top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | September 30, 2021



Patay ang isang delivery rider habang sugatan naman ang kanyang kinakasama sa pamamaril sa Imus City, Cavite Miyerkules ng gabi.


Kinilala ang mga biktima na sina David Garcia, 50 anyos, at Lolita Aquino, 42 anyos.

Ayon kay Imus City chief of police Lt. Col. Gerald Dee, magde-deliver sana si Garcia nang pagbabarilin bandang alas-7:45 ng gabi.


Magkasama sila ng ka-live-in sa labas ng bahay nila sa isang subdivision sa Barangay Malagasang 2B.


Tinamaan si Garcia sa ulo na agad niyang ikinamatay habang inooperahan naman sa ospital si Aquino dahil sa sugat sa dibdib.


Ayon sa pulis, naka-itim na jacket at sombrero ang namaril at may kasamang tagamaneho ng motor.


Nakitang naglakad ang salarin mula sa motorsiklo na pumarada ilang bahay mula sa tinitirhan ng mga biktima.


Wala raw ugnayan sa droga o krimen ang biktima kaya posibleng personal ang dahilan sa pamamari dahil kamakailan lamang ay nakatanggap ito ng banta sa kanyang buhay pero hindi muna inilabas ng pulisya kung saan ito nagmula.


Sa ngayon ay may kinilala na ang pulisya na person of interest sa kaso at nagsasagawa ng follow-up operation dito.

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 17, 2021



Nagpositibo sa COVID-19 si Imus, Cavite Mayor Emmanuel Maliksi, ayon mismo sa kanyang inianunsiyo sa social media noong Lunes.


Aniya sa kanyang Facebook post, "Sa kabila ng ating labis na pag-iingat habang nagseserbisyo sa ating mga kababayan, ikinalulungkot ko pong ibalita na ang inyong lingkod ay positibo sa COVID-19.


“Ganoon pa man, tuloy ang serbisyo para sa ating mga kababayang Imuseño habang tayo ay naka-isolate at kasalukuyang nagpapagaling sa South Imus Specialist Hospital.”


Mensahe rin ni Maliksi sa publiko, “Pagtutulungan at panalangin ng kagalingan at maayos na kalusugan ang tanging hiling natin para sa lahat.”

 
 

ni Lolet Abania | March 20, 2021




Maaari nang magpabakuna ang mga healthcare workers kontra COVID-19 sa pamamagitan ng isang drive-thru site sa Imus, Cavite. Ang vaccination site ay matatagpuan sa isang elevated parking area ng isang mall sa nasabing lugar.


Matatanggap ng mga medical frontliners ang kanilang vaccines na hindi na lalabas pa ng kanilang sasakyan sa buong proseso ng pagbabakuna.





“Mas convenient po like sa amin. Hindi na kailangang bumaba. Tapos ito po, naka-relax lang kami dito,” sabi ni Julie Sañez, isang frontliner.


Ayon kay Imus Mayor Emmanuel Maliksi, matuturukan agad ang isang health worker dahil sa mga drive-thru site. “‘Yun ang beauty ng drive-thru.


Kasi dito sa drive-thru, nasa comfort ka lamang ng sasakyan mo, ‘di ba? Lalapit na mismo ‘yung ating mga medical personnel sa kanila,” ani Maliksi. Gayunman, hindi dapat na mag-drive o siyang driver ng sasakyan ang mga health workers na mababakunahan.


Sakaling magkaroon ng adverse effects matapos maturukan, ang mga pasyente ay agad dadalhin sa pinakamalapit na ospital sa lugar.


Gayundin, kapag ang vaccination program ay umabot na sa target na populasyon, ang mga trike na sakay ang health worker naman ang papayagang pumasok sa mga drive-thru sites.


Sa ngayon, mayroong 344 active cases ng COVID-19 sa nasabing lugar.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page