top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Apr. 29, 2025





Mula sa pagiging manager ng mga sikat na artista, gusto na ring makilala at matawag na “Manager ng Bayan” ng longtime manager na si Arnold Vegafria ngayong tumatakbo siyang mayor ng Olongapo.


Sa ginanap na Pandesal Forum kahapon sa Kamuning Bakery ni Sir Wilson Flores, nabusog ang mga nakapanood sa dami ng planong gawin at plataporma ni ALV (tawag sa kanya sa showbiz) para sa Olongapo sakaling palarin siyang manalo.


Idinaan niya ito sa isang AVP presentation at thankful siya sa kaibigang si Korina Sanchez na nag-voice over, bukod sa ang team daw nito ang bumuo sa magandang presentation para sa kanyang kandidatura as mayor.


Aminado si Arnold Vegafria na mas magulo ang mundo ng pulitika kesa sa pagha-handle ng mga talents sa showbiz, pero dahil gusto raw niyang magdala ng pagbabago sa Gapo kaya pursigido siyang manalo.


At ang malaking karanasan at expertise niya sa pagha-handle ng iba’t ibang talents na may kani-kanyang attitudes for more than two decades ay malaking bagay at factor daw na maia-apply niya sa pamamalakad ng isang bayan.


Thankful naman siya sa kanyang mga alaga like si David Licauco na despite his super busy schedule ay naglaan daw ng panahon para tumulong sa kanyang kampanya.


In fact, the other night lang daw ay sinorpresa siya ni David nang dumating ito sa kanyang campaign rally at talagang pinagkaguluhan ito ng mga taga-Olongapo dahil bihira ngang may bumisitang artista roon, lalo’t sikat ngayon ang tambalang BarDa (Barbie Forteza-David Licauco).


At dahil napag-usapan nga namin si David, happy and proud si ALV sa nangyayari ngayon sa career ng alaga na kung dati ay nalalait acting wise, ngayon ay “Best Actor” na raw at hindi na rin mahiyain.


Tinanong namin siya kung boto sakaling mauwi sa totohanan ang relasyong Barbie-David.


Aniya, hindi pa niya nakikilala personally si Barbie pero base sa mga nakikita niya sa TV at sa mga naikukuwento sa kanya ni David, bagay naman daw ang dalawa dahil swak ang kanilang ugali at nagkakasundo sila.


Inamin din daw sa kanya ni David na may soft spot ito para kay Barbie since love team nga sila at unti-unti niyang nakikita at nakikilala ang pagkatao ng Kapuso actress.


Pero sa ngayon, ayaw pa raw madaliin ni David na ligawan at maging GF si Barbie dahil baka nasa moving on stage pa nga ang aktres mula sa hiwalayan nito kay Jak Roberto.

Naniniwala naman si ALV na makakatulong sa career ng dalawa kung magiging sila dahil tiyak na magiging happy din ang kanilang mga fans.



KAYA pala dedma na si Mark Herras sa mga isyung ibinato sa kanya ng dating ‘kaibigan’ na si Jojo Mendrez ay dahil ang dami-dami na nitong pinagkakaabalahan ngayon.


Bukod nga sa kaliwa’t kanang shows na offer sa kanya mula sa iba’t ibang lugar, busy din pala ngayon ang StarStruck Male Survivor sa pagtulong sa kandidatura ng Ang Probinsiyano Party List (APPL) representative na si Cong. Alfred “Apid” Delos Santos.


Kasama ang mga kapwa aktor na sina Jason Abalos at JC de Vera, buong-pusong nagboluntaryo ang tatlo at bumisita sa Negros Oriental, Albay, Zambales, at Siquijor.


Ipinakita ng tatlong aktor ang kanilang paninindigan sa mga adbokasiyang isinusulong ng APPL at ni Cong. Apid.


Sa Negros Oriental, pinangunahan ni Jason Abalos ang mga aktibidad ng kampanya sa mga bayan ng Basay, Bayawan, at Zamboanguita, kasama si mayoralty candidate Janice Degamo.


Sa kanyang mensahe sa mga residente, ibinahagi ni Jason ang kanyang karanasan sa mga programang sinusuportahan ng APPL gaya ng medical missions, scholarship programs, TUPAD assistance, at livelihood training—mga proyektong personal niyang nakita at sinuportahan.


Masaya namang sumali si JC De Vera sa mga campaign kick-off sa Albay at Zambales. Sa Albay, dumalo siya sa motorcade at pagtitipon ng Team Rosaloria na pinangunahan nina Noel Rosal, Jun Alegre, Caloy Loria, at Cong. Delos Santos.


Bukod sa pag-awit na nagpasaya sa mga Bicolano, inilahad ni JC ang kanyang paniniwala sa APPL.


Pagkatapos sa Albay, dumiretso sina JC at Cong. Apid sa San Antonio, Zambales para sa kick-off rally ng Team Antipolo, sa pangunguna nina Dok Arvin Antipolo at Atty. Jojo Bactad. Bagama’t pagod, buong-puso pa rin nilang inilahad ang mga plano ng APPL para sa mga probinsya.


Sa Siquijor naman, nagpasaya si Mark Herras sa pamamagitan ng kanyang performance sa kick-off rally nina Governor Jake Villa at Representative Zaldy Villa.


Sa gabing iyon, ipinakilala ang mga programa ng APPL sa lalawigan, pati na rin ang kanilang mga layunin para sa turismo at problema sa kuryente.


Sana, kahit tapos na ang eleksiyon, dumami pa rin ang raket ni Mark Herras at maging nina JC at Jason.

 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Apr. 27, 2025




So, “never say die” pala ang motto ngayon ni Daniel Padilla dahil nai-chika sa amin ng isang close sa kanila ni Kathryn Bernardo na tuluy-tuloy pa rin pala ang panunuyo niya sa ex-girlfriend.


Bagama’t una nang idinenay ng Mommy Min ni Kathryn na nagkabalikan na ang dalawa, hindi niya maitatanggi ang kuwentong patuloy pa ring sinusuyo at pinalalambot ni Daniel ang puso ni Kathryn para magkaroon ng second chance ang kanilang 11-year-relationship.


Well, maaaring pinag-iisipan pang mabuti o kinakapa pa ni Kathryn sa kanyang puso kung kaya pa niyang mahalin, patawarin o bigyan ng second chance si Daniel, kaya as of now, abang-abang lang ang mga KathNiel fans kung “the end” na talaga o may “together again” pang ganap kina Kathryn at Daniel.


Eh, teka, paano na kaya ‘yung nabalitang nililigawan naman daw ni Daniel sa Baguio na isang kolehiyala? Na-basted kaya siya kaya bumabalik kay Kathryn o na-realize lang niya na kahit maghanap siya ng iba ay wala pa ring katulad si Kathryn?

Hmmm…

‘Di raw PCSO ang sumagot… P800 K NA BILL NI NORA SA OSPITAL, BINAYARAN NI PBBM


Magkumare sina Superstar Nora Aunor at Jukebox Queen Imelda Papin bukod sa pareho silang Bikolana, kaya ganu’n na lang ang closeness ng dalawa, na hanggang nu’ng nasa ICU na nga si Ate Guy ay si Tita Mel (tawag sa Jukebox Queen ng mga close sa kanya) ang kanyang kasa-kasama at nag-aasikaso para sa mga kailangang procedures sa kanya sa ospital.


Kaya nu’ng eulogy sa last night ng wake ni Ate Guy, isa si Imelda sa mga pinasalamatan ni Lotlot de Leon sa mga tulong nito sa kanilang ina.


At dahil PCSO director nga si Imelda Papin, may mga nagkalat ng isyung sinabi raw ni Tita Mel na ang PCSO ang nagbayad ng bill ni Ate Guy sa ospital.


Kaya naman, nilinaw ito mismo ng aming Ninang Cristy Fermin sa kanilang Showbiz Now Na vlog with Romel Chika at Wendell Alvarez sa YouTube kay PCSO Director Imelda Papin.


At nang magkausap sila, du’n nga diretsahang ipinaliwanag ni Tita Mel na hindi ang PCSO kundi si Pangulong Bongbong Marcos ang umako na bayaran ang kabuuan ng bill ni Ate Guy sa Medical City, na ayon daw sa source ni Ninang Cristy sa naturang ospital ay umabot sa mahigit P800,000.


Malaking kabawasan ito sa alalahanin ng mga anak ng Superstar. Kaya siguro naman, tahimik na rin ang kalooban ni Ate Guy sa nakita niyang ibinigay na respeto at pagpapahalaga sa kanya hindi lang ng mga Noranians kundi maging ng mga kaibigan niya sa showbiz at ng ating pamahalaan sa kanyang pagiging National Artist.

 


May bago nang ‘boy’... SIKAT NA INFLUENCER, IPINALIT NI JOJO KINA MARK AT RAINIER





Heto naman ang sure na may kapalit na talaga.


Matapos ngang pagpiyestahan sa social media ang closeness nina Mark Herras at Rainier Castillo sa tinaguriang The Revival King na si Jojo Mendrez, out na sa picture ang dalawang StarStruck stars dahil ang sikat na influencer at performer na si Elias na ang bagong ‘favorite’ ni Jojo Mendrez.


Trending ngayon ang naglalabasang video nina Jojo Mendrez at Elias. Marami ang kinilig sa ginawa nilang duet ng kanta ni Jojo na Nandito Lang Ako na ang nag-compose ay si Jonathan Manalo.


Usap-usapan na nag-cancel si Elias ng mga shows niya para lang puntahan si Jojo sa Manila at gawin ang collab nilang dalawa.

 

Sinayawan din ni Elias si Jojo na mistulang kinikilig sa ginawa ng influencer, kaya talaga namang pinag-uusapan sila ngayon.


In fairness, positibo ang reaksiyon ng mga netizens na iniuugnay ang dalawa sa isa't isa.

“JOLIAS” nga ang binuong name sa tambalan nila na lumabas mismo sa bibig ni Elias.


Napakaraming fans ng dalawa ang excited sa pagsasama nila at sa mga proyektong nakahain sa tambalang JOLIAS.


Maugong din ang balita na si Elias daw ang tinutukoy na “THE BOY” sa upcoming release ng remake ng I LOVE YOU, BOY ni Jojo Mendrez under Star Music.


At bilang suporta naman ni Jojo kay Elias ay magkakaroon ito ng special appearances sa mga upcoming projects ng influencer para magbigay-saya sa mga fans ng dalawa.




 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Apr. 23, 2025




 

Tulad ng kanyang mga pelikula nu’ng rurok ng kanyang kasikatan bilang Superstar, mala-box office hit din ang huling burol ng National Artist for Film and Broadcast na si Nora Aunor sa The Heritage Memorial Park nu’ng Lunes ng gabi.


Punumpuno ang chapel na pinagdausan ng eulogy at nagdatingan ang malalaking personalidad mula sa showbiz at pulitika para magbigay ng kanilang last respect sa Superstar.


Naging emosyonal din hindi lang ang mga anak ni Ate Guy na sina Lotlot, Kiko, Ian, Matet at Kenneth kundi maging ang mga kaibigan ng Superstar tulad nina Jukebox Queen Imelda Papin (kumare ni Nora) at Ms. Celia Rodriguez.


At maging ang mga dati ngang kapareha sa pelikula at naging karelasyon ni Ate Guy ay present din nu’ng gabing ‘yun like Christopher de Leon and former Pres. Erap Estrada.

Ewan kung in denial pa si former Pres. Erap o hindi lang talaga niya nakilala si Ate Guy sa loob ng coffin kaya ang chikang nakarating sa amin, “Si Guy ba ito?” ang tanong ng dating aktor-pangulo nang silipin ang Superstar sa loob ng kabaong.


Sina Ian at Lotlot na ang inabutan naming nagsasalita sa eulogy at inalala nila kung paano naging ina at nagpaka-ina sa kanila ang Superstar.


Ang natatandaan namin sa mga sinabi ni Ian ay kung paano siya sinorpresa ni Ate Guy minsang may pabalik siyang flight sa Manila from abroad. Nagulat daw siya nang bigla na lang ipatawag o i-page ng mga officers sa airport, ‘yun pala, para sabihin lang na in-upgrade sa business class ang kanyang flight dahil na rin sa ‘super powers’ ng Superstar.


Si Lotlot naman, binalikan nito ‘yung masakit at challenging time sa buhay nila kung saan nagpaalam lang daw ang kanyang Mommy Guy na magso-show sa USA at ibinilin sa kanya ang mga kapatid pero inabot ng 8 yrs. bago nga nakabalik sa bansa ang Superstar dahil sa kasong kinasangkutan nito sa US nang mahulihan ng illegal substance.


Ikinuwento rin ng panganay sa limang magkakapatid na si Lotlot kung paano nila nalamang nasa ospital na ang kanilang mommy at nag-aagaw-buhay na.


Parang may tampo pa nga ang magkakapatid dahil hindi nila nalaman agad at hindi ipinaalam sa kanila na itinakbo pala sa ospital ang kanilang ina, gayung karapatan daw nilang malaman ‘yun.


Ang isang ugali naman kasi ni Ate Guy na ikinuwento nga ni Lotlot ay ayaw na ayaw

nitong binibigyan ng alalahanin ang mga anak at hangga’t makakaya niya, kinakaya lahat ni Nora ang mga problemang dumarating sa kanyang buhay.


So, nalaman lang daw nina Ian at Lotlot na nasa ospital nga ang kanilang ina nang i-text sila ng PCSO Director na si Imelda Papin na kumare nga ni Ate Guy at sinabihan sila na pumunta na agad-agad sa ospital dahil hindi na nga maganda ang lagay ni Nora.


Ani Lotlot, nu’ng una nga raw, ayaw pang sabihin sa kanila ni Ate Guy ang tunay na health condition at sakit nito at pinilit lang ng aktres na paaminin ang doktor ng ina dahil karapatan nga nilang malaman bilang mga anak.


Du’n na nalaman ni Lotlot na matagal na palang may Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD) si Nora at in fact, two years ago raw ay nag-flat line na rin pala sa ICU si Ate Guy.


Pero siguro, hindi pa tapos ang mission niya that time kaya binigyan pa siya ng extension ni Lord at nagawa pa ngang magkabati-bati sila at maka-bonding ang mga anak at apo sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa lupa.


Masakit para kay Lotlot at sa iba pang anak ni Ate Guy ang kanyang pagkawala lalo na’t sabi nga ng una, fighter talaga ang kanyang ina na nag-flat line na pala ilang araw lang matapos ang ginawang angiogram sa kanya, pero lumaban pa ito at nabuhay uli.


Pero pagkatapos lang daw ng ilang sandali, nag-flat line na naman si Ate Guy at du’n na nga nag-let go si Lotlot at kinausap ang ina na okay na ang estado nilang magkakapatid kaya puwede na itong magpahinga at ‘wag na silang intindihin.


Naging emosyonal din si Lotlot habang pinasasalamatan ang lahat ng taong naging karamay nila sa mabigat na pagsubok na ito sa kanilang buhay lalo’t kamamatay lang din ng kanyang former mother-in-law na si Ms. Pilita Corrales.


Ilan sa mga pinasalamatan ni Lotlot ay ang mga Ejercito (mag-amang Erap at Jinggoy na lagi raw nangungumusta sa kanya nang mamatay si Ate Guy), mag-asawang Sen. Bong Revilla at Congw. Lani Mercado, mag-asawang Alan Peter at Lani Cayetano at si Sen. Robin Padilla na ayon kay Lotlot ay nag-stay ng 10 hours sa Heritage sa unang araw ng burol ng kanyang ina.


Kahapon ay naihatid na sa Libingan ng mga Bayani ang Superstar-National Artist na si Nora Aunor, ngunit ang kanyang legasiya ay mananatiling buhay sa puso ng mga Pinoy.

Paalam, Ate Guy!




Nagpahayag naman ng taos-pusong pakikiramay si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. sa pagpanaw ng Pambansang Alagad ng Sining at alamat ng pelikulang Pilipino na si Nora Aunor noong ika-16 ng Abril, 2025. 


“Lubos akong nagdadalamhati sa pagpanaw ng isang tunay na alamat ng sining at kulturang Pilipino. Si Ate Guy ay isang inspirasyon, hindi lamang sa aming mga kapwa artista kundi sa bawat Pilipinong nangangarap at nagsusumikap. Sa loob ng maraming dekada, siya ang naging tinig, mukha, at damdamin ng sambayanang Pilipino,” ani ng aktor at mambabatas. 


Bilang pagpupugay sa pagpanaw ni Aunor, inihain ni Senador Bong Revilla ang Senate Resolution No. 1339 upang ipahayag ang kanyang taos-pusong pakikiramay at pagkilala sa hindi matatawarang ambag ng batikang aktres sa pelikula at kulturang Pilipino. 


Si Nora Aunor ay unang nakilala matapos manalo sa Tawag ng Tanghalan noong 1967 kung saan kinanta niya ang Moonlight Becomes You.


Kalaunan, tinagurian siyang “The Girl with a Golden Voice” at naglabas ng mahigit 500 kanta tulad ng Pearly Shells, Handog at People.


Sinundan ito ng kanyang matagumpay na karera sa pag-arte, kung saan umabot sa mahigit 170 pelikula ang kanyang pinagbidahan at umani ng maraming parangal —kabilang ang pitong Gawad Urian Best Actress awards.


Tatlong beses din siyang pinarangalan bilang "Natatanging Aktres ng Dekada," naging miyembro ng FAMAS Hall of Fame, at ginawaran ng lifetime achievement awards mula sa Film Academy of the Philippines, Cultural Center of the Philippines, at National Commission for Culture and the Arts. 


Nakilala rin si Nora Aunor sa buong mundo. Siya lamang ang natatanging Pilipinang aktres na ginawaran ng mga parangal mula sa limang magkakaibang kontinente, kabilang ang Best Actress sa Cairo International Film Festival (1995) para sa The Flor Contemplacion Story, Best Actress sa Malaysia (1997) para sa Bakit May Kahapon Pa?, Best Actress sa Brussels International Independent Film Festival (2004) para sa Naglalayag, Asia Pacific Screen Award (2013) para sa Thy Womb sa Australia, at kinilala bilang isa sa 10 Asian Best Actresses of the Decade (2010) sa North America. 


Noong 2022, kinilala si Nora Aunor bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Sining sa Pag-broadcast, isa sa pinakamataas na pagkilalang maaaring igawad sa mga Pilipinong alagad ng sining. 

 

“Ate Guy, katulad ng paborito mong awitin na I'll Never Find Another You, wala na kaming makikilalang katulad mo. We will never find another you. Nag-iisa ka, at labis ka naming mami-miss. Paalam sa isang tunay na Superstar,” ani Sen. Bong na puno ng emosyon.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page