top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 16, 2020



Sa gitna ng krisis sa bigas, kailangang maging maparaan para matulungan ang ating mga magsasaka.


Kaawa-awa sila dahil hanggang ngayon, bagsak pa rin ang halaga ng palay na umaabot na lang sa P7-P12 kada kilo. Pinalala pa ng sunud-sunod na bagyong nanalasa sa mga palayan. Dumapa ang mga tanim at halos wala nang mapakinabangan.


Ang alternatibong nakikita ko para matulungan ang ating mga magsasaka ay ang organic farming at pagtatanim ng moringa o malunggay.


Alam n’yo bang may investor sa Japan na kumukuha ng mga pinatuyong dahon ng malunggay?


Pero, since marami pang kailangang requirements, hindi pa agad-agad makapag-export ng malunggay ang ating mga magsasaka.


Nakausap na natin ang DSWD at handa silang bilhin ang mga dahon ng malunggay sa mga magsasaka para patuyuin at gawing powder na siyang sangkap sa mingo meals o instant blended meals para sa mga bata.


Bukod pa riyan, kalauna’y gagawin ring sangkap ang moringa sa bagong bersiyon ng nutribun. Kung natatandaan ng mga oldies d’yan, ginamit itong food supplement noong kapanahunan ng aking ama para maprotektahan ang mga bata kontra malnutrisyon.


Kinausap na natin ang DOST at binanggit nilang kumpleto na sa protina ang moringa. Daig pa nito ang gatas at ilang pagkain na mayaman sa nutrients.


Pasalamat din tayo sa DOST kasi handa raw silang magbigay ng equipment. At, in fairness, ang DTI tutulong naman sa packaging.


Kaugnay niyan, ang IMEEKabuhayan Cebu Chapter ay mamamahagi ng 35,000 na binhi o seeds ng pananim na malunggay sa bayan ng Consolacion, Cebu.


Ang malunggay seeds ay donasyon ng Association of Sto. Nino Homeowners, San Lorenzo Homeowners at Little Tokyo Homeowners sa ilalim ng SUMAKA Federation.

Sinundan din natin ito ng pamamahagi ng malunggay cuttings sa Marikina City at Caloocan City.


Kaya naman, mga nanay, pati na ang mga kabaro nating beki na gustong magkaroon ng pagkakakitaan ngayong panahon ng pandemya at kalamidad — kung medyo hirap sa pagsasaka ng lupa ang ating padre de-pamilya, puwede tayong tumulong sa pagpa-powderize ng mga malunggay at maging sa packaging.


Gora na tayo sa moringa! Sagot na sa malnutrisyon, makatutulong pa sa magsasaka. At may pagkakakitaan pa ang ibang miyembro ng pamilya.

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 13, 2020



Mahigit isang taon na lang, mag-eeleksiyon na naman. Tuwing may halalan, problematic ang ating mga senior citizen, buntis, PWDs, at Indigenous People o IPs.


Maliban sa physical discomfort dala ng mahinang kalusugan, sadyang malalayo ang kanilang tirahan at nahihirapan silang bumiyahe patungo sa mga polling places.


Dagdag pa rito ang pandemya at ang haba ng pilang titiisin nila para lang makaboto.

Kaya’t ‘yung iba nga, dahil sa kanilang kalagayan, pinipili na lang mag-stay home at hindi na bumoto.


Sayang naman. Huwag nating ipagkait sa kanila ang karapatang bumoto dahilan lamang sa hindi sila makapunta sa kanilang presinto.


Hindi natin kayang magbulag-bulagan sa sitwasyon nila, kaya’t IMEEsolusyon nating inilatag at ‘yan nga ay ang Mail-in Voting. Naghain na tayo agad-agad ng Senate Bill 1870 o ang Voting By Mail Act.


Ito ‘yung ihuhulog nila sa koreo ang kanilang boto. Kung tutuusin, hindi na bago ‘yan dahilan sa ito ang sistemang ginagamit ng mga kababayan natin overseas, ang ating mga OFW, kaya bakit hindi natin subukan gamitin ang mail-in voting ng malawakan?


Take note, suportado ‘yan ng Comelec at keri naman daw ng Philippine Postal System sa paghawak nito. ‘Di ba? Hindi dapat maging hadlang ang logistical challenges sa mail-in voting at plis, hindi dapat na maduwag tayo riyan tulad noong ipinanukala ang computerized elections noong 2010.


And one thing more, sa totoo lang. Kung ang electronic voting system ng smartmatic na naintindihan lang ng mga IT-expert ay namamayagpag, napaka-teknikal pa, eh, what more itong super-simple lang na Mail-in Voting. Agree? Keri natin ‘yan!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 11, 2020



Sa panahon ng sakuna at kalamidad, kailangang tulad tayo ni “The Flash” o “Flash Gordon” sa pagkilos at pagtulong sa mga nasasalanta.


Grabe to the max na talaga ang mga dinaranas na pagsubok ng ating bansa. Bukod sa pandemya, sunud-sunod na bagyo ang naghasik ng pinsala sa marami nating mga kababayan. Nand’yan sina “Nika”, “Pepito”, “Quinta”, “Rolly”, “Siony” at “Tonyo”—may “Ulysses” pa. Jusmiyo!


Bukod sa mga farmers sa Central Luzon, super-bagsak na ang kabuhayan ng mga kababayan nating nasa Bicol Region. Tila mala-“Yolanda” ang lakas ng bagyong si “Rolly”. Pinadapa hindi lang ang palayan, kundi maging ang mga kabahayan, bukod pa sa 20 katao ang nasawi at marami ang nasugatan.


Nag-iwan din si Rolly ng maraming sirang imprastruktura kabilang ang ilang simbahan, at tila “Ondoy” din na puro putik ang mga daanan. Hindi natin malaman sino ang uunahing puntahan sa dami ng mga nadale ng bagsik ni “Rolly”! Meron ding mga isolated pang barangay sa Albay. ‘Kaloka!


Hindi pa sila maabutan ng tulong dahil bukod sa baha’t gumuhong bundok, mas nakakatakot ang dumaloy na lahar na may dalang mga bato. Kapos ang pagkain, walang kuryente, walang signal, kapos pati sa tubig — ‘yan ang kinakaharap ng mga Bicolano sa ngayon.


IMEEsolusyon natin at to the rescue tayo, sugod agad ang inyong abang lingkod sa Bicol region, Batangas, at Quezon. Nakisanib-puwersa na tayo sa butihing mayor ng Davao City, si Inday Sara Duterte. Immediate ang needs ng ating mga kababayan na pagkain kaya mega-dala tayo ng mga saku-sakong bigas at kung anu-ano pang puwedeng itulong.


Kitang-kita natin ang tuwa sa mukha ng ating mga kababayan na kahit kakarampot pa lang na tulong ang hatid namin, eh, malaking bagay na sa kanila at nakapagpapagaaan sa kanilang pakiramdam. At least, alam nilang hindi sila pinababayaan ng gobyerno.


Kaya nananawagan din tayo sa ating mga kababayan na magbayanihan! Kahit may pandemya, karampot mang tulong ‘yan, mapa-pagkain o pera, kumot o mga banig at kung anu-ano pa, basta sama-sama tayong umayuda. IMEEsolusyon na para makabangon agad sila mula sa pinsala ng sunud-sunod na mga kalamidad. Kaya ano pa ang hinihintay natin? Tara na!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page