng realty development.


Mahalagang maunawaan ng publiko ang tunay na sitwasyon sa isyung ito.


---$$$---


SA Palawan, sinasabing nagbuwis na rin ng buhay ang magsasakang si Arnel Figueroa na pinaniniwalaang binaril ng guwardiya ng rancho sa naturang lugar.


Maselang isyu ito, pero walang nagtatangkang mag-ayos ng gusot.


---$$$---


MAS mainam sana ay maglabas ng opisyal na pahayag si Sec. Yulo-Loyzaga hinggil sa isyu ng agraryo na ipinupukol sa kanilang angkan.


Ito ay upang mailayo sa intriga si P-BBM at mismong kanilang pamilya.


---$$$---


SINTIDO-KUMON kasi na mas papanigan ng mga hasiendero ang kanilang kabaro kaysa sa mga pobreng ordinaryong tao.


Tulad sa mining firm na isinasabit sa landslide, bakit agad na nilinis ang pananagutan ng mga ito gayong wala pang komprensibong pagsisiyasat?


---$$$---


KAILANGAN ang opisyal na pahayag ng kalihim ng DENR kaugnay ng aktuwal na sanhi ng pagguho ng lupa kung saan marami ang namatay at mga nawawala.


Hindi ito biro, pero tila dedma lang ang media at ilang opisyal ng pamahalaan.


---$$$---


NAMUMURO na si ex-President Donald Trump laban kay US President Joe Biden.


Ang US presidential election ay labanan ng mga kandidato sa pagkakaroon ng “dementia”.

---$$$---


PERO, hindi ‘yan ang isyu, bagkus ay ang pagkakahawig ng kampanyahan sa US at kampanyahan sa Pilipinas.


Ginagamit kasi ang media at hukuman upang mai-disqualify ang isang presidential aspirant.


Hindi kaya ang mga Pinoy ang mga lihim na advisers ng Democrats?


---$$$---


GUSTO ng Democrats na maupo si Biden hindi dahil sa resulta ng balota, bagkus ay sa kapritso ng mga mahistrado.


Sino ang nangopya, ang US o ang Pinoy?


Ha! Ha! Ha!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page