top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 2, 2022


Ipinagmamalaki ko ang aking pagkababae, ang aking pagka-Pinay. Kaya naman, nakikibahagi ako sa paggunita ng buong daigdig sa “16-Day Campaign to End Violence Against Women”, na nagsimula noong Nov. 25. Ang ating pambansang kampanya ay pinalawig pa ng dalawang araw, hanggang December 12, bilang pag-alala sa makasaysayang paglagda noong 2000 sa UN Protocol to Prevent, Suppress and Punish Trafficking in Persons. Kinikilala nito na ang mga babae at bata ang karamihan sa mga biktima.


Bagama’t may mga umiiral na batas laban sa karahasan, tulad ng Anti-Violence Against Women and their Children Act (Republic Act 9262), ang Magna Carta of Women (RA 9710), pati ang Safe Spaces Act o ang “Bawal Bastos Law,” aminado tayong hindi pa rin matigil ang karahasan at pananakit sa kababaihan.


Ang IMEEsolusyon natin d’yan ay huwag bigyan ng taning o deadline ang pagsasampa ng kasong rape at iba pang porma ng karahasan sa mga nabibiktimang kababaihan at bata, lalo na kung ang may sala ay magulang, step-parent, tagapag-alaga o kamag-anak hanggang sa fourth degree of consanguinity o affinity.


Wala rin dapat kawala, habambuhay mananagot ang mga taong may awtoridad, impluwensya o tinatawag na moral ascendancy, lalo na sa mga lugar ng trabaho o training at sa mga institusyong pang-edukasyon.


Nakasaad ang ating panukala sa Senate Bill 1535 na inihain nitong nakaraang linggo.


Naniniwala ako na ang karamihan ng kalalakihang Pinoy ay magigiting at masigasig na poprotektahan ang kanilang nanay, kapatid, anak, apo, jowa, kaibigan at katrabaho laban sa karahasan sa kababaihan at kabataan.

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 21, 2022


Closed fishing season na ngayon hanggang sa Pebrero ng papasok na taon. Dahil dito, tinaya ng ating Labor Department, may 35, 000 ang mawawalan ng trabaho sa fishing sector sa susunod na tatlong buwan.


At ayon pa sa Department of Labor and Employment, mararamdaman ito sa pagpasok ng Disyembre. Nakupo! Nangangahulugan ang closed fishing na maraming fishing industry ang maaapektuhan.


Partikular na 'yung canning at fishing industry at iba pang allied industries, lalo na 'yung mga informal sectors na kabilang sa fishing industry.


Taunan sa mga ganitong pahahon hanggang Enero ang pagpapatigil sa pangingisda, dahil malamig ang panahon, panahon din para makapangitlog ang mga isda, palakihin pa ang mga ito para sa buong taon, eh, meron tayong makakaing matataba at malalaking isda.


Sa harap niyan, kinakailangang makapaglatag agad tayo ng IMEEsolusyon para sa mga alternatibong gagawin ng nasa fishing sector industry at kaalyado nito. Isa sa IMEEsolusyon na 'yung mga apektadong mga manggagawa, eh, maaaring makilahok sa mga aktibidad ng pagsasaka sa economic zones sa rehiyon o ibang trabaho sa natukoy na farm cooperatives.


At isa nga rin sa IMEEsolusyon ng DOLE, eh, inactivate nila 'yung emergency employment program sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD, sa pamamagitan ng pagbibigay ng buwanang halaga ng pasahod sa loob ng tatlong buwan, 'di bah?


At IMEEsolusyon sa perang makukuha rito, eh, gamitin ninyo sa puwedeng gawing panandaliang-negosyo, isip ng mga mabebentang pang-giveaways ngayong kapaskuhan at plis, ah, tipirin 'yan! IMEEsolusyon din na maghanap ng ibang sideline na kahit na ano'ng puwede, like tinda-tinda siomai sa tabi-tabi, mag-i-trike at kung anu-ano pa.


Ngayong sobrang mahal ng bilihin sa mga maapektuhan ng closed fishing season, eh, lahat na ng klase ng kakuriputan, tulad naming mga Ilocano ay gawin na. Bawasan 'yung mga binibili na hindi importante sa ating pang-araw-araw na ginagamit, huwag lampasan ang badyet na itinakda natin.


Gayundin, baka naman malapit-lapit sa inyo ang mga Kadiwa store kung meron lang, ha, aba, doon na kayo dumirekta ng pagbili, 'ika nga ay mas mura sa bagsakan na direktang hinango sa mga magsasaka hindi ba?! Para-paraan lang 'yan. Tipid-tipid din 'pag may time. Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 14, 2022


Kasabay ng mga pagbaha dahil sa sunud-sunod na bagyo, isa sa mga sakit na dumarapo sa ating mga kababayan ay ang cholera.


Alam n’yo ba, mga friendship, na sa unang sampung buwan ng taong ito, halos quadrupled o apat na beses na mas dumami ang mga kaso ng cholera o nasa 3,729 kumpara last year, na nasa 976 lang?! Grabe, ‘di ba?!


Mula Agosto 28 hanggang Setyembre 24 lang, eh, nakapagtala ang DOH ng 254 cholera cases, partikular sa Eastern at Western Visayas, gayundin sa Bicol.


Isa sa pangunahing sanhi nito ay ‘yung maruming tubig-inumin. Eh, alam naman natin, ‘di ba, tag-ulan at maraming bagyo at ang ating water system, eh, apektado palagi.


Remember, kapag hindi naagapan ang cholera at nagkaroon ng matinding dehydration o natuyuan ang pasyente ay nauuwi ito sa kamatayan.


Sa tala ng DOH, mayroong 33 nasawi at 14 sa mga ito ay sa nakaraang tatlong buwan lang.


Bagama’t sinabi ng DOH na manageable pa naman ang mga kasong ito, aba, ‘wag natin balewalain.


‘Yung LGUs, discretion nila ang magdesisyon kung magdedeklara ng outbreak. May mga bakuna naman para sa cholera, meron ding tableta lang na iniinom. Pero alam n’yo bang may shortage ng vaccine sa buong mundo para sa cholera?


Ayon sa World Health Organization, huminto na ang dalawang manufacturer ng cholera vaccine sa paggawa nito kaya iisa na lang ang manufacturer nito—na sanhi ng shortage sa bakuna. Kunsabagay, malayo pa naman tayo sa mga kaso ng 27 bansa na talagang mayroong outbreak.


Pero para sa atin, ‘wag natin hintayin pang lumala at dumami ang mga kaso ng cholera sa bansa.


IMEEsolusyon, unang-una pa lang, lalo na ang ating mga kababayang nasa probinsya na walang access sa malinis na tubig sa panahon ng baha, magpakulo tayo ng tubig-inumin.


Ikalawa, para sa medyo may pera, bago pa magkaroon ng baha o sa panahon ng tag-ulan, mag-imbak na ng mineral water. Ikatlo, meron ding tableta na pang-purify ng tubig.


Ika-apat sa LGU naman, plis, maghanda na ng water purifier na puwedeng ma-access ng nasasakupan ninyo sa panahon ng kalamidad. Mahal ang magkasakit at buhay ang nakataya kaya dapat huwag nating balewalain ang kalinisan ng ating tubig-inumin.


Hirit din natin sa LGUs at DOH, silip-silip ang water sanitation at access sa malinis na tubig ng inyong nasasakupan, para maremedyuhan agad at makahingi rin ng ayuda sa national government kung kinakailangan. Agree?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page