top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 22, 2021



Heto na naman ang mga pulis, tila wala sa hulog magpalabas ng mga restriksiyon kontra sa COVID-19 pandemic!


Nirekomenda ni PNP Chief Debold Sinas ang pagbabawal sa mga mag-jowa na mag-PDA o Public Display of Affection para hindi raw magkahawahan ng COVID-19.


‘Di nga ba’t siya mismo ay positive? Solusyon ba sa pagpigil kumalat ng virus ang pagbabawal sa mga magkarelasyon ang hawak-kamay habang nasa mga pampublikong lugar?


Nakakatawa lang dahil kapag nasa loob naman sila ng kanilang pamamahay, mas matindi pa ang nangyayari! ‘Di ba, true akes?!


Tanong lang natin, ano ba, sir, ang pagkakaiba ng PDAs sa pagsasama ng mga couple sa iisang bubong at pagtatabi sa kama? Saan nanggaling ang suhestiyong ‘yan? Pagsikil ‘yan sa karapatan ng mga mag-jowa!


Tila, masyado namang atrasado ang ganyang safety protocol, at walang pinagkaiba sa dating utos ng International Automotive Task Force (IATF) na pagbabawal na magka-angkas ang mag-asawa gayung magkasama naman sa iisang bahay ang mga ito! Malaking kalokohan talaga!


Sa harap niyan, IMEEsolusyon natin para makaiwas ng todo sa COVID, eh, masiguro lang na nagsusuot nang maayos ng face masks at face shields, naghuhugas ng mga kamay at sumusunod sa physical distancing. ‘Wag nating gawing kakatwa ang sitwasyon para lang makaiwas sa COVID, okay? Mabuti na lang tapos na ang balentayns! Charot lang!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 19, 2021



Isang taon na mula nang magdeklara ng lockdown ang Pangulo dulot ng pandemya. Isa itong anibersaryong walang hatid na saya, sa halip ay katanungan: Saan na tayo nakarating sa laban kontra COVID-19?


Ang Inter-Agency Task Force na siyang naatasang gumawa ng mga polisiya para masugpo ang pandemya ay mukhang nauubusan na ng mga ideya. Ngayong tumataas muli ang mga kaso ng COVID — at ang mga numero ay sadyang nakaaalarma — ano kaya ang kanilang mga bagong rekomendasyon?


Ang sabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na siyang chairman ng IATF, kailangan daw paigtingin ng mga opisyal ng mga barangay ang pagbabantay sa kanilang mga nasasakupan at siguraduhing lahat ay sumusunod sa mga health protocols at iba pang kautusan.


Mukhang iniaatang na lang lahat sa mga LGU ang solusyon sa problema tungkol sa pandemya?

Ang katwiran ng IATF sa paglobo ng new cases ay ang pagbubukas ng ekonomiya at pagluluwag ng mga protocols sa mga negosyo. Bukod pa ang pagkakaroon umano ng mga bagong variants ng virus mula sa UK, Africa at kung saan-saan pa. Mabilis kumalat at makahawa.


Baon na baon na sa kahirapan ang buong bansa. Nagkakaubusan na ng pondo sa national government, as in sagad na, pero marami pa ring hindi naaabutan ng tulong sa mga lokal na pamahalaan at mga lalawigan.


Eh, kasi naman, dapat noong umpisa pa lang, itinodo na ang ayuda. Hindi ‘yung tinipid muna at ngayong super dami nang nagugutom saka lang naghahabol.


Bukod d’yan, sana sa mga lugar lang kung saan may mga tinamaan ng COVID nagpatupad ng mahigpit na lockdown. Kahit ang mga lugar na COVID-free ay naipasailalim sa quarantine kaya’t lahat ay naghirap. Ngayon lang sila nagpapatupad ng tinatawag na bubble lockdown.


Pati pag-aaral ng mga bata, trial and error ang mga patakaran ng IATF. Kaya ‘yan, meron nga bang sapat na natutunan ang mga bata sa online classes?


Oo nga at ngayon lang natin naranasan ang pandemya sa recent history ng ating bansa kaya walang basehan ang IATF sa kanilang mga polisiya kundi ang Spanish flu pandemic noong 1908. Pero ‘pag minsan, common sense din lang ang kailangan. Sino ba ang nagpanukala ng barrier sa pagitan ng rider at angkas ng motorsiklo? ‘Di ba, IATF?


Sa harap ng maraming kapalpakan, ‘wag nating sukuan. May IMEEsolusyon naman d’yan, partikular na ang suhestiyon natin kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-overhaul ang IATF. Bukod sa malamang ay mentally and physically over fatigued na ang karamihan sa mga miyembro, kailangan na rin ng bagong ideas at perspectives mula sa ibang mga kaisipan. Kahit nga ang mga cellphone ay kailangang i-refresh sapagkat pumapalya rin.


At sana, dahil umiiral pa ang Women’s Month, mabalikan ang suhestiyon nating maglagay ng ‘Nanay’ sa IATF. Iba ang pananaw ng kababaihan sa mga bagay-bagay, at ang naging karanasan nila sa pagpapatakbo ng pamamahay sa kabila ng maraming restrictions at limitations, I’m sure ay makapagbibigay ng bagong bihis at sigla sa nananamlay nang IATF.

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 17, 2021



Kung pwedeng gawin ng maaga, ‘wag nang ipagpabukas pa. Time is gold! ‘Yan dapat ang mangyari sa Eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao o BARMM.


Ang pagpapaliban ng BARMM elections sa 2025 na dapat gawin sa 2022 kasabay ng National Elections ay pagkakait din natin sa mga kapatid nating Muslim na mapaunlad ang rehiyon, maagapan ang gulo doon at kawalan ng hustisya.


Aba, eh, kailan pa marerespondehan ang sitwasyon ng ating mga kababayang Muslim na nasasadlak rin sa kahirapan dulot ng pandemya?


‘Kalokah!


Hindi lang tayong taga-Luzon o Metro Manila ang baon sa gutom, mas lalo sila bukod pa sa ang gulo-gulo ng sitwasyon nila roon.


Maisasaayos lang ‘yun kapag may lehitimong politika na ang mag-aasikaso nito at magagawa lang ‘yan matapos ang eleksiyon, ‘di ba?!


Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo! Kailangang-kailangan ng mga taga-BARRM ang tulong, at magiging organisado lang ang pagtugon nila sa pandemya at gulo roon kapag mayroon nang lehitimong mga lider-politikal.


IMEEsolusyon natin, sa halip na ipursige ang pagpapaliban niyan, dapat talagang mai-push na isabay sa 2022 ang eleksiyon ng BARMM. ‘Wag naman sana itong matulad sa ilang taon nang nakatenggang pangakong pabahay sa mga biktima ng Marawi siege.


Panawagan tayo sa ating mga kapwa mambabatas, ‘wag natin silang iwanan sa ere, isama na natin sila sa 2022 elections, nakakapangamba ang magiging kalagayan nila sa panahon ng pandemya lalo na kapag nagpalit na ng administrasyon, baka lalo silang makalimutan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page