top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | October 1, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Maselan ang expose ni ex-Senate President Chiz Escudero.

Direkta niyang winasak ang kredibilidad at reputasyon ng dati niyang “tandem” na si ex-Speaker Martin Romualdez — magkasabay silang umaktong lider ng Lower at Upper Chamber.


----$$$--


NAKAKATULIG ang pagbubunyag dahil aktuwal niyang itinuro si Romualdez na “utak o mastermind” ng flood control project scam.

Direkta rin niyang ibinunyag na ginamit umano ang “for later release” insertion sa budget — bilang payola sa mga kongresista upang isulong ang impeachment complaint laban kay VP Sara.


----$$$--


HINDI ordinaryong tao, media o mambabatas si Escudero, bagkus ay dating Top 3 leader ng ating Republika.

Ang kanyang talumpati ay dokumentadong ebidensya ng “inutil” na Kamara ng mga Representante — sa panahon mismo ng kanyang panunungkulan din bilang puno ng Senado.


----$$$--


DAPAT maunawaan ng lahat ang kahulugan ng terminong Kongreso o Congress sa wikang Ingles.

Kapag sinabing Congress, ito ay magkakambal na Senado at Kamara ng mga Representante.


----$$$---


MAITUTURING na “kambal-tuko” ang Kamara at Senado na “iisa lang ang puso”, kumbaga sa “conjoined twins” na mistulang isang thoracopagus.

Hindi puwedeng mabuhay ang “isa sa kambal”, kapag pinatay mo ang ikalawa.

Ang buhay ng magkakambal ng thoracopagus — ay iisa!


----$$$--


KUNG isang thoracopagus ang Kamara at Senado, ang expose ni Escudero ay maituturing na “suicidal”.

Hindi pagpapatiwakal ng kanyang “sariling personalidad” bagkus ay pagpapatiwakal ng lehislatura.

Kumbaga, left ventricle at right ventricle na bahagi ng puso — ay magkatuwang na bobomba ng dugo patungo sa lahat ng ugat o sangay ng pamahalaan.


-----$$$--


DAPAT nating maunawaan na ang presidential form of government ng Pilipinas ay umaandar bilang “conjoined triplets” — ehekutibo, lehislatura at hudikatura.

Maituturing ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura — na craniopagus -- magkadugtong ang bungo o skull — na pinaglalagakan ng utak.


----$$$--


MALINAW kung gayon na kapag paralisado o may cancer ang “lehislatura” direktang mahahawa rito ang ehekutibo na ikinakatawan ng Malacanang — at maging ang hudikatura na ikinakatawan ng Korte Suprema.

Ang paggguho ng legislature — Kamara at Senado -- ay pagguho rin ng Malacanang kung saan apektado rin ang hudikatura.


-----$$$--


TALIWAS sa ibang porma ng gobyerno na “normal twins” ang tatlong sangay ng gobyerno, “in-practice” — conjoined twins naman ang pundasyong ito ng demokratikong gobyerno sa Pilipinas.

Ang expose ni Escudero ay pag-aakalang, magkahiwalay ang Kamara at Senado — na isang mapanganib na “konsepto”.

Kapag nawasak ang isa sa kambal ay tuluyan ding magwawasak “silang dalawa”.


-----$$$--


ANG nakakatakot, kung ito ay totoong “conjoined triplets”, posibleng direktang apektado ang ehekutibo, kung saan maaari ring gumuho nang hindi inaasahan!

Hindi sana totoo ang pagtaya o konseptong ito.

Nakakatakot ang mga susunod na kabanata!


---$$$--


SA ibang bansa na talamak ang corruption, na isang unicameral -- binubuwag ang Kongreso, babalasahin ang burukrasya at magsasagawa ng “snap election”.

Iyan ay para maiwasan ang madugong kudeta o military intervention sa katwirang: “Ipreserba ang Konstitusyon” -- na may pagkakataong dikta dili kaya’t may basbas ng mga dayuhan!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 30, 2025



Bistado ni Ka Ambo


GUMAGRABE na ang sitwasyon.

Ito ay parang daluyong makarang sumabog ang dambuhalang dam.

P100 bilyong insertion sa badyet, kinumpirma.


----$$$--


INAMIN ni Sen. Ping Lacson na natuklasan niya ang P100 bilyong singit sa badyet.

Ang mapait, kinumpirma niya na “almost all” senator ay sabit sa insertion.


----$$$--


GAYUNMAN, agad niyang inabsuwelto ang mga kapwa niya senador sa pagsasabing “legal” ang insertion at walang nilabag na batas.

Ngek, ‘yun ay sarili niyang “opinyon”.


Alam kaya niya na tanging ang Korte Suprema lamang ang natokahan ng Konstitusyon na mag-interpret ng batas?


----$$$--


HINDI puwedeng mag-intepret si Lacson sa legalidad ng insertion lalo pa’t umabot ito ng P100 bilyon.


Siya rin ang may sabi “dati-rati” ay milyones lang — pero namangha siya nang matuklasan, multi-bilyong piso ito.


----$$$--


ANG batas ay nakapundasyon — sa aktuwal na ebidensya at motibo o malisya ng aktibidad.


Ang pagtukoy sa “pangalan” na dokumentado kung sino ang “utak ng insertion” — ay maituturing nang matibay na ebidensya.

Ang “MALISYA” o motibo ay papasok — sa bulto o volume o dambuhalang halaga ng “insertion”.


-----$$$--


Pinakamabigat na element sa krimen — at well-documented ito bukod pa ang aktuwal na testimonya — ay ang “ghost project”, “substandard” at incomplete implementation na direktang kaakibat ng naturang insertion!


Ang tatlong iyan — nakadokumento sa minutes of proceedings kung sino ang nag-insert, volume o extra-ordinaryong bulto ng halaga, at ang palpak na proyekto bukod pa ang serye ng higit pa sa 2 testimonya ng mga testigo — ay sapat-sapat nang makatindig sa hukuman ang kaso ng plunder.

----$$$--


Kung susuriin, hindi sapat ang kasong plunder sa krimeng ito, bagkus ito ay maituturing na isang klase ng economic sabotage.

Isa itong economic sabotage, dahil makikita dito na kakutsaba ang government banks o ang manager nito — sa paglalabas ng milyun-milyong piso — nang lihim at lumabag sa normal na regulasyon ng Bangko Sentral.


----$$$--


ISANG economic sabotage ito dahil — imbes na gumamit ng tseke o patak-patak i-withdraw, iwini-withdraw nang kalmante o ordinaryo ang “salapi” -- cold cash -- nang may basbas ang bangko.


Okey lang kung ibinabalik sa bangko ang bilyung-bilyong kulimbat pero hindi, bagkus ito ay pinaniniwalaang itinatago sa “sariling bahay o condo o gusali”.


----$$$--


INAMIN ng gobernador ng Bangko Sentral na nababahala siya mismo at nagugulantang sa bulto-bultong salapi na inilalabas sa bangko.

Dapat imbestigahan kung ito ay itinatago sa mga gusali, condo at residensya.


Ibig sabihin, wala sa sirkulasyon ang multi-bilyong pisong kulimbat, bagkus ito ay nakaimbak sa malalaking silid imbes sa bangko, hindi kasi kasya sa ordinary vault.


----$$$--


SA tradisyon ng engrandeng kasalan sa Bulacan, ginagamit sa hapag-kainan ang isang napakahabang mesa na nagsisilbing “presidential table o center table” para sa mga ninong at ninang at maging sa ikakasal.


Ang tawag po riyan ay “MAHABANG-DULANG”.


-----$$$--


SA pagbibilang at pagpaparte-parte ng cold cash, hindi ordinaryong mesa ang ginamit ng mga enhinyero ng DPWH, bagkus ay isang “mahabang dulang”.


Ebidensya ito, hindi ito simpleng kasong plunder, bagkus ay isang economic sabotage.


----$$$--


KAPAG ang volume ng salapi ay itinago — kahit barya-barya lang, magbubunga ito ng “negatibo sa ekonomiya”.


Hindi kasi makakaikot sa merkado -- ang malaking volume ng aktuwal na cash.

Ang nararanasang pagdarahop ngayon ng mga ordinaryong Pinoy — ay posibleng bunga ng economic sabotage na dapat imbestigahan ng Bangko Sentral at NEDA.

-----$$$---


HINDI ibinabalik o inire-redeposit ang mga nakulimbat na bilyung-bilyong piso — na magbubunga ng “hindi sinasadyang krisis” sa ekonomiya.


Ang pagtatago ng bulto-bultong barya sa alkansiya — ay tuwirang nakakaapekto sirkulasyon ng salapi.


PAANO pa ang bilyong pisong nakalatag lamang sa “mahabang dulang” sa master bedroom ng mga modernong kawatan?


Umiiwas ang mga kolokoy na magdeposito sa bangko — para “hindi magkaroon ng money trail”.


Malinaw na malinaw ang modus-operandi ng mga talipandas!




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 29, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Natagpuang nakabulagta si Digong sa loob ng kanyang selda.

Isinugod sa ospital, pero walang ulat kung ano ang kanyang tunay na kondisyon.


----$$$--


MALINAW na wala sa maayos na pisikal na kondisyon at katinuan si Digong.

Iyan ay isang matibay na argumento sa kanyang petisyon sa paglaya — interim release man o dismissal sa kaso.


----$$$--


SAKALING makabalik si FPPRD sa Pilipinas, dagdag-gulo ito sa loob ng sosyedad.

Malaking sakit ng ulo ito ni PBBM.


----$$$--


KASABAY nito, nagkaroon na ng “military component” ang isyung flood control project kung saan lumutang ang isang ex-Marine sa pagdinig sa Senado.

Sa unang pagkakataon, dumikit na sa Malacanang ang “alingasngas” nang mabanggit ang Aguado Residence — isang pukol ng bato ang distansya mula sa bakod ng Palasyo.


----$$$--


TULAD sa giyera ng Russia at Ukraine, imbes na humupa — gumagrabe pa ang kalagayan.


Ganyan din ang isyu ng graft and corruption, imbes na mai-neutralize, lumalala ang sitwasyon.


Pinakahuli, ang pagtiwalag ni Baguio Mayor Benjamin Magalong mula sa independent commission kuno na ICI.


-----$$$--


Kung susuriin, tila may “misteryosong kamay” na kumukumpas sa mga pambihirang pangyayaring ito.


Kahit ang mga bida at kontrabida sa eksena ay namamangha at nagugulantang.


-----$$$--


MAY kutob tayo, may nag-aayos o may nakatoka nang senaryo.

Magkakasya na lang tayo sa panghuhula sa “ending” ng sitwasyon.

Kumbaga sa teleserye, nagko-contest ang mga manonood — kung ano ang “WAKAS”.


-----$$$--


LINGID sa kaalaman ng marami, lumalala na rin ng sitwasyon sa Middle East at nawawalan na ng poder ang United Nations.

Pinagdududahan na rin ang liderato ng US bilang tinitingala sa buong daigdig.


----$$$--


SA Pilipinas, walang choice ang ating Republika, kundi ang pumanig at makipagtulungan sa US.

Ang kaguluhan sa ibang bansa ay nasasabay sa dinaranas ngayon — PANGANIB ng ating Inang Bayan.

Iisa lang ang tanging solusyon: Magdasal tayo nang walang patid!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page