top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | September 9, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Ang isyu ng korupsiyon ay puwedeng gamitin ng “malalaking bansa” upang guluhin at ibagsak ang umiiral na gobyerno.


Bantayan dapat ang mga nagaganap sa Thailand at Indonesia.


Hindi ito dapat maranasan ng ‘Pinas!


-----$$$--


Naglabas ng Pastoral Letter ang CBCP kaugnay ng alingasngas sa flood control projects.

Natangay na rin ang mga obispo sa isyu.


-----$$$--


HINDI dapat nagpapatangay ang Simbahang Katoliko sa isyu ng mga pulitiko.

Dapat ay nag-iimbestiga rin sila at nag-e-expose ng iba pang katiwalian sa pamahalaan.


----$$$--


HINDI ba puwedeng i-expose ang hindi pag-uulat ng mga donasyon sa simbahan at iba pang sekta?


Ang donasyon ay donasyon — pero dapat ay “transparent” ang Simbahan at mga sekta sa mga nakokolekta nila.


Tama o hindi? Kasalanan o hindi?


-----$$$--


DELIKADO ang pakikialam ng iba’t ibang sektor sa isyu ng korupsiyon.

Lumang isyu na ang korupsiyon, kakambal ito ng burukrasya.

Ang isyu ay hindi ang korupsiyon, bagkus ay kung bakit ngayon lang ito “ipinopropaganda”.


----$$$--


DAPAT nating maunawaan na hindi dapat magbunsod ng kaguluhan ang anumang expose upang maingatan ang seguridad ng Republika ng Pilipinas.

Dapat itong maintindihan ng mga nasa pamahalaan at maging ng mga nasa pribadong sektor.


----$$$--


ANG ordinaryong Pinoy ay hindi natin masisisi na matangay sa isyu.

Pero ang mga lider sa gobyerno at pribadong sektor — ay dapat magsaliksik at magkaroon ng mas malawak na pang-unawa.


-----$$$--


SA kabila ng iba’t ibang superpower na umalipin sa Pilipinas at mga kampon ng mandarambong na kumontrol ng gobyerno, nananatiling “marangya sa likas na yaman” ang ‘Pinas.


Ang natural resources ng ‘Pinas — ang pinag-iinteresan ng malalaking bansa — China, US, Europe at mga kaalyado nito.


-----$$$--


ANG pagtatanggol sa soberanya ng ‘Pinas at pagkontra sa interest ng superpower — ay nananatiling bertud ng mga “makabayan”.

Pero, ang isyung “Kontra-China” ay hindi pagkampi sa US — bagkus ito ay pagmamahal sa bayan.


---$$$--


SA aktuwal, ang isyung anti-China at anti-US ay isang “fake news” — sapagkat walang ganyang senaryo o sitwasyon na dapat yayabong.

Tsismis lang iyan.


----$$$--


IMPOSIBLENG talikdan ang relasyon ng Pilipinas sa China o maging sa US.

Bakit? Ang “economic trade” ng ‘Pinas ay nakapundasyon sa relasyon kapwa sa China at US.


-----$$$--


KAPAG sinabing pundasyon, kapag giniba ito at tinangkang wasakin — guguho ang gusali.

Ang konseptong anti-China o anti-US ay isang “ideological tactic” ng mga nais magpabagsak sa Republika ng Pilipinas.

Ito ay palsipikado!


-----$$$--


MAHALIN natin ang ating bansa, at mahalin din natin ang mga kalapit-bansa.

Iyan ang tinatawag na INTERNASYUNALISMO na siyang modernong konsepto ng pag-unlad.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 8, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Ang pork barrel ay mistulang ASWANG.


Ito ay immortal — hindi puwedeng mamatay o maglaho — nagbabago lang ito ng anyo.

Minsan aso, minsan pusa, minsan baboy-ramo pero mas madalas ay sa anyo ng isang BUWAYANG NAGLALAWAY-LAWAY sa kaban ng bayan.


----$$$--


NAGKAMPEON si Alex Eala sa WTA Open sa Guadalajara, Mexico.

Mabuhay ang Pilipinas!


----$$$--


INIHAHANAY na si Eala bilang isa sa mga pinakadakilang atleta ng ating panahon.

Sinapawan niya ang mabahong isyu ng katiwalian sa pamahalaan.


-----$$$--


MAG-UUNAHAN ang mga ‘buwaya’ sa pagsakay sa popularidad ni Eala.

Magbabalat-kayo sila na “matalino” at “hindi gunggong”.


-----$$$--


BINALASA ang DPWH.

Huhh, paano ang iba pang ahensya gaya ng PNP, Bureau of Customs, BIR, at maging ang COA?


----$$$-


ANG Commission on Audit ay malinaw na ‘inutil’.

Wala silang kakayahan na IBUNYAG ang katiwalian.

Aktuwal silang kakutsaba?!


-----$$$--


MAGING ang Ombudsman ay malinaw na ‘walang silbi’ gayung nilikha sila ng Konstitusyon upang mapigil ang garapalang pandarambong.

Dapat silang magkusang magbitiw.


----$$$--


DUMIPENSA agad ang Malacanang kaugnay sa isyu ng garapalang pandarambong.

Iisa ang kasalanan ng Malacanang: Command Responsibility.


------$$$--


MAKAKALIGTAS lang ang Malacanang sa paninisi at pagbibintang — kapag “binalasa” ang iba pang ahensya — at hindi lang ang DPWH.

Isang kahinaan ‘yan ng pamahalaan — ang kabiguan na mapigil ang pandarambong.


-----$$$--


MAS epektibo kapag naiiwasan ang pandarambong kaysa ini-expose lang.

Bahala na ang hukuman ang humatol.

Ang proseso sa hukuman — ay isang klase rin ng katiwalian — dahil USAD-PAGONG ang iskema at sistema — bago mahatulan ang mga pusakal na magnanakaw.


----$$$--


‘NILOLOKO’ lang ng mga pulitiko ang ordinaryong mamamayan.

‘Yun ang akala nila.


-----$$$--


SA totoo lang, mulat ang masa sa matagal nang pandarambong ng mga pulitiko.

Ang mga campaign fund na ipinambibili ng boto — alam naman ng mga botante — ay aktuwal na mula sa pandarambong.


-----$$$--


ANG pork barrel ay hindi isang klase ng pondo o budget.

Ang pork barrel — ay isang MODUS OPERANDI.


-----$$$--


KAKAMBAL ang aswang ng alinmang lipunan partikular sa demokratikong gobyerno.

Pero, maging ang mga komunista o sosyalistang bansa — ay batbat din ng korupsiyon sa anyo ng ASWANG.

Iyan ay isang mapait na katotohanang “walang solusyon”.

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 6, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Hindi ba kayo nagtataka, ngayon lang nangyari sa kasaysayan na ang umakong whistleblower ay ang mismong Pangulo ng Republika sa talamak na “ghost project” sa sarili niyang administrasyon?

Epektib!


-----$$$--


MABILIS ang aksyon ng lahat — binalasa agad ang DPWH.

Pero, paano ang iba pang ahensya na matagal nang may ganyang klase ng modus operandi?


----$$$--


HULI man daw at magaling, huli pa rin.

Nasa ikaapat na ng taon ng termino nang “mabisto” ang modus na mas malamang ay nagaganap na sa mga naunang administrasyon.

Sa aktuwal, kakambal ng Republika ang korupsiyon — na siyang ginagamit ng “mga rebelde” upang kumbinsihin ang masa.


-----$$$--


MAIINIT ang intrigahan sa pulitika.

Kumbaga, bumabaha ng patutsadahan.


----$$$--


POKUS naman ngayon ng intriga ang donasyon na tinanggap ni Senate President Chiz.

Ibinunyag ng Comelec na 31 kontratista ang nag-donate sa kampanya, batay sa kanilang record.


----$$$--


ISA rito ay si Lawrence Lubiano ng Centerways Construction na umamin na nagbigay siya ng P30 milyon sa kampanya ni SP Chiz.

Pinagpiyestahan agad ang impormasyon pero nilinaw ni Lubiano na personal cash ang ginamit niya at hindi corporate fund.


-----$$$--


SA totoo lang, nakalista naman ang naturang donasyon sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Kumbaga, for public consumption talaga ang naturang datos at hindi naman lihim.


----$$$---


SA aktuwal, mas kumonti pa ang kontratang nakuha ng Centerways nang nakaupo na si Escudero sa Senado kumpara sa nagdaang panahon.

Pero, ang isyu — bakit si SP Chiz ang ikinakalantari gayung ayon mismo sa Comelec ay may 31 kontratista ang binanggit sa mga SOCE?


-----$$$--


BAKIT kaya tanging si Escudero lamang ang naglilinaw sa isyu, paano naman ang iba pang tinukoy ng Comelec?

Mahaba pa ang usaping ito — at tila may ibang patutunguhan.


----$$$--


PINAKAMAHALAGA ay dapat maging transparent ang mga public official at sikaping ibigay ang kanilang panig.


Bahala na ang publiko ang humatol sa panahon ng eleksyon.

Ganu’n lang kasimple ang sitwasyon, wala nang iba pa.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page