top of page
Search

ni Justine Daguno - @Life and Style | October 24, 2021



ree


Bukod sa sipag at tiyaga, kailangan din ng diskarte para umasenso ang buhay. ‘Ika nga nila, “Hindi lahat ng may trabaho ay yumayaman, kailangan ng extra income”. Siyempre, ‘pag sinabing “extra income”, r’yan na papasok ang pagnenegosyo. True naman, malaking tulong ang business, lalo na sa panahon ngayon kung saan wala namang dagdag-suweldo pero patuloy na taas-presyo ang mga bilihin. Kaya naman, narito ang ilang business ideas na siguradong magpapayaman sa ‘yo:


1.RICE RETAIL. Karamihan sa ating mga Pinoy, hindi kumpleto ang almusal, tanghalian at hapunan kapag walang kanin — in short, rice is life. Malabong malugi ang mga rice retail business dahil hindi ito seasonal, umulan man o bumagyo ay may bibili ng bigas dahil prayoridad ng marami ang kanin.


2. WATER STATION. Tulad ng bigas, pangunahing pangangailangan din ang tubig, lalo na ang malinis na inuming tubig. Marami ang tumatangkilik nito, partikular ang pamilyang may baby, pasyente at iba pang maselan sa inuming tubig.


3.MINI GROCERY STORE. Mas gusto ngayon ng mga tao ang convenience, kaya mas malaki ang kita ng mini groceries sa lugar na may kalayuan sa lokal na pamilihan. Kapag nasa ganitong lugar kayo, maaaring pag-isipan ang business na ‘to. Oks din naman magtayo nito sa public market dahil maraming potential customers sa ganitong lugar.


4. FOOD CATERING. Dahil mahalaga talaga ang convenience, tumataas na rin ang demand ngayon sa catering service. Mas pinipili kasi ng karamihan ang magpaluto, lalo na kung malakihan ang events dahil menos-gastos. Iniisip kasi nila, hindi na kailangang mamalengke, mag-asikaso o mag-prepare ng mga iluluto saka magluluto. Kaya naman, sobrang goods ito kapag may talent at hilig sa pagluluto dahil nagagawa na ang passion at sure pa ang kita.


5.BAKERY. Kung mahilig ka naman mag-bake at gustong mag-level up, puwedeng-puwede itong gawing business. Isa sa mga paboritong meryenda o pantawid-gutom ng mga Pinoy ang tinapay, lalo na kapag may bisita o trip lang magkape. Sa simula, maaaring magpa-order online upang makilala ang produkto hanggang sa magkaroon ng sapat na puhunan at makapagpatayo ng bakeshop.


6. JUNKSHOP. Truly ang kasabihang, “May pera sa basura.” Sa katunayan, malaki ang puwedeng kitain sa pagdya-junkshop dahil ‘rekta ito sa produkto at hindi kailangan ng bonggang puwesto. Pero siyempre, bago ito simulan ay siguraduhin munang pag-aaralan ito nang sa gayun ay mapakinabangan ang “basura” at hindi mapunta sa wala.

Habang tumatagal ay mas nalalaman natin ang kahalagahan ng bawat salapi na ating pinagpapaguran, kaya dapat itong gamitin sa tama. Sa pagnenegosyo, unang hakbang ang paglalabas ng puhunan, kaya pag-isipan munang mabuti bago ito pasukin. Tandaan, tayo ay magnenegosyo dahil kailangan nating kumita, at hindi para magkaroon ng pagsisihan.


Good luck!


 
 

ni Justine Daguno - @Life and Style | October 17, 2021



ree


Mula nang magsimula ang pandemya, marami sa atin ang pumasok na sa mundo ng pagnenegosyo, partikular ang online business. Marami man ang nawalan ng trabaho, namulat naman sa ibang paraan para magkaroon ng pagkakakitaan. Ang maganda sa pag-o-online selling, less-hassle, sa pagalingan ng diskarte ay paniguradong kikita talaga.


Sa kabilang banda, dahil halos lahat nga ay nagnenegosyo na, kailangan talagang makipagsabayan para hindi matulog ang business at siyempre, ang bumubuhay dito ay ang mga mamimili. Kaya naman, narito ang ilan sa mga paraaan para dumami ang online customers:

1. MAGBIGAY NG SAMPLE. Epektibo itong paraan upang magkaroon o madagdagan ang mga kustomer. Oks ito lalo na kung nagsisimula pa lamang sa negosyo o may bagong ipakikilalang produkto. Tayong mga Pinoy, mas gustong nasubukan muna ang produkto bago ito tangilikin. Tandaan, ang “pagbibigay ng sample” ay isang chance lang dapat ibigay mo ang best shot!


2. MAG-SALE O MAG-PROMO. Ang ganitong estratehiya ay kailangang gawin kapag hindi na gumagalaw ang sales o kung tila nauumay na ang mga customer. Isa pa sa mga ugali ng mga Pinoy ay madali silang “mabudol” o maengganyo sa mga “sale” o “promo” dahil sa kaisipan mas makakatipid sila kumpara sa pagbili sa regular na presyo ng produkto. Kung gustong mapansin ng mga tao ang iyong negosyo, subukan ang diskarte ‘to.


3. MAG-LIVE SELLING. Dahil halos lahat ng mga tao ngayon ay gumagamit na ng social media — pang-school, trabaho o libangan man ay siguradong puwedeng makakuha ng mga customer. Libre lang ang ganitong feature sa FB kaya samantalahin natin. Well, kung personality mo ang pag-e-entertain, paniguradong sisiw ‘to, sure na makakahakot ng mga magma-“mine” sa iyong produkto!


4. SUMALI SA MGA FB GROUPS. Epektibo ang ganitong strategy para mas ma-target ang market. Halimbawa, kung ang business ay may kinalaman sa “mommy and baby thingy”, puwedeng sumali sa FB groups na ang miyembro ay mommies, dahil bukod sa forum, karamihan sa kanila ay naghahanap din ng mga recommendations kung saan puwede mong ipasok ang iyong negosyo.


5. GAMITIN LAHAT NG SOCIAL MEDIA PLATFORMS. Walang dapat ikahiya kung legal ang iyong negosyo. I-promote ito nang i-promote hanggang sa tangkilikin ito, at mismong customer na ang lalapit sa ‘yo. Hindi lang sa FB puwede makabenta, nar’yan din ang Twitter, Instagram, YouTube at marami pang iba. Pag-aralan ang socmed platform na swak sa iyong online business.

Ngayong pandemya, dapat maging madiskarte dahil walang mangyayari kung aasa lamang sa iisang source of income. Samantalahin ang mga pagkakataong nakukuha sa social media, hindi lamang libangan ang puwede ritong mapala kundi oportunidad din. Walang masama kung susubukan ang isang bagay, lalo na kung sa makakatulong sa sarili, gayundin sa ating kabuhayan.


 
 

ni Justine Daguno - @Life and Style | September 25, 2021



ree

Milyun-milyon sa buong mundo ang tinatamaan ng Urinary Tract Infections o UTI, ayon sa pag-aaral. Ito ay impeksiyon na nakaaapekto sa urinary tract, kabilang ang kidneys, ureters, bladder o urethra.


Ilan sa mga sintomas nito ay hirap o masakit na pag-ihi, madalas na pag-ihi, ‘cloudy’ o ‘dark’ na ihi, matapang na amoy ng ihi, pakiramdam na naiihi kahit katatapos lamang itong gawin at pagsakit ng pelvic.


Bagama’t karaniwan itong ginagamot sa pamamagitan ng mga antibiotics, knows n’yo ba na maaari itong magamot sa natural na paraan? Narito ang ilan sa mga home remedies para sa UTI:

1. UMINOM NG MARAMING TUBIG. Ang kakulangan ng supply ng tubig sa katawan ang isa sa mga karaniwang dahilan kung bakit nati-trigger ang UTI, kaya’t napakaimportante na sapat ang kinokonsumong tubig ng pasyente. Katambal ng regular na pag-inom ng tubig ang pag-ihi, kung saan ito’y paraan upang ma-washout o mailabas ang bakterya sa urinary tract. Tandaan, ‘wag hintaying mauhaw muna nang husto bago uminom ng tubig.


2. SAPAT NA VITAMIN C. Ayon sa pag-aaral, mahalagang mayroong sapat ang Vitamin C upang hindi tamaan ng UTI o mabilis na maka-recover mula sa sakit na ito. Ang bitaminang ito ay mabisa upang maiwasan ang paglala ng impeksiyon. Ito ay nakapagpapataas ang acidity level sa ihi kung saan madaling napapatay ang bakterya na dahilan ng impeksiyon. Maaaring mag-take ng supplements o magkonsumo ng mga prutas, tulad ng orange, dalandan, lemon at iba pa.


3. MAGKONSUMO NG PROBIOTIC. Malaking bagay din ang pagkonsumo ng probiotics para maiwasan o madaling gumaling ang UTI. Ito ay maaaring makuha sa supplements o sa pagkain tulad ng kimchi, soya at yogurt. Ilan sa mga benepisyo nito ay pambalanse sa digestive system, at pampalakas din ng immune system.


4. HEALTHY HABITS. Isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng UTI ay dahil sa lifestyle. Panatilihin ang hygiene at maayos na paggamit ng banyo. Una, ‘wag pigilan ang pag-ihi dahil dito nagkakaroon ng bakterya sa urinary tract. Gayundin, umihi pagkatapos makipagtalik upang mailabas ang anumang uri ng dumi o bakterya. Ugaliin ding pagkatapos umihi, magpunas o maghugas mula sa ari patungo sa puwit nang sa gayun ay maiwasan mapunta sa ari ang bakterya.

Anumang uri ng sakit ay hindi dapat pinalalampas o dinidedma, lahat ay kailangang agapan bago pa lumala. Ang mga nabanggit na home remedy ay maaaring gawing ‘pag-iwas’ o sa pagsisimula. Makabubuti pa rin na magpakonsulta sa doktor upang mas magabayan sa mga bagay na kailangang gawin upang ito ay magamot sa tamang paraan. Gets mo?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page