top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 15, 2022


Nakakagigil sa inis nitong mga nagdaang araw dahil nabuking natin ang patagong planong importasyon ng 300,000 metriko-toneladang asukal na minaniobra ng mga sindikato sa loob mismo ng Department of Agriculture.


Nakakaloka, ha, dahil biruin n'yo pinangunahan ang pagpirma ng Presidente! Grabe! Ang kapal ng mukha ng gumawa niyan, 'di ba? Mabuti na lang naagapan at pinatigil ng aking ading ang importasyon.


Akala yata nila, walang makakabuko sa kanila. Naku, ha, mga brad, nandito ang Super Ate ng Pangulo. Hindi kayo makalulusot sa akin at sa aking pamilya, no! ‘Wag ninyong niloloko ang ading ko!


Tatangkain ninyong maglusot ng mga angkat na asukal, wala kayong awa sa ating mga lokal na sugar farmers! Hindi kayo nakokonsensya niyan, halos patayin na ang kabuhayan ng mga sugar farmers ng pandemya at mga sakuna, dagdag dagok pa yang mga imported na asukal! Ano ba!


Ako talaga, eh, galit d'yan sa importasyon ng kahit anong produktong meron naman tayong mga sapat na supply at pagkukunan sa mga lokal na producer. Bakit pa tayo lalayo? Anong meron?


Baka naman merong 'kapalit' o lagayan blues d'yan, ha?! Hindi nga?! Aminin! Mga friendship, hindi ako ipinanganak kahapon, 'no! Kaya hindi kayo makalulusot sa akin!


Nag-resign na ang isa sa DA. 'Yung mga doble-kara riyan at sindikato sa DA, IMEEsolusyon na pagsisipain na sila riyan! Hindi tayo makakaraos sa kapos na pagkain at hindi makakaahon ang ating mga kababayang magsasaka kung utak "imported" at binubusog ng mga kawatan ang kanilang bulsa. Dapat na kayong kalusin!


Inaasahan natin na lalansagin ng aking ading ang lahat ng mga tiwali at sindikato sa gobyerno na hindi makakatuwang ng ating pamahalaan at hindi makikiisa tungo sa pagbangon sa kahirapan. Agree?!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | August 10, 2022


Lampas dalawang taon na tayong nasa pandemya at paunti-unti na namang sumisipa ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.


Sa katunayan, meron na namang sumulpot na bagong variant ng Omicron. Talaga namang hindi na natigil ang panganganak ng mga virus na 'yan at may sumulpot pang monkeypox virus. Juskoday!


Ito nga 'yung ‘Centaurus’ virus na B.A.2.75 subvariant at sa Region 6 naitala ang dalawang kaso nito.


At sa gitna niyan, napaisip tayo at naungkat ng ating mga kapwa mambabatas kung kumusta naman ang mga ipinagbibiling bakuna ng Department of Health. At sa pagkakaalam nga natin marami pa tayong gamot vs COVID-19 na nakaimbak lang sa DOH.


Aba, eh, noong July 27, nag-expire ang ilang pangbakuna kasama na rin 'yung mga pang-booster. Ano bah! Juicekolord, napakarami pang mga kababayan natin ang hindi pa naiiniksyunan.


Marami pa ring mga taga-probinsya, iba't ibang LGUs ang hindi na nakapagbabakuna ng kani-kanilang nasasakupan. Eh, kamakailan lang ang aking ading na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., nuulit din niya ang paalala sa lahat na paigtingin na ang mga pagtuturok ng booster shot.


Lalo na't ilang tulog na lang magbubukas na ang mga klase o magkakaroon na ng face-to-face classes ang ating mga estudyante. At sa ganang atin, kailangan na nating sanayin ang ating sarili na mabuhay sa new normal. Pero kaakibat niyan kailangan talaga, eh, bakunado na ang lahat.


Pero kung paano magagawa 'yan kung nakaimbak lang dun sa DOH at nakatengga ang mga gamot. Ano ba ang plano sa mga gamot na 'yun na pagkamahal-mahal ng ating pagkakabili, bilyun-bilyong piso o nasa P5 bilyon lang ang nasayang pero hindi natin maubos maisip kung bakit itinetengga lang 'yun doon.


Ang masaklap pa, eh, expired na! May mga bakuna, booster ng Moderna at Pfizer ang expired. Ngayon, plis, naman DOH, 'wag naman ninyong bulukin lang dyan ang mga bakuna at booster. IMEEsolusyon na ipamigay na lang ang mga hindi pa nai-expire na mga gamot puwede ba!


Ibigay na ang mga 'yan sa lahat ng may gusto anumang sektor ang nangangailangan niyan! 'Wag tayong maging kampante. Sabi nga ng World Health Organization, hindi pa tapos ang pandemya dahilan sa libu-libo pa rin ang mga taong may COVID-19 sa ating bansa.


Ituluy-tuloy natin ang pagbabakuna para sa proteksyon ng lahat!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | July 22, 2022


Ilang Linggo na lang ay pasukan na’t muling magbabalik sa face-to-face classes ng mga estudyante. Umani ng iba’t ibang reaksyon ang nasabing porma ng pagbabalik-eskwela.

May mga magulang na atubiling papasukin ang kanilang mga anak dahil sa takot na hindi pa rin talaga ligtas ang mga bata sa COVID-19 oras na naging in-person na ang mga klase. Kabado sila kung paano ang mga paghahanda ng mga eskwelahan o safety measures. Lalo na ‘yung mayroong anak na merong comorbidity na hindi nagpaturok ng COVID-vaccine.


Meron ding ibang magulang na sobrang saya dahil para sa kanila, makagagaan na sa kanila at makababawas sa kanilang iintindihin sa harap ng napakaraming trabahong bahay, nand’yan pa ang anak na tututukan tuwing may online class.


Hirit naman ng ibang magulang na baka puwedeng ituloy pa rin ang merong online at meron pa ring face-to-face classes. Katwiran ng iba, makatitipid sila sa gastos sa baon para sa mga anak at makikita rin nila agad ang ginagawa ng bata.


Sa gitna ng iba’t ibang reaksyon, sa ganang atin, bilang isa ring magulang at may pamangkin, IMEEsolusyon na pabor tayo kay BFF VP Sara Duterte na pagbigyan na ang face-to-face classes, lalo na’t pababa na naman ang mga kaso ng COVID, pero kaakibat nito ang mga siguradong safety measures sa mga eskwelahan.


IMEEsolusyon ang papel na malaki ng school administrator sa masistema at maayos na COVID-safe na eskwelahan. Para mas makasiguro at maging kumpyansa ang mga magulang IMEEsolusyon na masigurong may space talaga ang bawat sa mga upuan nila as much as possible. Dapat istrikto sa distansya.


IMEEsolusyon din na siguruhing ng school administrators, mga guro na istriktong nakasuot ng tama ang mga face mask ng mga bata at siguraduhin na bawat isa ay may bagong alcohol, gayundin ang mga eskwelahan dapat sa entrance pa lang ng silid-aralan meron na niyan.


IMEEsolusyon, ‘wag magpapasok ng mga tagahatid ng sa school vicinity o sa loob mismo ng eskwelahan, siguraduhin na alerto parati ang mga guwardiya natin na hanggang gate lang sila. Pati paki-alerto na rin ang mga guwardiya sa mga batang hindi sumusunod sa mga safety protocols.


IMEEsolusyon din na sa pagbubukas ng klase, tayo, eh, umaasa sa LGUs na paki-suportahan naman ang mga eskwelahang inyong nasasakupan sa kahit anong paraan na inyong kaya. Pakisigurong walang overcrowding o nagdikit-dikit sa bukana ng eskwelahan sa class opening, plis mga barangay tanod d’yan.


IMEEsolusyon din namang paki-provide ng mga medics sa bawat school at baka puwedeng makapag-provide ng pang-swab antigen ang mga LGUs sa mga guro, school administrators na puwedeng gawin tuwing Lunes, ‘yan ay kung kaya lang naman ng badyet.


Kasama na natin ang COVID ngayong new normal at ‘wag tayong matakot, basta protektado tayo at armado ng mga face mask, alcohol at ginagawa na nating routine ang paghuhugas ng tama ng kamay, social distancing at iba pa, ligtas tayo. ‘Ika nga, prevention is better than cure.


Tulong na lang tayo sa class opening sa anumang ating makakaya, mayroon tayong magagawa bilang mga magulang at himukin natin ang mga anak nating maging masunurin sa panuntunan ngayong pasukan. LGUs, plis, malaki ang papel ninyo sa ikatatagumpay nito. Agree?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page