top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | September 23, 2021



Umabot na sa mahigit 14,000 ang mga lumabag sa minimum health protocol sa lalawigan ng Pampanga sa loob ng mahigit isang buwan.


Mula Agosto 2 hanggang Setyembre 15, pumalo sa 14,528 ang naarestong lumabag sa minimum health protocol, batay sa tala ng Pampanga Provincial Police Office.


Sa bilang na ito, 10,769 ang nahuling hindi nagsusuot ng face mask at face shield, habang nasa 694 naman ang lumabag sa physical distancing.


Mayroon ding 600 lumabag sa curfew, habang 2,239 ang lumabag na nga sa curfew, wala pang suot na face mask.


Agad din naman daw pinapalaya ang mga nahuhuli matapos kunan ng picture dahil congested na ang kanilang detention facility, ayon kay Police Lt. Col. Dederick Relativo.


“Nire-release natin because of the congested detention facility natin kaya dino-document natin sila, pini-picturan natin sila tsaka natin sinasampa yung kaso thru regular filing," aniya.


Nilinaw din ng pulisya na sa kabila ng mataas na bilang ng mga violations ay may nakita na silang improvement o pagbabago rito.


Dagdag pa ni Relativo, seryoso ang pagsasampa nila ng kaso sa mga lumabag sa protocols at katunayan, nasa 1,729 violators na ang nasampahan nila ng kaso.

 
 

ni Lolet Abania | June 4, 2021



Dinakip ng mga awtoridad ang limang deboto ng Itim na Poong Nazareno matapos ang ginawang paglabag ng mga ito sa health protocols sa Quiapo Church sa Maynila ngayong Biyernes.


Sa ulat, dumagsa ang mga deboto na nais makapasok ng simbahan dahil ngayong araw ang First Friday Mass.


Ayon kay Police Lieutenant Colonel John Guiagui ng Manila Police District, sabay-sabay ang pagdating ng mga mananampalataya mula sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila at karatig-lalawigan.


Agad namang binuwag ng mga operatiba ng Manila City Police ang pila ng mga ito kasabay ng paalala sa kanila na limitado lamang ang maaaring makapasok sa simbahan.


Subalit, may ilan pa rin na pasaway sa mga ito na nagresulta sa pagkakahuli sa limang deboto na hindi na binanggit ang pagkakakilanlan.


Ikinainis naman ni Police Major Aldin Balagat, commander ng Plaza Miranda Precinct, ang pagbabalewala umano ng mga deboto sa paulit-ulit nilang pakiusap na sumunod sa protocols, kung saan marami sa kanila ay nasa baba na ang face mask.


Paliwanag sa kanila ni Guiagui, ibinalik na nila ang sistemang “first come, first serve” kaya aarestuhin ang mga pasaway.


Hindi naman ikinulong ang limang deboto, subalit binigyan sila ng lecture sa pagsunod sa protocols at pinagsabihan ng mga awtoridad, habang ipina-blotter muna sila bago pinauwi.


 
 

ni Lolet Abania | May 27, 2021



Maaaring maaresto nang walang warrant ang mga opisyal ng barangay na makikita sa mga "superspreader gatherings" o pagtitipun-tipon sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa Palasyo.


Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque isang araw matapos na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga barangay captains na bigong ipatupad sa kanilang lugar ang health protocols, kabilang na ang pagbabawal sa mass gathering, dahil sa kapabayaan nila sa tungkulin.


“Warrantless arrest can be performed by law enforcers when the law enforcement is personally witnessing the crime. If the barangay captain is at the scene of the superspreader event, knows about it and did nothing, that is dereliction of duty,” ani Roque sa isang interview ngayong Huwebes.


Ginawa ni Pangulong Duterte ang direktiba matapos ang naiulat na mga insidente ng mass gatherings sa swimming pools sa Lungsod ng Caloocan at Quezon City na nagresulta sa mga indibidwal na nagpositibo sa test sa COVID-19.


Ayon pa kay Roque, para naman sa mga walang alam sa nangyayaring superspreader events sa kanilang lugar, maaari pa ring magsampa ng reklamo laban sa mga pabayang barangay captains sa prosecutors’ office at ihain dito ang kanilang mga depensa.


“If the prosecutor finds probable cause, the judge will issue an arrest warrant against the barangay chairman,” sabi ni Roque.


Sinabi rin ni Roque na ang mga sasaling indibidwal at mga organizers ng mga superspreader events ay mananagot din dahil sa paglabag ng mga ito sa mga local ordinances na may kaukulang parusa sa pagsuway sa quarantine protocols.


“If they are complicit, that is conspiracy [to commit a crime] because they allowed the offense to happen,” ani pa ng kalihim.


Gayunman, aniya, ang mga penalties sa ilalim ng mga local ordinances ay hindi sapat para sa indibidwal na lumabag sa ipinatutupad na kautusan.


“We need to have a national quarantine law that will spell out stiffer penalties for breach of quarantine protocol,” saad ni Roque.


Ang mga parusa sa paglabag sa quarantine protocols na itinatakda sa ilalim ng local government ordinances ay pagbabayad ng malaking halaga at administratibo gaya ng pagpapasara ng kanilang establisimyento kapag napatunayang may kasalanan o mayroong paglabag.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page