- BULGAR
- Apr 25, 2025
ni Ka Ambo @Bistado | Apr. 25, 2025

Paulit-ulit nating binabanggit sa espasyong ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng disposisyon.
Ang tunay na lider ay dapat may kakayahang magdesisyon -- anuman ang mga epekto nito sa personal niyang buhay at buhay ng malalapit sa kanya.
----$$$---
SA aktuwal, iyan mismo ang isyu sa Pasig City dahil tila hindi makapagdesisyon si Mayor Vico Sotto upang madisiplina ang mga miyembro ng city council.
Maaaring umiiwas siya na mapintasan o magtampo ang ilan niyang kagrupo.
Pero, paano naman ang kanyang mga nasasakupan?
----$$$--
SA totoo lang, mahirap maging lider at siyempre, anuman ang batikos, mahirap ang maging pulitiko.
Kumbaga, sala-sa-init, sala-sa-lamig.
Walang masusulingan — kundi ang magdesisyon.
----$$$--
HINIHILING ng mga residente ng Pasig kay Mayor Vico na kausapin at disiplinahin ang ilang miyembro ng Konseho sa siyudad.
Napapagitna kasi sa ilang kontrobersiya ang ilang opisyal ng siyudad.
----$$$--
ILAN sa mga tinutukoy dito ay kagrupo ni Sotto pero negatibo ang impresyon sa kanila ng mga residente dahil maaskad na ugali at pagkilos.
“Mayor Vico Sotto, bilang isang lider, responsibilidad mo na tiyakin na ang iyong mga kasamahan sa Konseho ay magpakita ng disiplina at respeto. Kailangan ng iyong mga konsehal ng disiplina,” payo ni Artana sa isang post sa Facebook na “Tatak Pasig.”
----$$$--
NABABAHALA kasi ang ilang residente na maaaring maging grabe ang sitwasyon lalo pa’t nasa katindihan ng kampanyahan.
Kumbaga, kailangan nang ipakita ni Mayor Vico ang kanyang sariling disposisyon — sinuman ang maapektuhan.
----$$$--
MAY sapat pang araw bago mag-eleksyon para maiayos ang kontrobersiya sa Konseho.
Anumang desisyon at aksyon ay papabor sa lahat ng panig partikular sa mga residente ng Pasig.
Tama, malaking tama — kung may desisyon at disposisyon ang mga lider.
----$$$--
Maiinit na ang kampanya.
Sana ay mabawasan na ang kaliwa’t kanang patayan kaugnay ng eleksyon.
Disiplina at moralidad talaga ang kailangan.
----$$$---
SA kasaysayan, ngayon lamang may pinakamainit na labanan sa senatorial race at party list system.
Nagmistulang buwelo ito sa nakatakdang impeachment trial kay VP Sara.
----$$$--
KUMBAGA, preview ang resulta ng senatorial election sa magiging hatol at proseso sa impeachment court.
Kapag mas marami ang anti-VP Sara sa mananalong senador — masisibak siya.
Pero, kapag naging mayorya ng miyembro ng Senado — ay maka-VP Sara — malinaw na absuwelto siya.
Iyan ang ibig sabihin na “ang impeachment” ay isa ring “political exercise” — at hindi isang aktuwal na hukuman.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




