top of page
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | Mar. 6, 2025



Sexy Babe  - It's Showtime

Photo: Sexy Babe - It's Showtime


Pormal nang humarap sa pamunuan ng Commission on Elections o Comelec ang Sexy Babe contestant ng It’s Showtime (IS) na si Heart Aquino. 


Ito’y matapos ngang mag-viral ang video ng pagtatanong ni Vice Ganda sa contestant kung ano ang mensahe nito para sa Comelec at nagpakatotoong inamin naman ni Heart na wala siyang gaanong kaalaman tungkol sa Comelec, dahil bukod sa wala silang telebisyon ay hindi niya masyadong nakikita sa newsfeed niya online ang tungkol sa ahensiyang ito ng gobyerno.


Natawag ang pansin ng Comelec kaya’t inimbitahan si Heart na dumalaw sa tanggapan at maipaliwanag dito ang tungkol sa sangay na ito ng gobyerno. 


Nagpaunlak naman agad si Heart kaya’t nu’ng Martes, Marso 4, ay nagpunta ito sa Palacio del Gobernador kung saan nandoon ang opisina ng tanggapan. 


Winelkam si Heart ng mga opisyales ng Comelec at nakipag-meeting kay Chairman George Edwin Garcia. Inikot din ang Sexy Babe contestant sa opisina at sa pagtatanong ng media ay sinabi nito na naiintindihan na niya ang importansiya ng tanggapan.  


Ibinahagi rin ni Heart na bumoto siya nu’ng nakaraang botohan ng Sangguniang Kabataan pero na-mental block siya nu’ng Q&A portion ng Sexy Babe, lalo’t ito ang kauna-unahang sabak niya sa telebisyon kaya hindi rin siya nakasagot. 


Tinanong din ng media si Comelec Atty. Frances Arabe, Election and Barangay Affairs Department Head, kung may tsansa ba na kunin nilang ambassador si Heart para mabigyang-kaalaman ang mga kabataang bumoboto na sa ngayon. 


Ayon kay Atty. Arabe, may tsansa na gawin nila ito dahil nakikita niya na malaki ang potensiyal na maging magandang impluwensiya si Heart sa mga kabataan at gusto nilang ipakita na handang abutin ng Comelec ang mga kabataan at magturo sa mga ito.  


Nu’ng March 3 episode naman ng IS ay nagbigay ng kani-kanyang opinyon ang mga hosts ng show tungkol sa nangyari kay Heart Aquino sa kakulangan nito ng kaalaman tungkol sa Comelec. 


Para kay Vice, may systematic and education problem ang bansa na dapat bigyang-pansin. 


Para naman kay Karylle, nasaktan siya sa naging sagot ni Heart at dapat ang mga bumoboto, lalo na ang mga kabataan, ay malaman ang halaga ng boto nila, lalo’t nalalapit na ang 2025 midterm elections.  


Sa huli ay nagkaisa ang lahat ng hosts na dapat ay may pagkakaisa at panatilihin na ang lahat ay maging involved mula sa indibidwal hanggang sa gobyerno.



PARA sa amin ay pang-Magpakailanman ang buhay ni Jojo Mendrez dahil makulay at magbibigay-inspirasyon sa marami kung paano siya humarap at lumaban nang patas para marating ang tagumpay. 


Nagsimula siya sa isang mahirap na pamilya sa Lucena, kung saan ang ikinabubuhay niya ay paggawa ng walis-tingting mula sa buri. Sampung taong gulang siya nang sumali sa isang singing contest sa Lucena. Hindi man pinalad na manalo, pero dahil sa taglay na karisma ay binigyan ng consolation prize ng mga hurado. 


Para mahasa ang kanyang pagkanta, nag-enroll si Jojo sa Ryan Cayabyab’s School of Music kung saan naging kaklase niya sina Jolina Magdangal, Roselle Nava, Lindsay Custodio at Jan Marini. 


Una niyang ini-remake noon ang kantang Tuyo Na Ang Damdamin ng Apo Hiking Society, Magkabilang Mundo ni Jireh Lim at Handog ni Florante na nanalo sa 12th Star Awards for Music bilang Revival Song of the Year. 


Sold-out ang kanyang first major concert nu’ng 2018 at ngayon ay umabot na sa 50 million views ang revival song niyang Somewhere in My Past. 


Kamakailan ay pumirma siya ng kontrata sa Star Music kung saan ang composer ng kanyang first original song na Nandito Lang Ako ay ang batikang composer na si Jonathan Manalo. 


Kumpirmado na ring ire-remake ni Jojo ang kantang Tamis Ng Unang Halik na unang pinasikat ni Tina Paner noong ‘80s.

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | Mar. 3, 2025



Sam Verzosa at Isko Moreno - IG, FB

Photo: Sam Verzosa at Isko Moreno - IG, FB


Aminado si Rhian Ramos na wala sa bokabularyo niya ang kasal noon kung kaya’t wala siyang dream wedding, pero nabago ito nu’ng maging kasintahan niya ang businessman at mayoralty candidate na si Sam Verzosa. 


Pagtatapat ni Rhian sa nakaraang mediacon ng upcoming show niya na Where In Manila, naging komportable lang siya sa ideya ng kasal nang maging sila ni Sam, at kung paano nila matagumpay na nalagpasan ang mga pagsubok at hindi nila pagkakaintindihan o conflicts sa pagitan nila ang nagbukas sa mga mata niya na gusto niyang tumanda na si Sam ang kasama at vice-versa. 


Ito nga rin ang dahilan na bukod sa walang dream wedding ay walang masabing motif o konsepto sa kasal si Rhian Ramos dahil hindi nga niya pinangarap talaga noon na magpakasal.



NGAYON nga na kasagsagan na ng kampanya para sa 2025 national elections, mainit na pinag-uusapan ang pagpaparunggitan nina Sam Verzosa at Isko Moreno na magkatunggali bilang mayor ng Maynila. 


Sa isang speaking engagement ni Isko ay nabanggit nito ang isang pabida, Superman na nagpapamudmod ng mga de-lata at bigas sa mga taga-Maynila, pero hindi naman daw naramdaman nu’ng panahon ng pandemya. 


Agad namang nagpakita ng mga resibo si Sam kung saan inilabas nito sa kanyang social media ang mga videos kung saan kasama si Isko ay nagbigay ng donasyon at tulong ang Frontrow International nila ni RS Francisco nu’ng si Isko pa ang nakaupong mayor ng Maynila. 


Tinanong namin si Rhian kung ano ba ang payo na ibinibigay niya kay Sam ngayon na mainit ang pagpapalitan ng mga salita ng kanyang BF at ni Isko. 


Ayon sa Kapuso actress-TV host, sinabihan niya si Sam na bilang public personality ay hindi dapat nito tinitingnan na personal ang atake sa kanya dahil hindi naman siya personal na kilala ni Isko. 


Pagkukuwento rin sa amin ni Rhian, sinabihan niya pa ang boyfriend na walang kahit na sinong tao ang makakapagsabi kung sino talaga ito kundi ang sarili lang nito. 


Pahayag din ni Rhian, kapag may bagong nababasa si Sam ay nagkukuwento ito sa kanya. Binabasa niya ang lumabas na kuwento o isyu at lagi niyang sinasabi kay Sam na dedmahin na lang ito at nakikinig naman daw sa kanya ang boyfriend.


Sa ngayon ay abala rin sa taping ng Sang’gre kung saan gumaganap si Rhian bilang si Metina Cassiopeia, pero bukod dito ay binalikan ni Rhian ang hosting kung saan mapapanood siya sa Where In Manila, isang magazine/lifestyle show sa darating na March 8, tuwing Sabado, sa ganap na 11:30 nang gabi. Excited at masaya si Rhian sa bago niyang show kung saan maipapakita niya ang mga maipagmamalaking tourist spots at mga pagkain sa Maynila at mga kalapit na bayan sa buong Metro Manila.



NAGULAT kami sa husay sa pag-arte ng vlogger at bida sa upcoming horror film na Postmortem na si Jai Asuncion, kasama sina Alex Medina, Agassi Ching at Sachzna

Laparan sa ilalim ng panulat at direksiyon ni Direk Tom Nava. 


Isa itong pelikula na umiikot sa pamahiin nating mga Filipino kapag nakakita ng walang ulo o pugot na tao. 


Maganda ang istorya at mahusay ang pagkakadirek ni Direk Tom sa kabila na ito ang kauna-unahang full-length movie niya. Nagsimula at nahasa si Direk Tom sa mga teleserye ng ABS-CBN kung saan nagtrabaho siya bilang cameraman sa mga sumikat na serye ng Kapamilya Network tulad ng Wild Flower, Blood Sisters, atbp.. 


Wala namang maaaring kumuwestiyon sa husay sa pagganap ni Alex Medina na talaga namang kahit na anong role ang ibigay ay tiyak na lulutang at tatatak. 

Bumilib lang kami kay Jai dahil natural na natural at hindi mo aakalaing ito ang kauna-unahang pelikula na ginawa niya. 


Bilib din kami sa propesyonalismo nina Jai at Agassi dahil mag-ex pala ang dalawa at naging magkarelasyon sila sa loob ng 5 taon. 


Hindi rin itinago ni Jai na nu’ng una ay nagdalawang-isip siya nang malaman niya na makakasama niya sa Postmortem si Aga, kung saan bukod sa malalim ay masakit ang naging paghihiwalay nila. 


Nagdesisyon ang dalawa na ihiwalay ang personal nilang buhay sa kanilang trabaho at magpokus na lang sa kani-kanilang career kung saan kilala rin sila bilang mga vloggers.


Ang Postmortem ay mapapanood na sa darating na March 19 sa mga paborito nating sinehan at ito ay produced ng WeCamp Entertainment at Square One Studios. 


Gusto rin naming magpasalamat sa aming nanay-nanayan na si ‘Nay Cristy Fermin sa imbitasyon kung saan ang mediacon na ito ay naging get-together na rin ng mga anak sa showbiz ni ‘Nay Cristy at ginanap pa ito sa Mga Obra ni Nanay na malapit sa puso ng bawat isa sa amin.

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | Feb. 28, 2025



Jellie Aw at Jam Ignacio - IG

Photo: Jellie Aw at Jam Ignacio - IG


Sa kabila ng binitawang salita ni Jellie Aw na hindi na matutuloy ang kasal nila ng dating fiancé na si Jam Ignacio na ex-boyfriend ni Karla Estrada, marami pa ring mga netizens ang naniniwala na lumipas lang ang panahon na maghilom ang pisikal at emosyonal na sugat dala ng pisikal na pananakit at lumamig lang ang isyu ay malaki ang tsansa na sa huli ay magkabalikan pa rin ang dalawa. 


Sa ngayon nga ay lumipad na pa-Japan si Jam pagkatapos na personal itong humarap sa tanggapan ng NBI upang kausapin si NBI Director Jaime Santiago at ilang opisyal nu’ng February 21 pagkatapos na hindi nito siputin ang itinakdang araw na dapat ay magtungo siya sa tanggapan noong February 20 kaugnay ng physical abuse case na isinampa sa kanya ni Jellie. 


Sa kanyang social media account naman ay nagbigay ng update si Jellie na kasalukuyang naghihilom na ang kanyang sugat. May pasa pa siya sa mata at basag pa ang ngipin pero may schedule na siya para maayos ito ng kanyang dentista.


Masalimuot at masakit ang itinakbo ng relasyong Jam at Jellie pero marami ang naniniwala na sa lalim ng pagmamahal na nararamdaman ng DJ-social media influencer sa mapapangasawa ay hindi ganoon kabilis at kadali para mamatay ang damdamin nito kay Jam sa kabila ng pisikal na pananakit sa kanya. 


‘Ika nga, abangan na lang ang susunod na kabanata kung may balikan bang magaganap o wala, lalo’t may sarili nga raw batas ang puso na tanging mga taong nagmamahal lang ang nakakaunawa.



BUKOD sa parehong mahuhusay at de-kalibreng mga aktres, kapansin-pansin din na walang sapawang naganap sa mga eksena nina Dimples Romana at Iza Calzado sa pelikulang The Caretakers (TC) ng Regal Films at Rein Entertainment. 


Parehong giving o mapagbigay bilang mga aktres, wala sa bokabularyo ng dalawa ang manapaw ng mga nakakaeksena, sa kabila ng katotohanang sa husay nila ay kayang-kaya nilang gawin ito.  


Masaya rin dahil ang pelikulang TC ang nagbukas ng pagkakaibigan sa kanilang dalawa. Papuri nga ni Dimples kay Iza ay mabait itong tao onscreen at offscreen man at nakita niya ito lalo na nang maging isa na itong ina. 


Sa presscon proper ay nabanggit nga ng Kapamilya actress na nadagdagan ang mga superstars niyang kaibigan sa katauhan ni Iza. Dalawa kasi sa malalapit na kaibigan ni

Dimples sa industriya ay sina Angel Locsin at Bea Alonzo. 


Kinumusta namin kay Dimples si Angel kung may balak na ba itong bumalik sa show business gaya ng hiling ng mga tagahanga nito, at ayon sa aktres ay wala siya sa posisyon para magsalita tungkol dito at binibiro niya nga sina Neil at Angel na siya na ang tumatayong spokesperson ng mag-asawa dahil hindi nagpapakita sa publiko ang mga ito. Para lang sa Kapamilya actress, anuman ang maging desisyon ng mga kaibigan niya ay lagi niyang susuportahan ang mga ito at kung saka-sakali ngang magbalik sa show business si Angel ay tiyak ang suporta niya sa kaibigan.  


Samantala, isa sa mga pinakamahuhusay na supporting actress natin sa ngayon sina Dimples at Iza at kung mapapanood lang ang TC ay masasabi nating sa kahit na anong roles o genre ng isang proyekto ay lalabas at lalabas talaga ang galing at brilyo ng isang artista. 


Nagsimula nang mag-showing kahapon, February 26, masasabi naming sulit ang ibabayad ng sinumang manonood ng TC dahil bukod sa husay ng mga gumanap at pagkakadirek ng pelikula ay maganda ang mensahe na gustong ipaabot ng The Caretakers na matuto nating mahalin at alagaan ang ating kalikasan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page