top of page
Search

ni Lolet Abania | September 21, 2021




Nagdesisyon nang tumakbo si Manila Mayor Isko Moreno sa pagka-pangulo sa 2022 national elections, pahayag ng kanyang campaign manager na si Lito Banayo.


Magdedeklara naman ng presidential bid si Moreno bukas, Setyembre 22, sa Baseco Compound sa Tondo, Manila.


Ayon pa kay Banayo, ang magiging running mate ng alkalde ay si Dr. Willie Ong na isang doktor at public health advocate na tumakbo ng pagka-senador at natalo noong 2019, subalit nagawa niyang makuha ang pangalawang pinakamataas na bilang ng boto mula sa overseas absentee voters.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | September 5, 2021



Kamakailan lang ay inihayag ng DOH na nagkakaroon na ng shortage sa supply ng Tocilizumab sa bansa dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.


Ngunit sa kabila nito, ang Lungsod ng Maynila ay nagpapamigay ng naturang gamot para sa mga mamamayan nito na mayroong COVID-19.


“Kung sakaling kayo ay mangailangan ng mamahaling gamot na Remdesivir at Tocilizumab, makukuha n’yo ito nang libre sa Lungsod ng Maynila”, pahayag ni Isko.


“Para sa mahirap, middle class, mayaman, nasa public o private hospital: Hangga’t kaya naming kayong abutin, kayo ay aabutin namin”, dagdag pa niya.


Samantala, naglabas ng babala ang DOH sa mga nagtitinda ng naturang gamot online at pinapatungan nang higit sa suggested retail price matapos mapag-alaman na may nananamantala sa kakulangan ng supply nito.

 
 

ni Lolet Abania | August 25, 2021



Nakalabas na si Manila Mayor Isko Moreno sa Sta. Ana Hospital ngayong Miyerkules matapos na magpositibo sa test sa COVID-19 noong Agosto 15.


“Nakalabas na ng Manila Infectious Disease Control Center ng Sta. Ana Hospital si Punong Lungsod Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso matapos gumaling mula sa sakit na COVID-19,” ayon sa Manila Public Information Office, kung saan namalagi sa Sta. Ana Hospital ang alkalde ng 10-araw. Sa isang Facebook post, nai-share ni Moreno ang kanyang mga photos habang papaalis na ng Manila Infectious Disease Control Center.


“Salamat po sa Diyos,” ani Moreno. Ayon kay Manila Public Information officer Julius Leonen, kahit kinokonsiderang nakarekober na si Moreno, kailangan pa rin niyang mag-isolate sa humigit-kumulang na tatlong araw.


“Eleventh day ngayon ng illness ni Mayor. Fifth day na na asymptomatic. Pero isolate muna siya for more or less three days. Tagged na siya as recovered,” sabi ni Leonen sa isang text message. Unang naiulat na ang alkalde ay nakaranas ng pag-uubo, sipon at pananakit ng katawan.


Nitong Agosto 20, sinabi naman ni Sta. Ana Hospital director Dr. Grace Padilla sa isang medical bulletin na si Moreno ay nawalan ng pang-amoy at panlasa. Gayunman, ayon kay Padilla si Moreno ay mayroon lamang mild COVID-19 symptoms.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page