top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 09, 2022



Kung walang mga magulang na pumalag at nanindigan, tuluyan nang naibasura ng Department of Health ang ‘parental authority’ sa pagbabakuna sa mga bata. Juskoday!


Akala yata ng DOH, basta na lang susunod ang mga magulang sa memo nila na puwedeng agawin ng gobyerno ang pagpasya kung babakunahan o hindi ang kanilang mga anak. Duh!


Kaya ‘yan, kambiyo tuloy ang DOH, binawi agad ang memo! Pero sa kabilang banda, nakabuti ang pag-atras nila sa mapanikil na utos. Take note, ha? Kahit bakunado na tayo, magulang din tayo na nirerespeto ang desisyon ng ibang parents na hindi pumayag bakunahan ang kanilang mga anak at naghihimutok na inaagawan sila ng parental authority, ‘di ba?


Excuse lang sa DOH, hindi maganda ang mga estilong ganyan na hindi muna pinag-isipang mabuti ang pagpapatupad ng mga suntok sa buwan na mga patakaran o panuntunan, lalo na sa COVID-19 vaccination. Sa ganang atin, uulitin na naman natin, hindi pasaway ang mga Pinoy!


Hindi ‘yan makabubuti sa kredibilidad ng ahensiya at hindi lang naman kayo ang mapupulaan sa mga mapanikil na patakaran na nagdudulot din ng mga kalituhan dahil pabagu-bago, laban-bawi, urong-sulong, kundi ang lahat halos ng nasa gobyerno! Juicekolord!


Para maiwasan ‘yan, IMEEsolusyon na bago magpatupad ng mga patakaran, timbanging mabuti kung may malalabag na karapatan. Ikalawa, aba, napakadali namang konsultahin ang mga magulang. Bakit ba hindi ‘yan magawa-gawa?


Bago magbaba ng mga patakaran, makipagkonsultahan sa mga apektadong sektor.


‘Wag basta ipatutupad agad na para namang ginagawa ninyong robot ang mga tao na bow na lang nang bow dapat. Hindi ganyan, ha?


Kahit kailan ang estilong pamumuwersa ay mas lilikha lang ng galit at pagsuway! Kailangan parating gamitan ng diplomasya at ipakita ang kongkretong benepisyo ng mga ipatutupad na patakaran. Okay?


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 07, 2022



Tila sumusobra na ang Department of Health sa pakikialam sa bawat pamilya pagdating sa usaping pangkalusugan.


Bakit kanyo? Aba, nagpalabas ba naman ang DOH ng memorandum na kahit walang permiso ng mga magulang, puwedeng umakto ang estado, partikular ang ilang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sila na mismo ang pipirma sa vaccination consent form kapag ginusto ng bata na magpabakuna! Grrrr! Grabe ‘yan, ha?


Take note DOH, bakunado ang inyong lingkod. Pero bilang isa ring magulang, feel natin ang galit ng ilang parents sa pagbalewala ninyo sa kanilang pagtanggi na mabakunahan ang kanilang anak porke gusto ng mga bata?! Duh!


Hindi puwede ang ganyan! ‘Wag kayong agaw-eksena sa mga magulang pagdating sa kanilang mga anak, ha? Reminder lamang, hindi ninyo puwedeng balewalain o sagasaan na lang ang ‘parental authority’! Ano kayo, hilo?! Wala ba kayong anak?


Hay naku, nakakapikon ang pinakahuli ninyong kapalpakang ‘yan! Malaking kasalanan ‘yan sa bawat pamilyang Pilipino at hindi ‘yan uubra, ha! Marami kayong dapat ipaliwanag!


Pansin lang natin kung bakit tila habang patagal nang patagal, nawawalan na ng galang sa karapatan ng bawat Pinoy, mula nang maminsala ang mabagsik na COVID-19?


IMEEsolusyon sa mga ipinatutupad na patakarang may kinalaman sa pagbabakuna kontra sa COVID-19, kailangan ng matinding diplomasya at maingat, masistemang pamamaraan sa paghikayat para magpabakuna. Lumang tugtugin na ang estilong pamumwersa at labag ito sa karapatan ng bawat Pilipino!


IMEEsolusyon na maglunsad kayo ng kampanya sa telebisyon, radyo, print ads o social media at puwede ninyo itong gamitin sa paghahatid ng balanseng impormasyon sa mga banta at benepisyo ng bakuna sa mga bata, ‘di bah?


Parang ang peg, nanliligaw ang binata sa dalaga lang ‘yan, eh! Hindi kailangang mamilit, kundi kailangang todo-effort para masungkit ang matamis na “oo” ng mga magulang. Eh, ‘di ba nga, kapag ipinipilit, mas darami ang kokontra?! Kailangan lang ng diplomatikong diskarte at dapat magpakatotoo sa impormasyon. Walang bolahan!


Plis naman DOH, ‘wag ninyong aapakan ang parental authority, dahil lalo lang ninyong gagalitin ang mga magulang at pamilyang Pilipino. Agree?


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 04, 2022



Apat na buwan na lang eleksiyon na. Kamakailan, natapos na rin ang mock elections sa ilang piling lugar para masiguro ang kahandaan ng ating bansa sa paparating na halalan.


Pero ‘yun nga lang, dahil praktis pa lang ito, marami tayong nakitang butas o problemang teknikal sa isinagawang mock polls. Kapag hindi naisaayos pihadong malalagay din sa peligro ang kaayusan ng ating eleksiyon sa Mayo, ‘di ba?


Kabilang dito ang aberya sa transmission ng boto dulot ng mahinang internet signal, ang mahabang oras ng pagpila sa presinto, hindi mahanap na pangalan at voting precinct, kung saan natagalan ang mga botante.


Hindi ba ang target ng Comelec ang 10-minuto at 47-segundo na bilis ng pagboto ng bawat botante, eh, ang tanong, keri bang gawin ‘yan kung maraming butas o aberyang lumabas sa mock polls pa lang?


Sa mock polls, kamakailan ay nakulangan tayo sa partisipasyon ng Department of Health.


Napakahalaga niyan para sa kaligtasan ng mga botante ngayong may pandemya.


Sa harap niyan bilang chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, IMEEsolusyon natin ay ipaulit sa Comelec ang mock polls sa mga piling lugar para masubukan kung naitama na ang mga butas sa teknikal na problema.


Ikalawa, kailangan ibigay nang maaga ng Comelec ang voting precinct number ng mga botante na magsisigurong mabilis silang makaboboto, maiiwasan ang mahabang pila at hindi na magkakagulo sa paghahanap nito.


Maigi rin kung mai-online ng Comelec at i-post agad sa bawat mga barangay ang mga voting precinct number ng mga botante, gayundin ang mga guidelines para sa mabilis na pagboto.


Nakapanghihinayang talaga na hindi naipasa ang ating Expanded Early Voting Bill na magiging daan sana para mas maagang makaboto ang mga buntis, senior citizen at PWDs para maiwasan din sana ang mahabang pila.


Nasa gitna pa tayo ng pandemya, kailangang plantsado na lahat at hindi magkaroon ng aberya sa mga teknikal na aspeto at health protocols ang botohan. Kaya sana Comelec, plis lang, paki paspasan na ang mga dapat gawin at gamutin na ang maliliit na butas na ‘yan para sa mabilis, iwas-COVID-19, mapayapa at maayos na eleksiyon. Agree?



 
 
RECOMMENDED
bottom of page