top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 29, 2021



Halos matatapos na ang taon, hindi pa rin matapus-tapos ang mga lockdown para kontrolin ang COVID-19 pandemic sa bansa. Bakit ba palaging ito ang takbuhan natin na solusyon sa pagkalat ng virus?


Bagama’t may magagandang bunga naman ang mga lockdown para makontrol ang virus, pagod na ang mga tao sa sistemang lockdown. Malaking abala sa buhay natin, trabaho at ekonomiya ang mga lockdown na ‘yan! Dapat tayong masanay mamuhay kasama ang virus!


At kahit ‘ika nga bumababa na ang kaso ng impeksiyon, lalo na’t dumarami na ang nababakunahan, patuloy pa rin ang lockdown. ‘Santisima! Aba, eh, nakakaumay na. Take note, tayo ang isa sa mga bansang may pinaka-mahabang lockdown kontra sa COVID-19. Sa ganang atin, over na ito, OA na!


Tanong lang natin, paano na lang tayo lalo na ang mahihirap nating kababayan? Mind you, ‘ika nga ng mga Bisaya, “Hurot na ang bulsa o wala nang mahuhugot si Juan para may maipakain sa kanyang pamilya kasi nga naiipit ng mga lockdown, ‘di makatrabaho!”


Saka pati ekonomiya natin, pabulusok na talaga. Reminder, bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, need na nating ibangon ang ating ekonomiya. Marami na ang dumarating na bakuna at dumarami pa ang mga bakunado!


It’s about time na baguhin na natin ang sistemang ‘to ng lockdown sa pagkontrol sa COVID-19. ‘Ika nga ni Aling Nena, kailangan na nating kumayod, kumita para makabawi ng kaunti at makaahon sa tindi ng krisis na dulot ng pandemya!


IMEEsolusyon dito, stop na ang mga lockdown! Baguhin na natin ang estratehiya, paano? Sa halip na lockdown, ang COVID-19 testing capacity ng ating bansa ang paigtingin at siguradong maaga nating matutukoy ang mga may kaso ng impeksiyon at maagap silang maihihiwalay.


Pero para umusad ang pinaigting na testing capacity ng bansa, seryosohin nating mapondohan ito sa badyet para sa susunod na taon, ‘di ba? Ang mga lockdown, nakokontrol lang ang COVID-19, pero hindi naman ganap na nasusugpo. Puspusang testing ang kailangan para mapigilang kumalat ang virus.


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 27, 2021



Hindi pa man tuluyang bumababa ang Alert Level 3 at nasa kasagsagan pa tayo ng pandemya, dagdag-pahirap na naman ang pagtaas ng presyo ng gasolina sa ating mga kababayang tsuper!


Hindi pa nga sila nakakabawi man lang sa kita, heto na naman ang oil price hike! Pang-walo na 'yan, ha? Remember, hindi sila pumasada sa sunud-sunod na mga lockdown hanggang marami nang nahilang jeep ang mga bangko at dumanas ng matinding hirap sa loob ng 20 buwan dahil sa pandemya.


Juicekolord, eh, wala na nga silang kita, may taas-presyo ng gasolina, kay dami pang dagdag-gastos, tulad sa plastic barrier, PCR test, alcohol, face shield, at iba pa.


Awang-awa tayo sa mga jeepney driver! Eh, 'di ba, iilan lang ang pinayagang jeep na makabiyahe at nauna pa ang mga colorum na mga bus at PUVs sa dating ruta ng mga tradisyunal na jeep? Saka matatandaan nyo ba na kasagsagan ng estriktong mga lockdown, eh, namalimos na rin sila? 'Kalokah!


At mas matindi pa, eh, linggu-linggo na nga ang oil price hike, wala man lang pampalubag-loob sa mga jeepney driver, at bawal pa ring lumabis sa 50% passenger capacity kahit bumaba na tayo sa Alert Level 3! Santisima, ano bang sistema 'yan DoTr at LTFRB! Hello! Maawa naman kayo sa kanila!


Mabuti na lang, nag-anunsiyo ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) na magpapalabas ng P1-bilyong cash grants para sa mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs) mula sa bahagi ng 2021 national budget sa ilalim ng Support for Infrastructure Projects and Social Programs.


At ipamamahagi ang cash grants sa 178,000 tsuper ng PUVs gamit ang sistema ng Pantawid Pasada sa ilalim ng LTFRB. Salamat naman sa Diyos! Pero para hindi ito maudlot at matulad sa mga reklamo sa mga ayuda ng mga na-lockdown, IMEEsolusyon dito na gagawin nating bantay-sarado ang pamimigay nito.


Aabangan natin at ipu-push na mabilis nang mai-release ang nasabing cash grants ng mga tsuper ng jeepney sa nalalabing buwan ng taong ito. Kailangang ma-monitor talaga ito kasi baka mamaya usad-pagong ang pamamahagi o baka patulugin din ang pondo, eh, wala nang makain ang mga tatay at kuyang jeepney driver at mga pamilya nila! Plis 'wag naman nating hayaang mangyari na grasya na maging bato pa!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 25, 2021



Mga magsasaka ang isa sa pangunahing napakaimportanteng sektor ng ating bansa. Dugo’t pawis ang kanilang puhunan para masuportahan ang seguridad sa pagkain ng mga Pinoy.


At ngayon ngang ika-49 nang taon o halos kalahating siglo mula nang ilunsad ang Presidential Decree 27 para sa land reform o reporma sa lupa sa buong bansa, nakakadismayang hindi nabibigyan ng pansin ang mga anak ng mga magbubukid. Bakit kamo?


Aba, eh, imbes na matuwa, mas maraming farmers ang dismayado dahil sa kakarampot lang o nasa 33 lang ang inaprubahang scholarship ng Department of Agrarian Reform o DAR gayung libu-libong anak nilang benepisaryo nito ang nag-apply! Santisima, eh, 'no wonder' na pakonti nang pakonti ang mga batang magsasaka. ‘Di ba?!


Kung tutuusin, ang mga anak ng mga magsasaka ang susunod sa kanilang yapak o magpapatuloy ng mga nasimulan ng kanilang mga magulang at makapagbibigay pa ng mas advanced na kaalaman sa pagsasaka kung mas marami sana ang nagawaran ng scholarship. Pero iilan nga lang ang nabigyan.


Saka kapag nawalan ng interes at hindi nakapag-aral ng agrikultura ang kanilang mga anak, tatanda na ang mga magulang nila, magkaka-krisis sa mga bilang ng mga farmers at hindi rin malayong magka-krisis tayo sa pagkain sa hinaharap!


Takang-taka naman tayo na nasa P2.37 milyon lang ang ginastos sa scholarship grant, samantalang pinatulog lang ng DAR ang nasa P800 milyon nitong pondo sa kontrobersiyal na PS-DBM o Procurement Service-Department of Budget and Management.


Bakit naman ganyan ang DAR, nagdamot kayo sa libo-libong nag-apply na mga anak ng mga magsasaka lalo na't ang mahal ng matrikula ngayong may pandemya?! Wala ba kayong nakikitang magandang kahihinatnan ng scholarship grant?


At mas oks pa sa inyo na ilipat at itengga ang pondo sa PS-DBM, para lang palabasin na may nilaanan kayong proyekto? Ano bang meron d’yan? Reminder, nai-flag na ang mga pondong ‘yan ng COA ha! Ano ba!


But anyways, IMEEsolusyon ng DAR, eh, bumawi sa ating mga magsasaka sa pamamagitan ng paglalaan ng mas malaking pondo para sa scholarship grant sa inyong budget sa 2022.


Saka, plis silipin n’yo rin ang mga lupaing pansakahan na puwede pang ipamahagi sa mga magsasaka. Kung problemado kayo sa Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas, puwede namang asikasuhin muna ninyo ang ibang rehiyon para naman tumaas ang accomplishment record ninyo. Remember, ‘Pinas ang may pinakamahabang land reform program sa buong mundo! Juicekoday!


Pahalagahan natin ang mga magsasaka at itodo na ang scholarship grants sa kanilang mga anak. Hay naku, 100% na garantiya na masusuklian tayo ng mas masaganang ani.


Agree?




 
 
RECOMMENDED
bottom of page