top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 1, 2022


Sa gitna ng tumitinding kahirapan dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng petrolyo dulot ng ‘di matapos-tapos na bakbakan sa pagitan ng Ukraine at Russia, hindi lang mga ordinaryong worker o manggagawa ang naapektuhan ng krisis. Isa sa matindi ring naghihirap ngayon ang ating mga kasambahay.


Kung magkaka-umento man sa sahod ang mga ordinaryong obrero, abah eh dapat namang ‘wag kaligtaan ang ating mga kababayang kasambahay.


Una, bukod sa super-liit na suweldo ng ating mga kasambahay, pahalagahan din natin na katuwang ng mga working nanay at tatay ang ating mga kasambahay. Sila ang tumitingin at nagsisigurong malinis, maayos ang ating pamamahay, maging ang ligtas na kalagayan ng ating mga anak.


Eh kung titingnan natin, ‘di makabubuhay ang kita ng ating mga kasambahay lalo na ‘yung mga nasa probinsiya na sumasahod lang ng mula P2,000 hanggang P2,500 kada buwan kumpara sa Metro Manila at Central Visayas na nasa P5,000.


Gasino na nga lang ba ang P2,000 kada buwan, na kulang na kulang na pambadyet sa pagkain, kuryente, tubig at iba pang gastusin sa bahay, di bah? Paano ‘yan pagkakasyahin sa rami ng bayarin, eh patuloy din ang pagtaas ng presyo ng bilihin dulot ng pagsirit ng presyo ng krudo sa world market?


Eh kung ang mga manggagawa ngang sumasahod ng medyo lampas pa sa minimum wage, hindi na mapagkasya ang sinasahod lalo pa kaya sila sa panahon ngayon? Kaya tama lang na 'wag naman kalimutan na mabigyan din ng gobyerno ng umento ang kanilang mga suweldo di bah?!


IMEEsolusyon na isama na rin sila sa posibleng mabibigyan ng umento sa minimum wage na hirit ng mga manggagawa sa Regional Tripartite and Productivity Boards (RTWPBS). Ihabol natin sa mga rerebyuhing sahod ng mga manggagawa sa papasok na buwan ng Abril, ang suweldo ng mga kasambahay.


Sa ngayon, binigyan ng hanggang katapusan ng Abril ang wage boards para isumite ang kanilang rekomendasyon na taasan ang minimum wage ng mga manggagawa sa iba’t ibang lugar sa bansa.


Kung matatandaan natin noong 2019, nasa P2,309 ang sahod ng mga stay-in na kasambahay sa BARMM, habang nasa P5,815 naman sa mga kasambahay na nasa Kamaynilaan.


Sa ngayon, mahigit sa 1.4 million ang nagtatrabaho bilang mga kasambahay sa ating bansa.


Katuwang natin ang mga kasambahay at malaki ang kontribusyon nila para sa malinis, malusog at magandang tirahan ng bawat pamilyang Pinoy. Kaya bigyan din naman sila ng karapat-dapat na pasahod, di bah?!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 29, 2022


Matapos ang pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 2020, heto na naman ang panibagong nakagugulantang na pagsabog ng bulkan.


Tila nanumbalik ang takot ng ating mga kababayan para sa kanilang buhay at kabuhayan.


Wala naman tayong masasabi sa mga disaster response ng ating national government at mga LGU. Talaga namang to the rescue at inilikas nila agad ang mga residenteng apektado ng pagputok ng Bulkang Taal partikular na 'yung mga nakatira sa Agoncillo, Laurel Batangas.


Napapabuntunghininga na lang tayo na ngayong lumuluwag-luwag na ang restriksyon sa pandemya, pumalit naman ang dagok ng pag-aalburuto ng bulkan.


Harinawa eh, humupa agad ang nagngangalit na Taal volcano.


Sa gitna ng mga pabugso-bugsong mga pag-aalburuto ng bulkan, makabubuting mas paigtingin natin ang pagsasanay sa kahandaan sa sakuna ng ating mga kababayang taga-Batangas, di bah!


Isa sa IMEEsolusyon n'yan, masiguradong maihahanda ng mga Batangueño nating mga kababayan ang ilang pangunahing mga kailangan sa ganitong mga kalamidad o sakuna.

Partikular na ang 'grab bag o survival kit' ng bawat miyembro ng pamilya na naglalaman ng mga ID, mga food pack, kendi, tubig, ilang mga damit, first aid kit, wet wipes, lubid, flashlight, flare, cellphone, mga power bank, mga baterya, ballpen, papel, cash money, compass at mapa, kumot o blanket, face mask tulad ng N95.


Pero para naman sa pangmatagalang plano, regular nating sanayin ang mga lokal na residente doon pagdating sa disaster response at obligahin natin ang bawat pamilya na magtabi ng listahan ng mga contact number ng mga lokal na disaster officials na kanilang tatawagan sa tuwing nag-aalburuto ang bulkan at nangangailangan ng rescue ang mga residente.


Pangmatagalan namang IMEEsolusyon ang ating rekomendasyong maglatag ng klarong planong programang pangkabuhayan para sa mga residenteng nakatira sa paligid ng bulkan para naman umalis na sila sa danger zone at huwag nang bumalik pa doon kapag humupa na ang galit ng Bulkang Taal.


Aminin man natin o hindi, hindi natin basta-basta mapapaalis o mapapalipat ang ating mga kababayang nakatira malapit sa bulkan dahil naroon ang kanilang kabuhayan at tirahan lalo na ang farming at turismo di bah?


Kaya kailangan talagang malatagan sila ng ating gobyerno katuwang ang LGUs at mga pribadong grupo sa Batangas ng nasabing 'livelihood programs' na may maganda-gandang kita.


Hindi natin kayang mahulaaan kung kailan mag-aalburuto ang bulkan, kaya mas maiging anumang oras ay lagi silang handa para masigurado rin natin ang kanilang kaligtasan. Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 23, 2022


Dahil patindi na nang patindi ang hirap ng buhay, nakaabang na naman ang mga buwitreng negosyante sa tabi-tabi. At isa na nga r’yan ang mga pautang online.


Abah, eh napakadali nga lang kasi naman makautang ng ating mga kababayan online, magbigay lang ng ilang personal na detalye at ilang references at kung may maganda namang rekord sa utang o credit history, dale na si kumare at kumpare, nahihikayat nang umutang na agad at presto, nakakubra na ng perang kailangan nila!


Kapit sa patalim ang ating mga kababayan na kahit saan makakakubra ng perang mauutang, kinakagat na nila ang pag-utang online kahit pitong araw lang, singilan time na. At kapag 'di nakabayad sa due date, hayan na ang pamamayagpag ng kanilang pangha-harass sa paniningil!


Ang masaklap pa, halos kalahati raw agad ang kaltas sa kanilang inutang?!! Matindi pa 'yan sa '5-6' ha! Lakas makataga sa singil. Kita to the max na sila, nangha-harass pa!

Eh sumbong nga sa ating tanggapan ng isa, eh binantaan pa daw siya sa buhay at kanyang pamilya sa text messages dahil 'di pa bayad!! Grabe ha!


Hindi dapat pinalalampas ang mga ganyang abusado at buwitreng online lenders ha!

IMEEsolusyon sa ganyang pangha-harass, eh dapat inire-report na 'yan at kinakasuhan!

IMEEsolusyon din na 'wag magtiwala sa mga ganyang shark loans o online lending, kasi malalantad kayo sa scammer at hacker!


Isa pang IMEEsolusyon, na humanap na lang ng mga legit na bangko, lalo na't may pandemya pa.


Sa pagkakaalam ko, may alok silang mga personal loans na maluwag na installment ang pagbabayad.


Pero hangga't maiiwasan, sana 'wag na kayo papayag na mahulog sa kanilang matatamis na dilang patibong para kayo umutang! Di bah! 'Ika nga, basta magbadyet lang nang maayos, makakaraos! Habang maiksi pa ang kumot, magtiis na munang mamaluktot.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page