top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | November 16, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Aktuwal nang ‘naghahalo ang balat sa tinalupan’.

Sa English, ‘yan mismo ang blood bath.


-----$$$--


HANGO ang talinghagang ito sa royal rumble ng mga talisain sa isang kulungan — nagsasabong-sabong ang mga manok — hanggang sa isa lang ang matira.

Sa isang kuwento sa Brgy. Longos sa Bigaa, Bulacan, sinasabing nagising isang gabi si Tata Ige dahil sa hindi magkamayaw na putak at sabong ng mga manok sa likuran ng kanyang bahay-kubo.


-----$$$---


Nagsabong-sabong pala ang lahat ng kanyang alagang talisain — at kinabukasan nang magliwanag -- iisa ang natirang buhay pero marami ring sugat.

Ang kulungan na ginawang gradas ay napuno ng mga nagkalat na balahibong manok na humalo-halo sa mga tigpas na balat o skin ng kanyang mga patay nang talisain na naliligo nang dugo.

Bulong niya habang naglilinis ng kulungan: “Naghalo ang balat sa tinalupan”.


----$$$--


MATATANDAANG ibinabala ni VP Sara ang blood bath nang magkahiwalay sila ng landas ni PBBM.

Kasunod nito, inimbestigahan ng Kongreso ang kanyang confidential fund at isinampa ang impeachment case.


-----$$$--


Mistulang “madugo” ang mga kasunod na pangyayari dahil inaresto ang kanyang ama at iniregalo sa ICC sa The Hague.

Sopresang sinibak naman si dating Senate President Chiz Escudero na inakusahang tumanggap ng campaign fund sa isang kaibigang kontraktor.


----$$$--


HABANG umaandar ang mga araw, inakusahan na ng pandarambong ang ilang senador, kongresista at mga dating pulitiko kasama ang mga DPWH officials, COA at maging ang executive secretary kaugnay ng multi-bilyong pisong flood control projects.

Napuwersang magbitiw si Rep. Martin Romualdez bilang Speaker at Zaldy Co na congressman, bago binuo ang ICI sa isang executive order ni PBBM.


----$$$-


PERO ngayon, biglang idinawit na mismo ni Co si PBBM, na agad itong idinepensa umano ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. Panfilo Lacson imbes na magpahayag ng ‘neutral’.

Kaliwa’t kanan na ang palitan ng akusasyon ng magkabilang-panig.


----$$$--


Nakatakda ang malawakang kilos-protesta sa susunod na mga araw.

Pero, agad nang naglabas ng opisyal na pahayag ang AFP na mananatili silang tapat sa Konstitusyon.


-----$$$--


SA totoo lang, maging sina ex-AFP Fidel Ramos, ex-DND Secretary Juan Ponce Enrile ay naunang nagpahayag ng pagiging tapat kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. pero binali rin nila ang pahayag.

Iyan din ang matatag na pahayag ni ex-AFP Chief Angelo Reyes pero ‘trinaydor’ din niya ang kanyang Commander-in-Chief na si Pareng Erap Estrada.

Nang lumaon, nag-suicide at nagbaril sa sarili -- si Reyes!

Aktuwal na madugo.


---$$$--


SA aktuwal, matagal na ang talamak na corruption across all department sa gobyerno kahit wala pa si PBBM.

Ang nararanasan naman ngayon ni PBBM ay normal na nararanasan ng isang “lider o pangulo” na malapit nang matapos ang termino.

Unti-unti nang lalayo ang mga hunyango para kumapit at lumipat naman sa naaamoy nilang susunod na uupo sa Malacanang.

Walang personal d’yan, teknikal na pagtaya ‘yan.


----$$$--


DAPAT kaawaan si PBBM, dahil masasaksihan natin kung paano siya iiwanan ng kanyang mga “tinulungan” — dahil pahina nang pahina ang kanyang poder — habang lumalapit ang 2028.

Maikukumpirma natin ngayon kung isang mahinang lider ba o strong si PBBM.


----$$$--


TOTOO bang weak lider si PBBM? Ere ang panukat o barometro.

Una, mapapatunayang mali si Digong sa pagsasabing “weak leader” si PBBM — bagkus ay malinaw na strong leader siya -- kapag nairaos ng mister ni First Lady Liza Araneta Marcos ang termino hanggang 2028.


Ikalawa, maikukumpirma na “weak leader” si PBBM kapag hindi natapos ang kanyang termino — magbitiw, magkudeta o biglang magkasakit at mawala sa Malacanang bago mag-2028.


Sa ngayon, wala pang makakapagsabi kung isang weak o strong leader ang anak ni FEM, Sr.




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | November 15, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Pulutan ngayon ng mga “marites” si Sen. Bato.

May tsismis kasi na inilabas na ng ICC ang warrant of arrest.

----$$$--

Walang linaw kung aarestuhin ba siya ng PNP tulad sa naranasan ni Digong.

Dahil diyan, hindi malayong siya ay matulad kay Gen. Bantag — nagtatago.

-----$$$--

Hindi pa man, sinisikap ni Sen. Ping Lacson na makontak si Sen. Bato upang mabigyan ng angkop na “payong kapatid”.

Naranasan din kasi ni Lacson na magtago makaraang maglabas din ng warrant of arrest ang hukuman sa Dacer-Corbito double murder case.

-----$$$--

MAS ligtas si Sen. Bato kung hindi muna magpapakita dahil hindi naman ganap na mapoproteksyunan siya ng Senado.

Puwede kasing “maibentot” lang siya.

----$$$--

MANANATILI bilang pangulo ng Senado si Tito Sen lalo pa’t nabawasan ng “attendance” ang minorya.

Sayang, hindi na mapupuri ni Sen. Bato si “Guteza” sa pagsasabing, “Iyan ang Marines”, matapang!

-----$$$--

TULUYAN nang nalimutan ang dati-rating hot item na “missing sabungeros”.

‘Ika nga sa latest research sa Quantum Physics: Ang “suwerte” ay hindi random — ito ay naitatakda.

Ha! Ha! Ha!

-----$$$--

NATOTORETE at magkakaiba ang opinyon ng mga eksperto sa kontrobersiyal na “3I/ATLAS” comet.

May nagsasabi na natural at hindi artificial.

Pero, marami rin ang naniniwala na ito ay “alien spaceship”.

-----$$$--

NILABAG kasi ang 3I/ATLAS comet ang maraming batas ng physics.

Kumbaga, nagpapamalas ng kakaiba at pambihirang behavior ang “kometa” na didikit sa earth pagsapit ng Simbang Gabi ngayong Pasko 2025!

----$$$--

HINDI bagong isyu ang corruption — matagal na ‘yan sa burukrasya.

Ang bago rito — ay ang “garapal at lantarang pagnanakaw” na hindi ibinibisto ng COA, Ombudsman at Civil Service Commission.

----$$$--

ANG constitutional body ang nakatoka na magbantay sa iba’t ibang klase ng corruption na magkakakutsabang nagaganap — sa ehekutibo, lehislatura at hudikatura.

‘Inutil’ ang Konstitusyon — wala itong kakayahan na proteksyunan ang publiko laban sa lantarang pandarambong ng mga pulitiko.

----$$$--

ISANG paham at karismatikong lider ang kailangan ng Pilipinas.

Kailan kaya siya isisilang — sa sabsaban ba o sa condominium ni Juan?




Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 

ni Ka Ambo @Bistado | November 13, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Pinagpipiyestahan ngayon sa mainstream at social media ang expose o pasabog ng beteranong kolumnista na si Mon Tulfo.


Buong tapang niyang binanggit sa “listahan” ang mga Duterte bilang kasabwat umano sa destabilisasyon.


----$$$---


NASABAY ang expose sa nakatakdang malaking kilos-protesta na inorganisa mismo ng INC.

Sa isang Facebook post, lantaran niyang binanggit ang mga pangalan nina Cong. Pulong Duterte, VP Sara Duterte at ex-Gov. Chavit Singson.


-----$$$--


SA likod ng mga ulat, imina-marites din na kakutsaba umano ng mga financer ang mga kontraktor na isinasangkot sa multi-bilyong anomaly sa flood control projects.

Iyan na mismo — ang motibo, makalusot sila sa kaso at imbestigasyon.


----$$$--


NATOTORETE umano ang mga “bida” dahil nakatakda nang isampa sa Sandiganbayan ang multi-bilyong pisong kaso.

Nagpa-panic raw ang mga kolokoy dahil “walang piyansa” — at walang duda na makakalaboso ang mga ito.


-----$$$--


SINASABING aabot sa higit 1,000 katao ang maaaresto at makukulong dahil higit sa 400 flood control projects ang iniimbestigahan.

Ang bawat proyekto ay pinaniniwalaang may tig-20 katao o personalidad ang suspek na makukulong mismo.


-----$$$--


SA totoo lang, maaga pa lamang ay ginagawa at inihahanda na ang lugar kung saan idedetine o ikalalaboso ang mga potensyal na akusado.

Hindi ito lihim, bagkus ay inilalantad mismo ng DILG.


----$$$--


Nag-aalala ang ilang nagmamasid sa hinalang isang pakana ang malawakang rally upang maiupo umano si VP Sara.

Ikinababahala rin na maabsuwelto ang mga akusado sa flood control projects at maituloy ang walang habas na pandarambong sa kaban ng bayan.


----$$$--


TINUKOY sa listahan ang mga pangalan ng ilang retiradong heneral at ilang aktibong pulitiko.

Kasama rin ang ilang popular na mga abogado ng bansa pero hindi pa sila nagbibigay ng kanilang mga opisyal na pahayag hinggil sa naturang expose.


----$$$--


HABANG nagbibinhi ng sigalot at kaguluhan ang mga elitist, nagdurusa naman sa hindi maresolbang baha ang ordinaryong mamamayan.

‘Nakatunganga’ rin ang mga biktima ng kalamidad — lindol at bagyo.


----$$$--


ANG mga nasasaksihan natin ay malinaw na may motibong pansarili lamang.

Dapat ay maghunos-dili ang mga may pakana at maumpog ang ulo upang mamulat sa katotohanan.


----$$$--


BAGAMAN umaani ng kontra-batikos si Tulfo, pinaninindigan niya ang kanyang expose.

“Don’t ask me where I got the info. I won’t tell kahit na pitpitin n’yo ang b*yag ko,” wika ni Tulfo.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page