top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 28, 2021


Apat na buwan na lang, maghahain na ng kani-kanyang kandidatura para sa 2022 presidential elections ang mga nag-aambisyong makaupo sa puwesto


Pero, hindi pa man sumasapit ang eleksiyon, merong ‘something fishy’ sa Namfrel at Comelec. Kamakailan, na-curious tayo sa isang artikulo. Kinalkal nito ang tila umano’y pagsuporta ng NAMFREL at COMELEC sa 1SAMBAYAN.


FYI, layunin ng 1SAMBAYAN na pag-isahin ang lahat ng mga oposisyon para sa 2022 elections laban sa kung sinuman ang ie-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Reminder lang ha, ang NAMFREL ay pribadong grupo na hindi dapat kumikiling sa anumang partido-politikal. Sila mismo ang nagbansag sa kanilang sarili na “non-partisan” na taga-bantay sa bilang ng ating mga boto. Ang COMELEC naman ay ahensiya ng gobyerno na naatasang magpatupad ng mga batas pang-halalan at magsagawa ng malinis, maayos, tahimik, malaya at patas na eleksiyon.


Gayunman, bakit may ibinuko si Rabadon sa kanyang artikulo na napag-alaman nilang ang 1Sambayan, NAMFREL at COMELEC ay kone-konektado ang galawan sa internet. Naku ha?!

Ang tanong, mapagkakatiwalaan pa ba natin ang NAMFREL sa objective nito sa darating na eleksiyon kung sumusuporta ito sa 1Sambayan o nagiging partisan na ito? Hello!


At hindi lang ‘yan, nadiskubre rin na may koneksiyon rin ang nasabing mga grupo sa Vote For Us na isang NGO, na nag-iimbitang bumoto ang lahat ng Pinoy sa eleksiyon.


Nabuko rin ni Rabadon na ang Facebook page ng Comelec Baguio, Comelec Marinduque, Comelec Aurora province at NAMFREL ay nagsi-share ng post sa website ng Vote For Us na konektado naman sa 1Sambayan? OMG! Ano ‘to?


Indirect bang suportado ng COMELEC ang 1Sambayan sa pamamagitan ng pagsuporta sa FB page na pag-aari ng NAMFREL? Hala kayo! Paki-esplika nga ‘to?


Well, IMEEsolusyon sa ganitong misteryo, eh, hingan natin ng paliwanag at paharapin sa Senado silang lahat! At bilang chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, obligasyon ng inyong lingkod na malaman ang totoo, para mawala ang duda ng sambayanan sa 2022 elections.


Habang may time pa, kailangan maklaro ng COMELEC at NAMFREL ang isyu. Mahirap na mapagdudahan ang kanilang kredibilidad. Scary ‘yan at baka mauwi sa gulo, kapag hindi agad ito naipaliwanag sa taumbayan. Agree?


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 28, 2021


Wala nang anim na buwan ang natitira, maghahain na ng kandidatura sa Oktubre ang mga tatakbo sa May 2022 elections. Pero, gaano na ba kahanda ang pamahalaan partikular ang Commission on Elections, lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya?


Dapat nating masiguro ang safety sa COVID-19 ng milyun-milyong botante kabilang ang nasa 9.8 milyong senior citizens, 9.2 milyong indigenous people (IPs), 2.2 milyong buntis at 1.7 milyong may kapansanan o persons with disability (PWDs) na dapat bigyan ng alternatibong “arrangement” ng pagboto.


Hindi biro at hindi dapat maliitin ang sitwasyong nasa pandemya tayo at ang pangamba nilang mahawaan ng sakit habang bumoboto. Hindi pa kasama riyan ‘yung mga guro, poll watchers, pulis at sundalo, maging taga-media na full time ang pagtutok sa kanilang trabaho sa araw ng eleksiyon.


Napakahalagang ngayon pa lang ikinakasa na kung paano sila boboto, lalo na’t may pandemya at hindi malayo ang posibilidad na maging super spreader ng virus ang mga lugar ng botohan. Kailangan talagang may mga grupong makaboboto ng mas maaga at maisaayos agad ang sistema para dito.


IMEEsolusyon natin d’yan ay ang Senate Bill 1104 o Early Voting bill na itinutulak natin noon pang 2019. Ngayong may pandemya, dapat natin palawakin ang listahan ng mga delikadong grupo ay isama ang mga tagapaglingkod sa araw ng eleksiyon. Dalawa hanggang 30 calendar days bago ang itinakdang petsa ng eleksiyon ang inirerekomenda natin para sila makaboto ng maaga.


IMEEsolusyon din para sa Comelec, eh, kailangang maiayos na mas madaling mapuntahan ang mga polling precincts para sa mga lolo’t lola, buntis at PWDs. Gayundin ang mga masasakyan ng mga IPs na nakatira sa mga malalayong bundok. Gamitin bilang voting venues ang outdoor facilities tulad ng mga stadium, auditorium, multi-purpose halls at mga parking lot sa mga mall.


Para umusad naman ‘yan, kailangang badyetan ang nasabing safety measures at mga taong kikilos para rito, lalo na’t inaasahan nating magdodoble ang work shift ng mga guro sa eleksiyon.


Dagdag pa rin sa IMEEsolusyon ng Comelec ang mail-in voting na dapat masimulan na kahit sa iilang lugar muna, lalo na’t inihayag naman ng Philippine Postal Corporation na kakatapos lang ng pag-upgrade sa kanilang computer system.


Mabilis ang oras at araw, ‘wag na nating pairalin ‘yung ugali na kung kailan malapit na saka lang doon kikilos. Buhay ang nakataya sa mga handang bumoto sa eleksiyon, ha! ‘Wag natin silang pahirapan, lalo na ang mga matatanda, buntis, PWDs at mga frontliners sa eleksiyon!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 17, 2021



Dahil may pandemya, ‘new normal’ na tayo at nag-iiba na rin ang paraan ng pagnenegosyo. Marami ay online na, at ang mga sektor na agriculture-agrarian reform o agri-agra na tinatawag ay nahuhuli na. Ang iba nga, wala pa talagang nalalaman sa mga online-online na ‘yan.

At dahil nga may pandemya, hirap talaga ang ating mga magsasaka, mangingisda at benepisaryo ng agrarian reform na binigyan ng gobyerno ng lupa. Kahit may mga inani man sila, hirap na makarating sa dapat nitong destinasyon, dahil nga sa mga lockdown.


Hindi naman maitatangging maraming inaning gulay ang nasayang noong kasagsagan ng super-higpit na mga lockdown, eh, hindi naman natin ma-push sa ating mga magsasaka na gumamit ng teknolohiya tulad ng computers at wifi na bukod sa wala pa silang alam duon, wala rin silang badyet o pondo.


Wala rin naman kasi silang napapala sa mga pautang ng ating gobyerno at mga bangko na sagad to the max ang rekisitos o requirements para maka-loan sana sila para dito. Eh, mas pinipili pa kasi ng mga bangko na magbayad ng penalty kaysa dagdagan ang pautang sa mga nanghihiram na mga taga agri-agra.


May penalty kasi sa mga bangkong ayaw sumunod sa lebel ng pagpapautang na nakasaad sa batas, na dapat 25% ng lahat ng pondo nila para sa mga loans o pautang ang mapupunta sa mga taga agri-agra.


Kung hindi natatakot ang mga bangko, pwes, IMEEsolusyon natin d’yan ay itaas ang penalty mula 0.5% hanggang 2%. Ibig sabihin, sa bawat milyong piso na kinulang ang bangko sa pagpapautang, ang penalty na dating P5,000 ay magiging P20,000 na. Nobenta porsiyento ng kinokolektang penalty ay napupunta rin sa agri-agra.


Ang mga pautang sa nagbabagong panahon o “new normal” loans ay para ma-push ang sinasabing “digitization” sa ating mga magsasaka, tulad ng e-marketing at e-commerce o pag-promote at pagbenta ng kanilang mga produkto sa online. Hindi lang ‘yan ang uso sa ngayon, ‘yan na ang mananaig na paraan ng pagnenegosyo kapag nalampasan na natin ang pandemya.


Dapat din isulong ng mga bangko ang “green financing” o pagpapautang para makagamit ng teknolohiya at makagawa ng mga produkto na parehong environment-friendly o hindi makasisira sa ating kalikasan.


Pati vaccination program na maaaring kakailanganin ng mga kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda sa darating na panahon ay dapat hindi pinagkakaitan ng pautang ng mga bangko. Take note, may katapusan ang pandemyang ito, pero ang pag-asang muling makaahon o makarekober ay mangangailangan ng sapat na pondo, Agree?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page