top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 1, 2022


Kapag nurse ang pinag-usapan, saludo ako sa kanilang sektor. Totoong matapang at mga bayani. Eh, 'di ba nga, sila ang pumupunta noong kasagsagan ng pandemya, pagkatapos sila rin ang unang tinuturukan ng mga bagong pasok na mga bakuna kontra sa COVID-19. Hindi bah! Over ang katapangan!


Pero 'yun nga lang, nakakasakit sa damdamin na sa tinatagal-tagal na ng Philippine Nurses Act of 2020, nitong kamakailan lang naipatupad. At bagamat naipatupad na nga, aba, eh, may bungi pa!


Biruin n'yo naman, ang dapat sana na mapakinabangan ng lahat ng nurse na nilalaman ng Nurses Act na 'yan, eh, iilan lang ang nakakatikim ng biyayang taas-suweldo.


Ibig kong sabihin, bigla raw kasing sumulpot ang DBM circular na tanging mga regular lang ang mabibigyan ng salary upgrade 15 o taas-suweldo. Santisima!


Eh, tulad ng inaasahan natin, dismayado ang ating mga heroes na job order o contractual nurses. Kumbaga, pera na ay naging bato pa! Hindi kasi isinasama sa salary upgrade yung mga job orders na nasa DOH, lalo na 'yung mga nasa LGUs. Bakit?


Kaya naman, ang ating mga nurses ay na-echapwera sa suweldo na kanila sanang aasahan na pang-compensate sa kanilang buwis-buhay na trabaho.


Hay, nakupo! Sa ganang akin, huwag i-discriminate ang mga contractual na mga nurse. Aba, ang trabaho naman ng regular, eh, pareho rin ng trabaho ng contractual, 'di ba?


Para sa akin, patas lang na isama na sila sa salary grade 15. Kung tutuusin, sabi nga ng ating DOH-OIC na si Maria Rosario Vergeire, marami pang kulang na nurses at bukas ang mga plantilla position.


IMEEsolusyon na bigyang-prayoridad ang mga contractual para sa kakulangan ng mga regular.


Performance wise, hindi matatawaran ang husay nila at subok na sila. Bakit pa ba maghahanap ng bagong ite-train sa dami ng mga pasyenteng dapat tugunan agad.


Huwag nating pahirapan pa ang ating mga sarili, bigyan naman natin sila ng patas na pagkakataon para umusad ang kanilang mga kabuhayan sa buwis-buhay nilang pagtugon sa tungkulin. Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 12, 2022


Kamakailan ipinagdiwang ang Linggo ng Katandaan o Elderly Week. At kasabay ng okasyon, lumabas din ang report na kalahati ng populasyon ng senior citizen ay nahaharap sa panganib ang kalusugan dahil sa kahirapan.


Base ito sa report ng Commission on Population and Development o POPCOM. Lumilitaw sa nasabing report na 30% ang hindi malusog at 86% ang hindi makapagpatingin sa mga doktor dahil sa kawalan ng pera.


At dahil hindi nila maayos ang kalusugan at kahirapan, marami ring senior citizen natin ang bantad sa mga mental disabilities at depression, lalo na 'yung mga balo na at tinamaan ng Alzheimer’s Disease.


Talagang sa mga kapus-palad nating mga senior citizen, kinakailangan natin ngayon ang mas espesyal na atensyon! Mahirap kaya maging lola at lolo na, ha, lalo na’t mahirap na nga'y dinapuan pa ng sakit, 'di bah?


Ikinakatwiran na lang ng ibang mahirap na senior citizen na huwag silang gamutin dahil matanda na rin sila. Pero, sa ganang akin, huwag nating pabayaan ang mga senior.


IMEEsolusyon na nakikita ko para maiwasang magkasakit ang mga senior, agree ako na dapat magkaroon ng komprehensibong programang pangkalusugan sa elderly, kaakibat ng preventive program kontra sa anumang uri ng karamdaman.


Siyempre, malaki ang papel dito ng ating mga LGUs, kaya pakiusap natin na sa bawat barangay o komunidad, magkasa ng mga programang pangkalusugan tulad ng joint planting activity ang mga senior sa bawat barangay. Marapat na maglaan ng bakanteng lote o lugar na pagtataniman ang matatanda.


Puwede ring ibalik na natin 'yung mga ‘zumba’ o pag-eehersisyo kada umaga na siyempre, estrikto pa rin dapat na sumusunod sa mga health protocols na puwedeng gawin sa mga plaza.


Livelihood programs, tulad ng paggawa ng mga handicraft na malilibang ang mga lolo’t lola, kung saan ang magagawa nila ay kanila ring puwedeng ibenta.


Isang beses kada linggo para sa libreng pagpapa-check up ng mga senior citizen sa doctor ng bawat health center sa bawat barangay. At kung maaari rin sana ay mabigyan na sila ng mga libreng bitamina.


Ilan lang 'yan sa mga puwedeng remedy para maprotektahan at maiwasang hindi magkasakit ang matatanda. Ang anumang pisikal na aktibidad na puwede nilang daluhan at pagiging aktibo, iwas na sakit ng kasu-kasuan at iba pang karamdaman, 'di bah!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 3, 2022


Walo ang patay na iniwan ng bagsik ng Bagyong Karding, 5 dito ay magigiting nating rescuers mula sa Bulacan at dalawa sa Zambales. Habang nasa P160-Mang pinsala ng bagyo sa ating agrikultura, Aruy, nakupo! Kawawa ang ating farmers, anihan pa naman.


Malaki ang naging papel dito ng ating kabundukan sa Sierra Madre. 'Ika nga, durog ang werpa (power) ni "Karding" sa tibay ng bundok. Nababawasan nito ang lakas ng supertyphoon na tumatama sa kalupaan ng Luzon. At ayon nga sa meteorologist natin, bumaba ang rainband ng bagyo nang hampasin nito ang Sierra Madre — ang pinakamahabang mountain range sa Pilipinas.


Dahil nadiskaril ang sirkulasyon o ikot ng hangin, tuluyan nang humina ang bagyo nang dumaan ito sa Central Luzon. FYI, mga friendship, ayon sa ating mga meteorologist, madaling tawirin ang Central Luzon kasi walang bundok. Pagkatawid ng Sierra Madre, dire-diretso ang bagyo at mas bumilis pa si "Karding" nang nasa dagat na.


Talaga namang masasabi nating "Wow, bundok" ang tikas talaga ng Sierra Madre — ating lifesaver. Pero, napababayaan na rin ang ating kabundukan. Dahil ito ang pinakamatibay nating tiga-harang ng bagyo, mas aalagaan natin ito. Paano?


IMEEsolusyon na panatilihin nating mape-preserve ang mga puno sa bundok na 'yan, tuluy-tuloy ang pagtatanim d'yan, suportahan natin ang mga katutubong Dumagat na nangangalaga sa ating kabundukan. Kung walang mga puno, nababawasan ng matinding ulan at hangin ang lupa.


IMEEsolusyon din na bantayan natin ang mga mapagsamantalang umuuka ng bundok, sa pagmimina at pati na rin sa pagpapalawak ng urban development. Well, DENR, plis lang, 'wag silang pabayaan na makapasok ng ganun na lang sa Sierra Madre.


Riyan sa dako ng Montalban at San Mateo, Rizal, na pangunahing nadale ng Bagyong Ondoy, nagiging bahain. Bakit? Panay-panay ang quarrying. Panlaban sa bagyo ang ingatan ang ating kabundukan. 'Yan ang proteksyon natin!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page