top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | October 3, 2021



Nagtataka ang ilang senador kung bakit sa Kamara humingi ng tulong si Pharmally regulatory affairs head Krizle Mago imbes na sa Senado o NBI.


Ito ay matapos ianunsiyo na inilagay siya sa protective custody ng Kamara matapos ilang araw na mawalan ng komunikasyon sa mga mambabatas, kasunod ng kaniyang testimoniya sa Senate hearing na ibinunyag ang ‘swindling’ ng kanilang firm sa gobyerno hinggil sa pagkalap ng face shields.


“Nakakapagtaka ang paghingi ni Mago ng protective custody sa kamara imbes na sa NBI. Kung protective custody ang gusto ni Mago, bakit sa Kamara siya nagpunta? Kusang loob na umamin si Mago tungkol sa tampering ng face shields at hindi pinilit o tinakot ng mga Senador," ani Sen. Franklin Drilon.


Si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Richard Gordon naman ay ikinaiinis ang paulit-ulit na pangako umano ni Mago.


"Nangako siya babalik na siya, a-attend siya kahapon, di na naman dumating. Katulad nu'ng isang araw, nangako, magkikita kami pagkatapos ng hearing para madagdagan 'yung sinabi niya. Tingin ko, kwan na siya eh, nandu'n na siya, pero ngayon ba't naman siya pupunta sa House? Eh kase raw mabait daw 'yung House. Mabait naman ako sa kanya, wala naman akong ginagawa sa kanya," ani Gordon.


Nitong Biyernes ay sinabi ni Good Government and Public Accountability Chair DIWA Party-list Rep. Michael Aglipay na nasa protective custody na ng Kongreso si Mago, at si Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na ang sasagot sa mga tanong.


Sumulat umano si Mago kay House Speaker Lord Allan Velasco noong Setyembre 30 para humingi ng proteksyon.


"Presently, I cannot speak freely about the ongoing investigation on the alleged overprice of medical equipments without feeling threatened due to the undue influence and pressure being exerted from various sources," ani Mago.


Tiniyak naman ni Aglipay sa isang sulat kay Gordon na isasaayos ng Kongreso sakaling kailanganin si Mago sa mga pagdinig sa Senado.


Sumulat na rin si Aglipay kay Aplasca para padaluhin si Mago sa pagdinig ng kamara sa Oktubre 4. Sa Oktubre 5 naman ang susunod na pagdinig ng Senado.

 
 

ni Lolet Abania | September 8, 2021



Ipinahayag ni Pasay City Representative Antonino Calixto ngayong Miyerkules na nagpositibo siya sa test sa COVID-19.


Kasalukuyang nasa isolation si Calixto na nakararanas ng mild symptoms ng COVID-19. Agad siyang nagpakonsulta sa doktor matapos na makaramdam ng mild cough noong Lunes.


Ayon sa mambabatas ang kanyang mga naging close contacts, kabilang na ang mga miyembro ng kanyang pamilya ay sumailalim na sa swab tests at negatibo silang lahat sa COVID-19.


Gayunman, sinabi ni Calixto na mananatili ang mga ito sa loob ng kanilang bahay ng 14-araw, kung saan ipinayo ito ng mga doktor. Ang mga staff naman ni Calixto na pumapasok sa kanyang opisina at mga nakausap niya nang personal ay sumailalim na rin sa COVID-19 tests, habang pinayuhan din ang mga ito na manatili na lamang sa kanilang bahay.


Samantala, ang kanyang kapatid na si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ay wala sa ginanap na pulong kamakailan. Panawagan naman ni Calixto sa kanyang mga kababayan na magpabakuna na kontra-COVID-19.

 
 

ni Lolet Abania | August 19, 2021



Pumanaw na si dating Deputy Speaker at Cebu Governor Pablo “Pabling” Garcia sa edad na 95. Nagpahayag ng pakikidalamhati ang House of Representatives sa pamilya at mahal sa buhay ni Garcia na nagsilbi sa panahon ng 8th, 9th, 14th at 15th Congresses.


“The House of Representatives, led by Speaker Lord Allan Velasco, mourns the demise of former Deputy Speaker and Cebu Rep. Pablo ‘Pabling’ P. Garcia,” ayon sa statement ng Kamara. “Our prayers and heartfelt sympathies to the family and loved ones he has left behind, especially to his son and our colleague in the 18th Congress, Deputy Speaker Pablo John F. Garcia,” dagdag pa nito.


Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Velasco na mananatili sa alaala ng marami ang mga nagawa ni Garcia para sa bayan. “He was a devoted public servant who dedicated two-thirds of his life to public service -- an extraordinary feat worthy of emulation,” ani Velasco.


“Cebu and the entire nation lost an exceptional public servant admired for his diligence, intelligence and integrity,” sabi pa. Naglingkod si Garcia bilang governor ng Cebu mula 1995 hanggang 2004.


Nagsilbi rin siya bilang vice-governor mula 1969 hanggang 1971. Nakilala rin si Garcia na isang trial lawyer, law professor at respetadong constitutionalist. Naulila niya ang kanyang mga anak na sina Gwendolyn, Deirdra, Winston, Byron, Farla at Pablo John, 27 apo at 18 apo sa tuhod.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page