top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 9, 2020



Nasa ikalawang buwan na ang Blended Learning ng Department of Education, pero hindi pa rin matapus-tapos ang mga problema ng mga titser at mag-aaral. Juskoday!


Isa na riyan ang kakapusan at kawalan ng kuwalipikadong mga guro para sa Indigenous Peoples o IPs na nasa mga liblib na lugar sa ating bansa. Santisima, deka-dekadang problema na ito.


Dapat ding bigyang-pansin ang kawalan ng security of tenure ng mga matatagal nang guro sa IP communities na hindi lisensiyado. Inabutan na nga ng COVID, malabo pa rin ang isyu sa permanency. Napaglipasan na sila ng panahon, kaawa-awa.


Meron namang ipinadadalang mga teachers ang DepEd sa IP communities, pero ang daing ng ating mga katutubo, hindi swak sa kultura nila si titser. Hindi sayad sa lupa, ‘ika nga. Walang gaanong empathy sa diskarte at sensibilidad ng mga kabataang katutubo.

Sa totoo lang, meron namang mga teacher na galing mismo sa kanilang komunidad. Kaso, hindi sila eligible.


Eh, hindi na naipatupad ang isyu ng security of tenure sa Magna Carta for Teachers na nagsasabing ang teacher na may 10 years na sa serbisyo pero walang civil service eligibility ay automatic na mabibigyan ng permanent status. Kasi natabunan ng mga probisyon ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (RA 10533) at ng Philippine Teachers Professionalization Act (RA 9293).


Ayon sa dalawang batas na ‘yan, ang isang guro na hindi pasado sa Licensure Exam for Teachers ay pansamantala lang na maha-hire hanggang sa makakuha sila ng eligibility sa loob ng limang taon. Kaya't sapul ang mga IP teachers na inaamag na sa pagtuturo sa mga katutubo tulad sa mga Aeta sa Tarlac.


IMEEsolusyon d’yan, habang nasa pandemya tayo, isantabi na muna ang requirement na eligibity. Plis lang, DepEd, pagturuin na muna ang mga guro na sampung taon nang nagseserbisyo sa mga IPs at planuhin kung paano sila mare-regular. Handa naman kaming mga mambabatas, lalo na ang inyong lingkod bilang chairperson ng Senate Committee on Cultural Communities, na mag-amyenda sa kinakailangang batas para riyan.


Ikalawa, kahit sandamakmak ang problema ninyo, DepEd, pakiusap lang. Maglagay kayo ng kahit isang tao o grupo na tutututok sa concerns ng mga IPs sa edukasyon lalo na ang kakulangan ng mga guro at mga pangangailangan nila ngayong may online learning. ‘Wag sana nating kalimutan ang ating mga katutubo, sila’y mga Pilipino rin!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 6, 2020



Bukod sa COVID-19 pandemic, sunud-sunod na bagyo ang namemerwisyo sa ating mga magsasaka, kaya tila nawawalan na sila ng pag-asang makarerekober pa hanggang sa susunod na planting season.


Eh, biruin n’yo naman, katatapos lang ng pamiminsala ng mga ibang mga bagyo, dumating ang super-bagyong Rolly at kasunod pa si “Siony”! Santisima!


Lubog na lubog na ang kabuhayan ng mga magbubukid at luging-lugi na to the max ang benta ng basang palay na pitong piso na lang kada kilo. At mind you, ha, mga mag-iitik na lang daw ang bumibili dahil sa sobrang kaitiman na ng palay.


Ang masaklap, may kabagalan ang dating ng mga ayuda. Ipinarating pa sa aming opisina ng ilang farmer-groups na hindi pa raw nasisilip man lang ang aktuwal na pinsala ng mga nagdaang bagyo sa kanilang mga palayan na hindi na maani dahil sa baha.


Nabaon lalo sa utang ang ating mga magsasaka. Loan dito, loan doon, nakakaawa. Tila ba hindi na sila makakaahon sa paulit-ulit na sistemang ito, Kaya’t no wonder kung marami sa kanila, eh, kapit na sa patalim. Nagbabalak nang ibenta ang kanilang mga lupain. ‘Wag naman sana!


Pero no worries, IMEEsolusyon pa naman d’yan. Inihain natin ang Senate Bill No. 883 para palawakin ang crop insurance ng ating farmers. Hindi na nila hihintaying magdeklara ang gobyerno ng state of calamity o i-assess pa ang pinsala sa agrikultura bago sila makakubra sa insurance. Automatic na silang babayaran kahit pa kasagsagan ng bagyo.


At para magkaroon ng mas mataas na kumpiyansa ang mga pribadong insurer na back-upan ang agricultural investments, nais nating gawing reinsurance agency ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na sasakupin ang agricultural insurance na hindi saklaw ng National Reinsurance Corporation of the Philippines (NatRe).


Labs natin ang mga bayani ng bukid, kaya ‘wag kayo mawalan ng pag-asa. Laban lang, keri ‘yan!

 
 

aprub ‘yan!


ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 04, 2020



Sa mata ng Diyos, pantay-pantay tayong lahat na kanyang nilikha at lahat tayo ay may karapatan sa pagmamahal at pagkakaroon ng pamilya.

Pasintabi lang sa iba ang paniniwala, pero pagdating sa mga isyu sa LGBTQ+ community, aprub tayo sa equal rights ng mga beki bilang tao at bahagi ng lipunan. Malapit sila sa ating puso at feel natin kapag naaabuso ang kanilang karapatan.

Walang kinalaman ang gender sa karapatang-pantao at deserve nilang matrato ng tama lalo na’t sinabi ni Pope Francis na ang mga “Homosexual ay may karapatan ding magkaroon ng pamilya at anak sila ng Diyos.”

Masakit sa bangs na bantad ang LGBT sa diskriminasyon at panghahamak. Kahit sabihing tanggap sila ng lipunan, marami pa rin bagay na hindi pa nila lubusang nakakamit kabilang na nga ang right to jointly own property as same-sex partners.

IMEEsolusyon bilang pagsusog na rin sa pahayag ng ating Santo Papa, binuhay natin ang panawagan na bigyan ang same-sex partners ng joint ownership sa kanilang mga property sa pamamagitan ng inihain nating Senate Bill No 417.

Dahil walang batas na magsasa-legal sa same-sex union, inihain natin ang “An Act Instituting a Property Regime for Cohabiting Same-Sex Partners”. Sa panukalang ito, ang same-sex couple na may one year nang nagsasama, ma-e-enjoy ang joint ownership o equal share sa property at income kabilang ang mga donasyon o gifts na nakuha nila habang magkarelasyon. Bongga, ‘di ba!

At para mega-iwas sa mga abusadong ka-relasyon nila, well, hindi natin isinama sa joint ownership ang mga namanang ari-arian ng bawat isa sa kanila habang magkarelasyon. At kapag nag-split sila, nasawi o naging permanently disabled ang isa, dapat equal sila sa hatian ng properties. Right?

Kailangan lang may kasulatan na nagkasundo sila sa joint ownership at properly notarized ito ng abogado.

Bakla man, tomboy o straight, sa usapang rights, lahat tayo dapat pantay-pantay! Agree?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page