top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 02, 2022



Wow, Pebrero na! Nangangamoy pag-ibig na tayo, ngayon ang buwan na pinakahihintay ng mga lovers. Paano natin ipagdiriwang ang Valentine’s Day?


Nasa Alert Level 2 na ang National Capital Region at meron pa rin namang natitirang mga naka-granular lockdown at sa mga karatig lugar at ilang lalawigan naman ay meron pa ring nasa Alert level 3, meaning, meron pa ring restriksiyon, lalo na sa mga hindi pa bakunado. ‘Ika nga, limitado pa rin ang ating galaw.


Eh, paano na lang ngayon ang pagde-date ng mga hindi bakunado at bakunado?! Ay, dieta ang mga hindi bakunado, at least makalalabas kahit paano ang mga bakunado. Kawawa naman, limitado pa rin ang galaw ng mga unvax!


Ooops! Reminder sa mga mag-boyfriend na ang isa ay bakunado at hindi bakunado, ha? ‘Wag na ‘wag kayong pupuslit para mag-date nakupo, hindi ganun kasigurado ang bawat isa na walang “tama” ni COVID, ‘di ba?! Eh, kasi nga bagama’t mild lang, mabagsik pa ring maituturing ang Omicron variant.


Remember, ‘yung mga unvax ay may posibilidad na kapag severe ang tama, lalo na ‘yung may comorbidity, malalagay sa peligro ang buhay, habang kahit bakunado na ang iba, eh, meron pa ring tinatamaan ng Omicron pero ‘yun nga lang, hindi seryoso ang tama dahil protektado na sila.


Sa mga mister naman na sure na bakunado dahil obligado, aba, eh, sad to say, hindi rin kayo puwedeng mag-date o lumabas sa Valentine’s kapag ang misis ninyo ay hindi bakunado.


Mahigpit pa rin kasi sa mall at nanghihingi sila ng vaccine card at kahit saang pasyalan.


Numero unong IMEEsolusyon ay magpabakuna na ang mga hindi pa, para makasama ninyo ang inyong mga nililigawan, ka-boyprenan at mister sa pagde-date ngayong Valentine’s! Reminder, maliit ang mundo ngayon ng mga hindi pa bakunado, walang mapasyalan o mapuntahan maliban na lang kung essential ito, ‘di ba!


Pero IMEEsolusyon din naman kung talagang hindi ubra ang bakuna sa mga kapareha ninyong mayroong comorbidity, puwede namang ‘yung mga mag-asawa, eh, gawin na ang date sa inyong pamamahay, gawin ninyong romatiko ang dinner, ‘di ba? Ipaghanda na lang ng special meals ang mga misis o mister.


Sa mga mag-boyfriend naman o nililigawang hindi pa bakunado, eh, i-enjoy ang virtual date!


Puwede rin namang pumunta kayo sa harapan ng bahay ng inyong GF o BF at iwanan ang regalo, mas maganda nga kung pang-ulam o makakain ang ibigay ninyo, ‘di ba? Mas praktikal, ‘di ba, krisis ngayon!


Ngayong may pandemya, para-paraan lang ang pagpapakita ng pagmamahal, hindi porke hindi nakapag-date ay mababawasan na ang ating love sa kapareha. Kaunting tiis-tiis pa’t mairaraos natin ‘yan! Pero, pinakamaganda sa lahat para makasama ang inyong nililigawan, BF o GF o mga asawa sa date, magpabakuna na! Gora na!


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 31, 2022



Nakakaburido na na-isnab ang ating pakiusap sa Department of Trade and Industry (DTI) na ‘price freeze’ muna sa mga presyo ng pandesal at Pinoy Tasty at sa halip, eh, inaprub pa ang price hike ng ilang basic goods, juskoday!


Katwiran ng DTI, ‘domino effect’ ‘yan ng pagtaas ng presyo ng gasolina. Hanggang 6% daw ang pinayagan ng DTI na dagdag-presyo sa mga produktong Pinoy tasty, pandesal, sardinas, canned meat, gatas, kape, instant noodles, sabong panligo at panlaba, bottled water, kandila, battery at asin.


Paano na lang ang ating mga kababayan na halos wala na ngang makain, taas-presyo pa ang bubungad? Take note, marami pa rin ang walang trabaho sa ngayon at nalimitahan pa ang mga galaw dahil nga sa nag-Alert Level 3 dulot ng COVID-19. ‘Kalokah!


Bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, IMEEsolusyon sa tumataas na bilihin ngayon, eh, mag-mala-Ilocano sa pagtitipid at magbalik-sigla ulit tayo sa backyard planting (plantito at plantita) ng mga gulay-gulay para may mapagkunan ng mauulam at makatitipid na sa gastos, masustansiya pa!


Pabidahin natin ang IMEElunggay, tanim din tayo ng kamatis, sibuyas, okra, sitaw, bawang, talong at iba pa, keri ‘yan! At kung wala naman tayong lupang pagtatamnan, kahit ‘yung mga nasa condo, IMEEsolusyon, ilagay natin sa mga paso o ‘yung improvised na paso tulad ng plastik na pinaglagyan ng softdrinks o detergent products, ‘di ba?!


Sa mala-Ilocanong pagtitipid naman, lalo na ng mga nanay, kung dati-rati ang sabon nating ginagamit isang buo agad, eh, suhestiyon natin na hati-hatiin ninyo ‘yan na pa-cubes para hindi lahat nalulusaw, saka ang mga gagamiting sabon ay ipatong sa foam para hindi agad matunaw, ‘di bah!


Kung magluluto naman, kung puwedeng lutuin minsanan ang ulam na aabot hanggang pang-dinner, gawin na para makatipid sa gasul, ‘di bah! Saka sa kape naman kung walang pambili, aba, ibusa-busa ang bigas hanggang sa umitim at presto! Meron na kayong kape na ligtas pa sa caffeine, ‘di bah!


‘Yung mga pa-bottled-bottled water pa, kaysa bumili, naku pakuluan n’yo na lang muna ang inyong tubig, sure na sure pang ligtas kayo sa virus niyan, agree? Kung makatitipid sa paggamit ng uling, why not! Tipirin ang badyet, bilhin lang ‘yung talagang mga kailangan, saka na ang mga ekstra-ekstrang sitsirya na hindi naman masustansiya.


Panawagan naman natin sa DTI, siguraduhin ang maagap na pagpapalabas ng Suggested Retail Price oras na ipatupad na ang price hike sa basic goods. Ikalawa, aktuwal at puspusan ang gagawing pag-iinspeksiyon sa mga magho-hoard ng produkto at magpapataw ng sobrang singil!


Sa gitna ng mga napipintong price hike, tularan kaming mga Ilocano, panahon ngayon para magkuripot sa paggastos, makararaos din ang lahat. ‘Ika nga, “Habang maiksi pa ang kumot, magtiis na mamaluktot”! Keri ‘yan!


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 28, 2022



Paboritong almusal nating mga Pinoy ang pandesal. At ngayon ngang may pandemya, nakaambang maging mala-pandemic o “Pandesal na Anemic” na ang ating makakain. ‘Kalokah!


Bakit kamo? Aba, eh, kani-kanyang diskarte na ngayon ang mga nahihirapang panadero kung paano sila makatitipid sa gastos dahil pataas nang pataas ang presyo ng mga sangkap ng mga tinapay o pandesal, tulad ng harina. Kaya naman, hindi malayong bawasan na nila ang sangkap nito para makatipid. Hay, buhay!


Bukod sa pagtitipid sa sangkap nito, diskarte rin nilang humirit na ng tatlong pisong dagdag-presyo sa mga tinapay dahil hindi na nagbago ang presyo mula pa noong 2016.


Maliban sa mga sangkap, pataas din nang pataas ang halaga ng LPG at iba pang gastos sa pagpapatakbo ng negosyo.


Kaya sure ‘yan, papalag ang mga konsiyumer sa dagdag-presyo at lalo silang aaray dahil hindi malayong maging mala-pandemic o “pandesal na anemic” ang mabibiling pandesal dahil tinipid sa sangkap. Aruy! Huwag naman sanang maging ga-holen na lang ang laki niyan! ‘Kalerkey!


Sa harap niyan, eh, bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, IMEEsolusyon d’yan, eh, puwede nang umeksena ang DTI at magtakda na ng price freeze sa mga sangkap ng mga tinapay, ‘di ba?!


Panandalian ding IMEEsolusyon ang importasyon ng arina, ngunit dapat pang-emergency use lang at G2G o gobyerno-sa-gobyerno ang usapan. At para sa pangmatalagang IMEEsolusyon, dagdagan na ng nutrisyon ang mga tinapay, tulad ng ginamit sa Nutribun noong dekada ‘70.


Remember, guys, ‘yung Nutribun noong araw. Puwedeng dagdagan ang sangkap niyan, tulad ng kamote, cassava, monggo, kalabasa, patatas at bigas at mas puwede ‘yan pagyamain pa sa protina kapag ginamitan ng mani at malunggay! Oh, ‘di bah?


Kaya, kailangan bago pa man makapagtaas-presyo ang mga tinapay, paspasan na ang pagkilos, price freeze na agad sa mga sangkap para maluwagan ng kaunti ang ating mga panadero at mga konsiyumer! Sunod na ikasa ang mga naturang IMEEsolusyon!


Naku, ha? Ayoko ng pandesal na ga-holen o pandesal na anemic! Kayo ba, gusto n’yo?



 
 
RECOMMENDED
bottom of page