ni Twincle Esquierdo | September 4, 2020
Nagpasalamat ang Malacañang sa alok ng House Panel na dagdag- kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang matugunan ang problema sa Philhealth.
Gayunman, pag-aaralan muna ng Palasyo ang mga detalye tungkol sa dagdag na kapangyarihan para sa pangulo, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Sa isang panayam, sinabi ni Roque, “We welcome the willingness of the House of Representatives to give such emergency powers to the president, pero hindi po ako makapagkomento kasi hindi ko pa nakikita kung ano talaga iyong rekomendasyon ng Mababang Kapulungan.”
“Pag-aaralan po natin kung kinakailangan talaga iyang emergency powers na iyan. Sa ngayon po, tayo naman po ay may sapat na kapangyarihan bilang isang commander-in-chief ang ating presidente.”
Isang joint congressional committee ang nagrekomenda na bigyan ng emergency powers si Pangulong Duterte para maisaayos ang nangyayaring katiwalian sa Philhealth.
Maaalalang nagsumite si House Committee on Public Accounts Chairman Mike Defensor ng “Emergency Powers Act” tungkol sa issue ng Philhealth at nabanggit din ni Roque na talagang desidido ang Kongreso para matulungan ang pangulo ngunit pinag-aaralan pa nila ang nilalaman ng proposisyon na ito.
Aniya pa, “Beyond theory, the president has the powers that he needs to address the problems of the situation pero nagpapasalamat kami sa suporta na ipinapakita ng mga supporters at kaalyado ni Presidente.”
Ayon kay Roque, kung siya umano ang masusunod ay mas mainam na buwagin na ang Philhealth at palitan ng National Health Service base sa orihinal na Universal Health Care Law Bill. Kung mabubuwag ito ay madaling maaalis sa posisyon ang mga kurakot.
Hinihintay pa umano ng pangulo ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng task force sa mga alegasyong nangyari sa Philhealth.
“The President will respect the findings of his own task force because it is composed of individuals not only with the required qualification to determine culpability but also the powers precisely to determine this kind of culpability, dahil kasama po diyan ang Ombudsman at saka Civil Service Commission,” sinabi ni Roque.