top of page
Search

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | Marso 19, 2024


Nag-viral ang swimming pool resort sa Chocolate Hills sa Bohol.


Umani ito ng kaliwa’t kanang batikos, lalo na’t protected area ang lugar.


Maraming netizens ang sa halip natuwa, nalungkot at nadismaya dahil tila nabalahura ang natural na ganda ng Chocolate Hills na ginawaran pa naman ng parangal ng UNESCO.


Abah eh, ‘wag naman sana bawiin ng UNESCO ang parangal na ‘yan.


Biruin n’yo naman wala pa lang Environmental Compliance Certificate o ECC ang resort, ayon sa DENR. At matagal na itong inisyuhan ng closure order. ‘Di rin daw ito batid ng DOT.


Aminado naman ang management ng resort na tanging ang Protected Area Management Board (PAMB) ang nag-isyu ng permit? 


Hay naku, sa ganang akin, IMEEsolusyon na bukod sa closure, ilabas na lahat ang mga legal na dokumentong hawak ng nasabing resort.


Bukod sa takdang imbestigasyon ng ating mga kasamahan sa Senado, magkatuwang nang imbestigahan, panagutin at pagmultahin kung kinakailangan ng DENR, DOT at LGUs ang may-ari ng resort... oras na mapatunayan kung sino ang nagkulang.


Pangalawa, tutukan din sa imbestigasyon ang PAMB… bakit ‘yan pinayagan. 


Ikatlo, litisin din sa korte kung kinakailangan para mailatag ng bawat partido ang kani-kanilang katwiran, bakit ‘yun naitayo at nag-operate ng walang klarong permiso.


Remember this, kapag protected areas, hinding-hindi ‘yan dapat ginagalaw! Paglapastangan ‘yan sa likas na yaman ng ating bansa.


Plis naman, walang masamang kumita, basta’t sisiguraduhing walang maidudulot na pinsala sa kalikasan, sa hayop at sa tao! Agree?

 


 
 

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | Marso 8, 2024

 

Nasuspinde na si NFA Administrator Roderico Bioco at 138 iba pa dahil sa kwestyonableng pagbebenta ng 75,000 sako ng bigas sa ilang negosyante.


Palugi kasi ang pagbenta nila ng bigas, gayong ang dami-daming problema natin ngayon sa bigas at hindi pa ito pinakinabangan ng mahihirap nating mga kababayan.


Biruin n’yo naman natapat pa ito sa pagkakaroon ng ‘cutback’ sa global supply ng bigas at ang ‘Pinas na ang may hawak ng record na numero unong world’s largest rice importer! 


Nakakahiya talaga at nakakalungkot. Panahon pa noon ng tatay ko sa ating bansa, nag-aaral ang mga dayuhan tungkol sa bigas at sa atin sila kumukuha ng mga tips.


Pero ngayon tayo na ang nag-i-import sa kanila! Santisima!


Bukod d’yan, nalilihis ng landas ang NFA sa tunay nitong trabaho! Hello, mga taga-NFA!


‘Di ba nga’t tatay ko ang nagtatag niyang NFA noong 1972, para bumili ng bigas sa ating mga lokal na magsasaka upang mapatatag ang presyo nito para sa mga Pinoy na consumer at masiguro ang sapat na imbak na bigas sa panahon ng kalamidad.


Pero bakit ganu’n eh, hindi farmers ang sinusuportahan, kundi mga negosyante, hay naku!


IMEEsolusyon na kahit suspendido na ang grupo ni Bioco, mas laliman pa natin sa Senado ang imbestigasyon dito. Tila may hokus-pokus dito, eh.


IMEEsolusyon rin na dapat suriin ang mandato ng NFA para masolusyunan ang malawakang kakulangan ng bigas sa bansa. Agree?! 


 
 

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | Marso 7, 2024

 

Nakapagtataka ang tiyempo ng pagpayag ng PNP na magmay-ari ng mataas na kalibreng baril ang mga sibilyan. Bakit nga ba? At ano ang meron? Hello!


Nakakaalarma rin ‘yan ha! Eh, gusto n’yo ba na matulad tayo sa U.S.? Mga trigger happy!


At higit sa lahat magdudulot lang ng malawakang violence o karahasan ‘yan sa ating bansa ‘di bah?!


Magiging set-back din ito sa pulisya lalo na’t sinisikap nilang mabawasan ang mga krimen sa ating bansa. Eh, hindi malayo na dahil may matataas na kalibre ng baril ang mga sibilyan,  kapag uminit ang ulo baril agad ang solusyon. Juskolord!


Bukod d’yan, nakini-kinita ko nang lolobo ang kriminalidad, terorismo, smuggling ng armas at malawakang karahasan sa halalan sa 2025.


Abah eh, malaking sampal ito sa PNP at lalo lang nilang ipinapahamak ang kanilang sarili at maging ang kaligtasan ng mga Pinoy mula sa karahasan.


Saka mind you, eh ‘di ba nga aktibo ang PNP sa decommissioning o pagbabawas ng armas ng mga rebelde... Ano na?! 


IMEEsolusyon na tigilan na muna ang mga ganyan, sa ganang akin, kaysa armasan ang mga sibilyan ang kanilang mga sarili bilang proteksyon, makabubuting mag-aral ng basic knowledge sa self-defense.


Pwede nga kung tutuusin na mag-sponsor ang mga barangay ng mga self-defense para sa Kani-kanilang mga residente o nasasakupan.


IMEEsolusyon, na i-hold na muna ‘yan ng PNP at pag-isipang mabuti, timbangin kung may idudulot na mabuti o mas makasasama pa sa kapayapaan ng ating bayan. Agree?

 


 
 
RECOMMENDED
bottom of page