top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | May 3, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Pinagpipiyestahan ng mga netizen ngayon ay ang talamak na paggamit ng artificial intelligence o AI sa pag-aanalisa ng anumang problema.

Dahil eleksyon, isang grupo ang nag-eksperimento na ipaanalisa ang nagaganap na senatorial race sa Pilipinas.


----$$$--


Walang problema sa unahan dahil kung ang tatlong kandidato ay palaging nakaaangat sa iba’t ibang survey — ay halos “on-the-bag” na ang Senado.

Pero, ang pinakamaselan ay ang mga nasa laylayan o puwitan — ang No. 12 at No. 13.


---$$$--


Sa pag-aanalisa ng AI ng 3RDEY3 (@3RD_AI_) na naka-post sa X, may malaking porsyento na hindi makakasampa si Makati Mayor Abby Binay sa inaasam na Magic 12 sa Senado taliwas sa kanyang inaasahan.


Ibig sabihin, imbes na makapasok, mas nakikita ay ang paglaglag ni Binay.


----$$$---


AYON sa post ng 3RD_AI_, naitala ang tsansa ni Abby sa ika-11 hanggang ika-14 puwesto sa Magic 12 kaya puwede siyang malaglag sa ika-13 hanggang ika-14 puwesto sakaling lumakas ang kalaban nito.

Siyempre, nakabatay ang panalo ni Binay sa lakas o “last-2-minutes” ng kanyang karibal sa laylayan.

Malaking tama!


----$$$-


“OUR AI model predicts medium chances of her winning ranking between 11-14,” giit ng grupo.

Isinalang sa analisa ang datos mula sa mga post ng netizens sa iba’t ibang social media platform na binigyan nila ng scoring sa positive, negative at neutral na porsyento.

 

----$$$--


SINASABING kahit may 40% positive narrative sa social posts ang nakukuha ni Abby Binay sa pagiging alkalde ng Makati City, nahaharap naman at naging bagahe niya ang negatibong kritisismo sa kanyang comments sa ibang political figures.

“Like many politicians, Abby Binay faces criticism particularly in relation to her comments on other political figures and her family political legacy. Some narratives focus on these controversies questioning her motives and political strategies,” pahayag ng AI model group.

 

----$$$--


NAKOPO ni Abby ang 30% negative sentiments mula sa social posts mula sa publiko at 20% neutral sentiment at 50% positive sentiments.

Pero, halos 40% ng kabuuang conversation kay Binay sa social media ay may relasyon sa liderato nito sa Makati City.

 

----$$$--


PERO natuklasan din ng grupo na 20% ng kritisismo kay Binay ay nag-uugat sa family background at kontrobersiyal na alyansang pulitikal.

Unang umani ng matinding kritisismo ang pamilya ni Abby sa pagpapatayo ng parking building ng Makati City Hall.

“Negative (30%). Some posts criticize her political strategies and family legacy, which contribute to a negative sentiment. This criticism often focuses on her comments about political and perceived political maneuvering,” ayon sa post ng 3RDEY3.

 

----$$$---


DAHIL diyan, natukoy na moderate lamang ang tsansa ni Binay na makasampa sa Senado.

“Abby Binay has a moderate chance of winning a Senate seat. Her strong political alliances and achievement as mayor contribute positively, but criticism and controversies may impact her overall appeal,” ayon sa analisa ng datos.

 

----$$$--


NAKABASE ang grupo sa San Francisco, California at lumahok sa X noong Pebrero 2024 na may 1, 277 followers.

Kabilang sa mga followers nito ay ilang local influencer sa social media sa Pilipinas.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | May 2, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Walang kalatuy-latoy na ginunita ang Labor Day.

Kaawa-awang manggagawa.


----$$$--


GULUGOD ng bansa ang sektor ng paggawa.

Hindi ito nauunawaan ng matataas na opisyal ng gobyerno.


----$$$--


KUNG walang manggagawa, babagsak ang ekonomiya at siyempre, guguho ang demokratikong institusyon.

Hanggang ngayon, alipin ng mga dambuhalang negosyante ang pobreng obrero.


----$$$--


MAY ulat na magtatayo ng sangay ang pinakamayamang grupo ng mga kapitalista sa Pilipinas.


Ibig sabihin, naaamoy nila ang “likas na yaman” ng Pilipinas.

Ipaplano nila kung paano ito makokontrol.


----$$$---


NATOTORETE ang matataas na opisyal ng bansa.

Bakit kaya?


----$$$--


SA gitna ng krisis, may pampalubag loob ang Pilipinas.

Posibleng maging isang Pinoy ang bagong Santo Papa.

Magdasal tayo nang walang patid.


----$$$--


KALIWA’T kanan ang patayan sanhi ng eleksyon.

May batas pa ba?


----$$$--


POSIBLE raw na arestuhin din sina VP Sara, Sen. Bong Go, Sen. Bato dela Rosa, at ex-PNP Chief Oscar Albayalde.

Gaano lang bang kadali na damputin ang mga iyan?


----$$$--


Tila mapupuwersa nang kumalas sa Alyansa ang Nacionalist Party ng pamilya Villar.

Malaking dagok ito sa kampanya.


----$$$--


SA gitna ng pagkakakulong kay Digong at posibleng tangkaing arestuhin din si VP Sara, ang hugos ng mga lider ay patungo pa rin sa mga Duterte.

Paki-gamit po ang sintido-kumon, please lang!


----$$$--


BUWAN ng Bulaklak kay Birheng Maria ang Mayo.

Mag-Santo Rosario po tayo!


----$$$--


Inaantay natin ang unang patak ng ulan sa Mayo.

Gamot daw ang pagligo sa ulan sa mga dumaranas ng mental depression.

Kaya pala marami ang nasa kalye at nakatulala sa ulap!


----$$$--


HINDI muna raw magbebenta ng P20 kada kilo ng bigas kasi election.

Matuloy pa kaya?


----$$$--


KAY raming Tsekwa ang nadadakma dahil sa pag-eespiya.

Huh, dati nang may gagala-galang Tsinong namboboso sa paligid.

He-he-he.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | May 1, 2025



Bistado ni Ka Ambo

Labor Day ngayon!


‘Araw ng Pagngawa’ ng mga obrero sa dagdag na suweldo.


----$$$--


Sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos, Sr., ang Labor Day ay ginugunita nang bongga.


Ang presidential speech ay naglalaman ng direktiba sa dagdag na benepisyo para sa mga manggagawa.


----$$$--


INIAKDA ni dating Labor Secretary at Senate President Blas F. Ople ang Magna Carta of Labor — na siya umiiral ngayon.


Itinuturing na isang “statesman” si Ka Blas dahil sa marubdob niyang pagnanasang iangat ang bansa — partikular ang labor sector.


Sa ngayon, walang sinumang senador na maituturing na isang “statesman”.

Bakit?


----$$$--


WALANG statesman, kasi ang ilan ay pinaniniwalaang nagpagamit sa pambubuwisit kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona na na-impeach dahil sa impluwensya ng Malacañang.


Nang lumaon, inabsuwelto si Corona ng hukuman at nilinaw na walang itong nilabag na batas.


-----$$$--


HINUGOT ni Marcos Sr. si Ople mula sa hanay ng mga batikang journalist, labor sector at dating guerilla.


Hindi nakatapos si Ople ng kolehiyo at hindi rin isang abogado, pero bihasa siya sa English at Tagalog, at may pambihirang karunungan dahil sa mataimtim na pagbabasa ng iba’t ibang aklat.


-----$$$--


BRUSKO si Ople na ang boses ay baritone kung saan matapos ang giyera, nagtrabaho siya bilang estebador — pahinante sa pier habang nagbabasa ng iba’t ibang aklat.


Itinuturing si Ople hindi lang isang batikang senador — bagkus ay isang labor leader at makabayan.


-----$$$---


MARKADO si Ople bilang sosyalista dahil sa kanyang pagmamahal sa labor sector pero hindi kailanman siya naakusahang nagpapabagsak sa gobyerno.


Ilan sa mga talumpati ng matandang Marcos ay katuwang siya sa pagsulat — Tagalog man o English.


----$$$--


ISA ring lider ng mga manggagawa ay ang makatang taga-Tondo na si Gat Amado V. Hernandez na ang mga tula at kuwento ay karaniwang tumatalakay ng paghihirap ng mga obrero.


Inakusahan siyang nagrerebelde sapagkat ang kanyang mga pagsulat ay nakasabay sa malawakang protesta at rebelyon ng mga manggagawa sa Europe.


----$$$--


NAKULONG si Hernandez nang maakusahang nagbubunsod ng rebelyon at sa gitna ng pagkalaboso — ay isinulat niya ang tulang “Isang Dipang Langit”.


Wala nang nakaaalaala kay Hernandez gayung ang kanyang panulat ay may temang wagas na pagmamahal sa Tinubuang Lupa.


----$$$--


ISA ring dakilang akda niya ang “Kung tuyo na ang luha mo, aking bayan”, na naglalarawan ng pekeng giyera ng Espanyol at Kano sa Manila Bay.

Napapanahon ito dahil ang “away ng US at China” ay posibleng palsipikado rin.


Delikadong “maibentot” muli ang Pilipinas — nang walang kamuwang-muwang ang ordinaryong mamamayan.


----$$$--


BAKIT hindi iniimbestigahan kung paano nakontrol ng China ang Panatag Shoal kung saan sinasabing — kasali ang Kano — sa “lihim na usapan”?


Nagkaroon ng trayduran “kuno” pero hindi malinaw kung naulit ang “tema” ng tula ni Ka Amado.


----$$$--


‘Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluhaAng kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika….”


Mabuhay ang hanay ng mga Manggagawa, Mabuhay!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page