top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 16, 2025



Bistado ni Ka Ambo

ITIM!

Sabi ng iba, black is beautiful!

Pero, bakit kay daming nagpapa-glutathione?

He-he-he.


----$$$--


Hindi pula, hindi asul, hindi dilaw, hindi orange, hindi berde, at hindi pink ang ginagamit ngayon ni Sen. Imee sa kanyang kampanya, bagkus ay ang supermistikong ITIM!


Tama o mali? Malaking tama!


----$$$--


ANO na ang itim? Anong numero ang katumbas nito?

Numero otso ang katumbas ng kulay itim.

Extreme ang kahulugan — pinakamababa sa pinakamababa kung negatibo; at kung iiral ang positibo pinakamataas sa pinakamatayog mang antas ng panukat.


----$$$--


ANG mga mala-imposible ay mararanasan lang ng may bertud o may impluwensiya ng No. 8 at kulay itim.


Mala-imposible ang ginawang desisyon at disposisyon ni Sen. Imee: Makipagtulungan sa BFF na si VP Sara at iwanan ang grupo na iniandot ng kanyang kapatid.

Mahirap ang ganyang desisyon — pero pikit-mata niyang ginawa.


-----$$$--


IPINAKITA muli ni Sen. Imee ang kanyang disposisyon at malinaw na pinaninindigan na niya ang kanyang kumbiksyon: Panigan ang argumento ng pamilya Duterte kaysa sa posisyon o argumento ng mga taga-Malacañang.


Mula sa ganyang disposisyon at paninindigan, mabubuo ang impresyon — at mula sa impresyon — diyan siya hahatulan ng mga botante.


----$$$--


MAINAM na suriin kung tama o mali — pero ang pinakamahalaga — ay magdesisyon at iparamdam sa madla na mayroong “disposisyon” — desisyong hinugot sa kaibuturan ng puso, isip at kaluluwa.


Hahatulan ng mga botante si Sen. Imee hindi sa kung tama o mali ang kanyang argumento —bagkus ay batay sa kanyang kakayahan na magdesisyon — sa gitna ng krisis.


‘Yan ang kailangan sa isang mabuting lider: may disposisyon!

 

-----$$$--


Balik tayo sa kulay itim, dalawa ang puwedeng kauwian ni Sen. Imee, negatibo o positibo.


Sobrang lagapak kapag umiral ang negatibo.


Pero, kapag ang nasagap niya ang positibo, sobrang angat siya at iimbulog sa katuparan ng kanyang mga pangarap.


Mga adhikain ito na ang tanging may bertud lamang ng “kulay itim” ang puwedeng makatikim.


-----$$$--


OPO, tapang ng loob, ang dapat kaakibat sa paggamit ng kulay itim, sapagkat maaaring sumabit pero dahil may disposisyon siya — handa niyang tanggapin ang anumang resulta at kapalarang tangay nito.


Sa totoo lang, naranasan na ni Sen. Imee ang magdesisyon nang maselan sa gitna ng krisis, sa panahon ng kanyang pagdadalaga at pagiging ina.


----$$$---


NAKARAOS siya sa napakaselang sitwasyon sa panahon ng kanyang kabataan, at eto na ngayon, gumagamit na naman siya ng disposisyon.

Iyan na mismo ang kanyang bertud — ang kulay itim.

Mabiyayaan sana siya ng positibong kaakibat ng mistikong numero.


Okey lang, No.8 — huwag lang No.13 — sa araw ng bilangan!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 15, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Napaaga ang girian sa 2028 presidential elections.


Iyan ang impresyon makaraang tanggihan ni Senate President Chiz Escudero ang desisyon ng komite ni Sen. Imee Marcos na i-contempt ang isang resource person.


----$$$--


NABISTO ang natatagong kamalayan ni Sen. Chiz nang kontrahin niya ang contempt at idiskaril ito.


Mapapatunayan ito sa kanyang alegasyon na ginagamit ni Sen. Imee ang Senado na isang “political tool”.

----$$$--


MAGANDA kapag tinagalog ang “political tool” dahil ibig sabihin ay ginamit itong “kasangkapan” sa pamumulitika.


Teka, ere bang impeachment process laban sa isang 2028 presidentiable na si VP Sara ay hindi maituturing na “political tool” mismo ng dalawang chamber —

Senado at Kamara ng mga Representante?


----$$$--


ANG main issue kasi ay nakapundasyon sa “confidential fund” — at karaniwang sa mataas na opisyal ay may confidential fund.


Kaya confidential fund ‘yan ay bakit? — sa praktikal na kahulugan — lihim, pero ngayon ay isasapubliko.


Paano ‘yung ibang opisyal na may confidential fund, hindi ba iimbestigahan?


----$$$--


HINDI puwedeng imbestigahan ang lahat ng confidential fund dahil “malaking gulo” iyan —magkakaroon ng “ebidensiya” na magagamit na propaganda sa social media.


Malinaw na pamumulitika — ang mga pagkilos ng mga pulitiko — at hindi maiiwasan ang mga pagdinig.


----$$$--


Hindi dapat nag-aakusa si Sen. Chiz dahil lihim na magiging ugat iyan upang mapaaga ang girian sa 2028 national election.

Sa biglang tingin, mayroon ngayong Chiz vs Imee, at mayroon ding VP Sara vs Martin Romualdez.


----$$$--


HINDI pa tapos ang 2025 midterm election — pero resulta rito ang magiging barometro o panukat sa mga aspirante sa 2028 national election.


Sa 2028, mawawala na sa eksena si PBBM, pero hindi natin a-LAM kung sasali pa sa alingasngas si FL Liza Araneta-Marcos.


 ----$$$--


PAYONG kapatid, mas makakabuti na magbakasyon na lang muna at mamahinga ang future-ex-president at future-FL matapos ang termino.


Mahirap ang buhay sa pulitika — at deserve nila ang kapayapaan at ma-enjoy ang lumalaki nilang mga hijos.


 ----$$$--


TALIWAS sa ganyang senaryo, ang “future Marcos” ay si Sen. Imee.


Kung nahirapan at nasilat muna ni ex-VP Leni si PBBM bago nakabalik sa Malacañang -- sobrang hirap din ang dinaranas at dadanasin pa ni Sen. Imee.


----$$$--


HINDI mabibiyayaan si Sen. Imee ng mga ani o “harvest” sa pag-upo ng kanyang kapatid, bagkus ay dagdag-pasanin ito sa kanyang “lihim na pangarap”.


Halos magdaraan o mala-imposible na makatikim ng upuan sa Malacañang si Sen. Imee.

Kahit sa Senado ay namemeligro siya.


----$$$---


KUMBAGA, sa alamat ng Bundok ng Susong Dalaga sa Sierra Madre sa Donya Remedios Trinidad town sa Bulacan, kukuyugin muna siya ng mga “monster” sa kanyang paligid bago makuha at malunok ang “agimat ni Apo Macoy”.

Bakit?


Hindi ang tulad lang ni Sen. Chiz ang kanyang makakabangga bagkus ay marami pang iba — at huwag niyang asahang sasaklolohan siya ng kampo ng kanyang BFF na si VP Sara — dahil karibal din niya ang grupo nito na may hawak na “hiwalay na agimat mula sa sarili niyang ama”.


----$$$--


KUMBAGA, si VP Sara may agimat din mula kay Digong, pero ang “agimat ni Apo Macoy” ay wala sa kamay ni Imee, bagkus ay nandu’n pa sa kamay ng kanyang kapatid.


Nagpipiyesta si VP Sara sa minanang bertud, pero si Sen. Imee ngayon — ay bokya at nakatulala sa karimlan.


-----$$$--


WALANG kakampi si Sen. Imee — wala sa kanyang likuran ang kapatid, wala rin sa kanyang likuran si VP Sara. 


Kung gayon, kailangan ni Bosya na mag-ayuno sa Biyernes Santo — at sumagap ng sarili niyang agimat.


----$$$--


GAYUNMAN, puwede niyang maging bertud ang sarili niyang organisasyon na minalasakitan, minahal at kasama niya sa hirap at ginhawa mula sa kanyang pagdadalagita.


Sa totoo lang, nagdiriwang ngayon ng GOLDEN anniversary ang Kabataang Barangay.

Sa gitna ng mga nararanasang kaliwa’t kanang pagtataksil, trayduran at ungguyan — wala nang iba pang dapat takbuhan kundi ang magpakupkop sa tunay na nagmamahal sa iyo — ang Kabataang Barangay.


----$$$--


HINDI tingga, hindi tanso, hindi pilak — bagkus ay GINTO ang agimat ni Sen. Imee — Kabataang Barangay na ipinundasyon — 50 taon na ang nakararaan.


Bakit kaya hindi isuot ni Sen. Imee ang ginintuang medalyon ng KB sa Abril 15?Iyan na mismo ang iyong bertud — bakit nagbabakasakali at nakikisugal pa?

Para sa lahat ng naging bahagi ng KB — mabuhay!

Pasensya na, nangengelam lang po!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 12, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Napakarami na naman ang nang-uurat kung ano raw ang masasabi natin sa fake news.

Naku po! Ang fake news ay simple lang ang kahulugan — ito ay simpleng “tsismis”.


----$$$--


NGAYON, gagawa raw ng batas upang mapigil ang “tsismis” o fake news?

Marami na pong batas na umiiral laban sa tsismis o fake news.


----$$$--


ANG kailangan ay ispesipikong tukuyin kung ano ang “teknikal” na pakahulugan sa “anti-fake news” na isasabatas.


Bilang beteranong journalist o editor na may higit na tatlong dekadang karanasan — araw-araw nating sinasala ang mga balita -- upang ihiwalay ang “lantay na balita” at “tsismis” o fake news.


----$$$--


NATATAWA tayo sa pagdinig na ginagawa dahil — ang tsismis ay talamak sa showbiz news, pero bakit walang inanyayahan na showbiz editor?

Okey sana kung dumalo sina Nanay Cristy Fermin, Lolit Solis, Ogie Diaz at Boy Abunda!


----$$$--


IBIG sabihin, ang tsismis o fake news — ay hindi puwedeng ipagbawal na mag-circulate — dahil iyan mismo ang bumubuhay sa komersiyalisasyon ng media.

Nagkakatalo lang dito ay kung paano masinop na ibabalita ang “tsismis” o mga ulat na wala pang gaanong katiyakan ng “pagiging totoo”.


----$$$--


ANG mga totoong balita — ay may pagkakataong nagsisimula sa tsismis partikular ang paghihiwalay ng mga showbiz couple o pagkabuntis ng isang dalagitang aktres.

Sa simula, ang tawag ay “fake news” o “tsismis” pero kalaunan ay nagiging “totoong ulat o o totoong impormasyon”.


----$$$--


ANG anumang krimen ay karaniwang sinusukat o sinusuri — partikular sa hukuman — kung ano ang motibo, intensyon o malisya ng ulat o mismo ng nagkakalat ng balita.

At alam natin na marami lang batas hinggil diyan partikular ang libelo o defamation o malicious mischief.


Kapag walang malisya o hindi naman makikinabang ang nag-ulat — personal man o materyal, bagkus ay bahagi ito ng kanyang propesyon gaya ng media practitioner — walang batas na nalalabag dito!


---$$$--


BILANG editor sa napakahabang panahon, ang mga reporter o kolumnista o contributor na nagsusumite ng materyales o impormasyon ay masusing sinasala, ine-edit o bina-validate bago mai-layout, maimprenta o maibenta sa bangketa.

Anumang ulat na walang batayan, ebidensya o lihis ang konteksto sa sentido kumon ay binabasura agad ng editor.


----$$$--


GAYUNMAN, may pagkakataon na nakakalusot o hindi sinasadyang nagkakamali — may proseso riyan ang mainstream media — iyan ay ang ERRATUM.

Kapag ang isang reporter ay nagtangkang nagpasok ng fake news o hindi totoong balita — dinidisiplina ‘yan kung hindi paliliguan ng sermon o pagmumura ng terror na editor kung hindi man masisibak sa trabaho!


----$$$--


MAY iskema o sistema ang mainstream media laban sa fake news.

Ibig sabihin, ang may problema lamang ngayon sa fake news — ay ang modernong social media platform.


Wala kasi silang editor — lahat sila ay “publisher” at “owner” ng publikasyon sa loob ng kanilang cellphone.


Iyan mismo ang ugat ng problema.


He-he-he!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page