top of page
Search

ni Julie Bonifacio @Winner | June 29, 2025



Photo: Ice Seguerra - IG


Nakahimplay na ang labi ng ina ni Ice Seguerra na si Mommy Caring sa Aeternitas Chapel and Columbarium sa Commonwealth Avenue, Quezon City.


Ipinost ni Ice sa kanyang social media accounts ang lugar kung saan nakaburol ang kanyang ina, viewing schedule at date ng cremation.


Sa Instagram (IG) ni Ice ay isang madamdaming mensahe ang kanyang ipinost para kay Mommy Caring.


Caption ni Ice, “I was looking forward to June 28 because ngayon ‘yung drop ng Shelter of the Broken. We've been preparing for today for months now. Pero siguro, ganu’n talaga ang buhay. Instead of feeling excited, my heart is shattered because my mama passed away the morning of June 27th.


“Hindi mo man lang nahintay, Mama. Pero happy ako kasi kahit papaano, narinig mo ‘yung buong album bago ka nawala. Sinabi mong proud ka sa akin at nagandahan ka sa mga kanta. Napanood mo pa ‘yung shoot namin ng lyric video.


“At kahit wala ka na, sa bawat awit at bawat letra, nandoon ka. Sa bawat pagsampa ng entablado, kahit hindi na makikita, alam ko nasa puso kita.


“Ang hirap, Mama. Tulungan mo akong kayanin ‘to, ha? Mahal na mahal kita.”


Bumaha ng mensahe ng pakikiramay sa comment section ng IG post ni Ice from her celebrity friends gaya nina Arnel Pineda, Ara Mina, Karylle, Angeline Quinto, Kayla Rivera at marami pang iba.


Comment ni Arnel, “Buong pusong nakikidalamhati sa iyo aking pamilya (praying hands emoji).”


Mensahe ni Karylle, “Hugs (heart emoji).”


“Rest well now, Mama Caring. Mahigpit na yakap @iceseguerra, nakikiramay ako (praying hands, white heart emoji, crying face emoji),” mula kay Angeline.

Taos-pusong pakikiramay sa pamilya, Ice.



TAOS-PUSO rin namang nagpapasalamat sa mga Pilipino ang lahat ng bumubuo ng FPJ’s Batang Quiapo (BQ) matapos itong magtala ng 20.4% average na national TV rating para sa urban at rural households noong Hunyo 23–26, kumpara sa 16.0% na nakuha ng katapat na programa ayon sa datos ng Kantar Media.


Nanatiling most-watched teleserye sa bansa ang programang pinagbibidahan ni Coco Martin matapos itong magkamit ng national TV rating na 20.2% kumpara sa 17.1% ng kalaban sa pagbubukas ng Linggo noong Hunyo 23.


Lalo pang kinapitan ng mga Pilipino ang episode kung saan namatay ang kontrabidang karakter ni McCoy de Leon noong Hunyo 24 na nakakuha ng national TV rating na 21.3% kumpara sa kalaban na nakakuha ng 16.2%.


Nagpatuloy ang lamang ng Kapamilya teleserye sa Hunyo 25 na episode na nagrehistro ng national TV rating na 19.2% laban sa katapat na programa na nagtala ng 15.4%. Tinutukan pa rin ang palabas ng ABS-CBN noong June 26 episode na nagtala ng national TV rating na 20.7% kumpara sa 15.4% ng katapat na serye.


Namamayagpag din ang BQ pagdating sa online viewership dahil nagtala ito ng mahigit kalahating milyon o 600,000 daily peak concurrent viewers, o mga sabay-sabay na nanood sa Kapamilya Online Live sa YouTube (YT), para sa parehong panahon.


Kamakailan ay nangako ang Primetime King na si Coco Martin sa isang panayam na handog ng BQ ang sunud-sunod na umaatikabong eksena at pasabog na rebelasyon para sa lahat ng mga Pilipinong patuloy na sumusubaybay sa buhay ni Tanggol.

 
 

ni Julie Bonifacio @Winner | June 28, 2025



Photo: Sunshine Cruz at Gretchen Barretto - IG


Usap-usapan sa showbiz umpukan ang balita ukol sa isang sikat na female celebrity na iniuugnay sa pagkawala ng mga sabungero. 


Kamakailan ay nabalitang patay na raw ang mga nawawalang sabungero. Ilang araw pagkatapos pumutok ang balita, kumalat ang tsikang sangkot daw ang kilalang female celebrity sa nangyari sa kanila.


Isa raw ang famous female celeb sa mga members ng grupong tinatawag na “alpha” na involved sa pagkawala ng at least 100 sabungeros.


Kasama raw ang pangalan ng famous female celebrity sa isinumiteng affidavit na nakatakdang ibigay sa awtoridad.


Ayon pa sa informant, nandu’n si famous female celeb kapag nagmi-meeting kaya isa raw siya sa mga susi kung sakali. Marami raw alam si famous female celeb.

Hala ka! Sino kaya ang famous female celeb?


May nagsasabi na baka si Gretchen Barretto ‘yung famous female celeb. Si La Greta kasi ang super-appear in public na kasama ang sikat na gambling lord at kilala ring sabungero na si Atong Ang. 


At may post din sa socmed (social media) si La Greta before kapag nasa sabungan siya, na minsan ay siya pa ang nagbibitaw ng manok.


Tsika naman ng isang pilyang showbiz insider, baka raw si Sunshine Cruz ‘yung famous female celeb na karelasyon ni Atong ngayon.


Depensa ng kampo ni Sunshine, wala pa siya sa buhay ni Atong nu’ng lumabas ang balitang may mga nawawalang sabungero.


But of course, hangga’t walang matibay na ebidensiya, mahirap magbintang.



SAD ulit ang ilang taga-showbiz sa pagpanaw ng ina ni Ice Seguerra na si Caridad Yamson Seguerra o mas kilala sa tawag sa kanya ng mga taga-showbiz bilang si Mommy Caring.


Mismong si Ice ang nagpaalam sa publiko ng pagpanaw ng kanyang ina. Habang isang madamdaming sulat para kay Mommy Caring ang ipinost ni Liza sa kanyang Facebook (FB) account.


Narito ang liham-post ni Liza for Mommy Caring:


“Dear Mommy Caring, hindi pa rin totoo sa isip at puso ko na wala ka na.

“Parang nu’ng isang araw lang, nandu’n ka pa sa Rampa, nakangiti, nagse-celebrate, nakiki-party sa birthday ko, kumpleto sa energy, ready pa ring sumayaw. Napakasigla mo pa nu’n. Kaya ang bigla-bigla po nito. Ang hirap tanggapin.


“Mommy C, thank you for loving me like your own. Damang-dama ko ‘yun sa bawat yakap mo, bawat tanong mo kung okey ako, bawat push mo na ipagpatuloy ko ang mga pangarap ko. Lagi mong sinasabi sa lahat na fan ka ng flamenco (sayaw) ko at lagi mong ipinapaalala na dapat kong balikan ‘yon. And even when I moved on to other fields, lagi ka pa ring nakasuporta. Lagi kang proud, lagi kang present.


“Bilib na bilib ako sa pagmamahal mo kay Ice. You are a constant presence in his life. You were always there for every show, every gig at tugtog n’ya kahit saan man ‘yan. His one-woman cheer squad na nagiging iyakin lately lalo ‘pag kinakantahan ka ni Ice.


“Pero hindi ka lang pang-cheer, the best critic ka rin. Kung kulang ang birit, sasabihin mo. Kung maganda ang pagkanta pero puwede pang may feelings, maririnig namin ‘yon. Never mo kaming binola and we’re all better because of it.


“You’re one of the strongest women I know. Independent. Matapang. Masayahin. Ballroom queen pa rin hanggang ngayon. At the same time, full of warmth and generosity. You made everyone feel seen and loved and you inspired me to be a better mom to Amara.


“Sabi ni Ice minsan, ‘Love, parang nagiging Mommy Caring ka na, ah.’ Kasi minsan, ikaw na ‘yong boses sa utak ko ‘pag kinokorek ko s’ya with love and brutal honesty. That’s how much of you lives on in us.


“Hindi ko pa talaga matanggap pero ito ang pangako ko: I’ll take care of Ice. I’ll love him the way you loved him — fiercely, faithfully, and without question. I’ll guard our family with the same strength and presence you gave us all these years.


“Thank you for embracing me, for loving Amara, and for always making your presence felt sa lahat ng paraan. Wala kang katulad.


“Mahal na mahal ka namin, Mommy Caring. We miss you already pero at least magkasama na kayo ni Daddy Dick ngayon, nagba-ballroom at videoke together.


Salamat sa lahat. Mahal na mahal kita (heart emoji). Love always, Liza.”


Kailan lang ay nagkaroon kami ng chance na makausap si Mommy Caring habang pareho kaming naghihintay papasukin sa ginanap na special screening ng stage play nina Ice and Liza, ang Choosing: A Stage Play (CASP) sa Ateneo University. 


‘Yun na pala ang huling pagkakataon na makikita at makakatsikahan namin si Mommy Caring.


Yakap, Ice and Liza.

 
 

ni Julie Bonifacio @Winner | June 27, 2025



Photo: Chiz Escudero - FB


Puspusan ang pamba-bash sa mister ni Heart Evangelista na si Senate President Chiz Escudero mula sa mga netizens. 


Katunayan, may mga nagpo-post na i-disbar si Sen. Chiz from his post. Marami raw kasing na-violate na batas si Sen. Chiz sa pagdinig ng impeachment trial ni Vice-President Sara Duterte.


May nag-post ng art card na nakasulat ang ‘Disbar Escudero’, at may caption na: “There were many grounds for disbarment.”


Sey pa ng ibang mga netizens…


“FORTHWITH DISBAR HIM!!!”


“Tanggalin ang ‘MAKATA’ (target emoji).”


“Disbar Escudero or DisBrow Escudero. Naging amag na lang ng keso itong si Chiz.”

In fairness, may nagtanggol naman sa mister ni Heart.


Sey nila, “Anu-anong mga grounds? Baka kuwentong barbero lang kayo (laughing face emoji).”



“Kayo ang tunay na mga DIKTADOR. Lahat na lang ng bagay na ‘di umayon sa gusto n’yo, ‘yun na agad gusto n’yo. Akala ko ba demokrasya tayo? Hahaha! Mga FEELING RIGHTEOUS.”


Anyway, habang nahaharap sa malaking isyu si Sen. Chiz Escudero ay tuloy naman ang ‘fashion things’ ni Heart Evangelista sa Paris, France.


SPEAKING of Sen. Chiz Escudero, nagbigay siya ng makabagbag-damdaming talumpati sa ginanap na oath-taking ceremony ng mga nahalal na key leaders ng Bacoor City sa Cavite.


Opisyal na nanumpa sa Senate President ang mga pangunahing pinuno ng lungsod sa isang makabuluhan at masiglang seremonya noong Lunes ng hapon, Hunyo 23.


Kabilang sina Congresswoman Lani Mercado-Revilla, Vice-Mayor Rowena Bautista-Mendiola at Mayor Strike Revilla sa mga nanumpa kay Sen. Chiz.


Ang programa ay sinimulan sa pamamagitan ng isang banal na misa sa St. Michael the Archangel Parish.


Pinangunahan ni Board Member at Vice-Governor-elect Ram Revilla ang pagbubukas ng programa. Sa kanyang maikling mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa at tuluy-tuloy na serbisyo-publiko sa pagsisimula ng bagong termino para sa Lungsod ng Bacoor.


Ang seremonya ay kinabibilangan ni Bise-Alkalde Rowena “VM Wena” Mendiola, na nanumpa kasama ang kanyang pamilya at nagbahagi ng taos-pusong mensahe para sa mga mamamayan.


Inilahad naman ni Congw. Lani Mercado Revilla ang kanyang mga plano sa Kongreso at muling ipinahayag ang kanyang dedikasyon sa serbisyo publiko.

Habang si Mayor Strike, na kasama ang kanyang pamilya ay naghatid ng isang makabuluhang talumpati na tumuon sa pagkakaisa, malasakit, at patuloy na pag-unlad ng Bacoor.


Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Strike na ang araw na ito ay hindi lamang pagdiriwang kundi sagisag ng tibay ng loob ng mga Bacooreño.

“Habang ang kaganapang ito ay isang selebrasyon, ito rin po ay sumisimbolo ng ating katatagan sa pagharap sa mga pagsubok, sa kahandaan sa mga pagbabago, at sa pagtitiwala sa ating kakayahang manindigan,” pahayag ni Mayor Strike.


Dagdag pa niya, “Bilang Ama ng Lungsod ng Bacoor, ipinapangako ko na si Mayor Strike B. Revilla ay hindi mapapagod na manindigan para sa bawat Bacooreño.”

Tinapos niya ang mensahe sa isang paalala ng pagkakaisa at pananampalataya.


“Bilang isang pamilya at isang lungsod, dumaan po tayo sa maraming pagsubok. At tulad ng isang tunay na pamilya, magkasama nating haharapin ang lahat—magtutulungan, magmamalasakitan, at may pananalig sa Diyos,” lahad pa ni Mayor Strike.


Nagbigay-dangal sa okasyon sina Cavite Governor-elect Abeng Remulla at Sen. Chiz Escudero.


Nagtapos ang programa sa isang pang-inspirasyong mensahe mula kay Sen. President Escudero, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pamumuno na may integridad, malasakit, at serbisyo sa bayan.


Dumalo ang mga kaibigan, pamilya, at mamamayan ng Bacoor sa nasabing okasyon bilang pagsuporta sa bagong kabanata ng lungsod, isang bukas na puno ng pag-asa, pagbabago, at pagkakaisa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page