top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | June 07, 2021



Lahat, hirap ngayong pandemya, pero hindi natin maikakaila na mas matindi ang tama nito sa mga mahihirap. Lubhang limitado ang mobilidad ng mga taong walang pribadong sasakyan.


Pinakaapektado rito ang pagkilos ng mga manggagawa na walang pagpipilian kundi pumasok sa trabaho kahit limitado ang transportasyon. Sila ang mga naglalakad kung kailangan papunta sa kanilang pinapasukan. Sila ang sumusuong sa panganib na makakuha ng sakit sa mga pampasaherong sasakyan dahil hindi sila puwedeng manatili lang sa loob ng kanilang bahay.


Palagi nating pinag-uusapan ang imprastruktura para sa transportasyon at maganda ito pagtagal ng panahon. Pero sa kasalukuyan, kailangan natin ng tulong na mapakikinabangan agad ng mga nangangailangan ng mobilidad para sa trabaho. Dahil dito, iminumungkahi natin sa pamahalaan at sa pribadong sektor na magbigay ng libreng bisikleta sa mahihirap na trabahador bilang ayuda ngayong pandemya.


Sa isang sulat ng isang manggagawa sa atin, sinabi sa atin na puwedeng ibang 4Ps ang ibigay sa nangangailangang mamamayan: Pedal Project sa Panahon ng Pandemya. Sa halagang P2500 hanggang P3000 kada bisikletang secondhand pero maayos, makararating ang manggagawa sa kanyang pinagtatrabahuhan. Dagdag sa pangkain ng pamilya ang matitipid sa pamasahe.


Mayroon namang puwedeng paghugutan ng pondo para rito ang pamahalaan. Puwede itong ipasok sa mga inilaan sa Bayanihan to Build as One Act at sa iba pang batas at programa para sa mitigasyon ng kahirapan.


Bukod sa matitipid na pera sa transportasyon, malaking bagay ang kaligtasan ng mamamayan. Sa bisikleta, mas maliit ang tsansa ng pagkalat ng COVID-19 kaysa sa siksikang sasakyan.


Mabilis na solusyon ito na mararamdaman ng mga nangangailangang manggagawa na kailangan ng ligtas at maaasahang transportasyon. Naniniwala tayong sa panahong ito, ito ang mas makatutulong sa mga taong araw-araw nakikipagbuno sa unahan sa sasakyang pampubliko.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | June 01, 2021



Habang tumatagal ang pandemya, lalong nalulubog sa kahirapan ang mga kababayan nating nawalan ng kabuhayan. Sa dami ng nagsasarang negosyo at kumpanyang nagtatanggalan ng trabaho, marami ang ga-hibla na lamang ang layo sa desperasyon. Kabilang sa mga ito ang transport sector workers na hindi nakapasada mula pa noong Marso ng nakaraang taon.


Batid natin ang hinaing ng mga PUV drivers at transport sector workers noon pa mang simula ng pandemya kaya iginiit nating makinabang sila sa service contracting program na binigyan ng alokasyon sa Bayanihan 2. Nasa 5.58 bilyong piso ang ginawang alokasyon noong aprubahan ang programa noong Setyembre 2020. Sa awa naman ng Diyos, nasa 461.8 milyong piso pa lang ang naipamumudmod sa mga nararapat na benepisaryo. Ibig sabihin, wala pang 1/10 ng alokasyon sa budget ang naipamigay. Ang kaso, hanggang Hunyo 2021 lang ang paglalabas ng ayuda, kaya napakalaking halaga na makatutulong sana sa ating mga kababayan ang masasayang. Maliban na lamang kung magkaroon ng ekstensiyon, babalik lamang ang naka-budget na sanang pantulong sa ating national treasury.


May isang buwan pang natitira para ibigay ang nailaan nang ayuda para sa mga PUV drivers at transport sector workers na talaga namang nawalan ng kabuhayan ngayong pandemya. Bilis-bilisan ang distribusyon kaysa mapaso ito nang hindi nakararating sa dapat makinabang.


Ang pagbagal ng service contracting program ng pamahalaan para sa PUV drivers at transport sector workers ay karagdagang pahirap sa kanila. Naipasa na ang budget nito — ibibigay na lang. Bawasan ang red tape, gawing sistematiko ang pagpapatupad, para mapakinabangan ng mga nangangailangan ang tulong sa kanila sa panahong ito.


Lahat tayo ay takot sa COVID. Nakikita nating nakamamatay ang karamdamang ito. Pero alam ninyo, mga bes kung ano pa ang nakamamatay? Gutom. Kawalan ng tirahan. Kahirapan.


Bilis-bilisan ang pamimigay ng nararapat na ayuda. Huwag natin hintaying patay na ang taong dapat sanang makinabang sa tulong ng pamahalaan.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | May 24, 2021



Nagpahayag ang Inter-Agency Task Force na hindi na ia-anunsiyo ang tatak ng bakunang itu­tu­rok sa bawat vaccination centers. Ito ay mata­pos ng pagkumpol ng mga tao para mabakunahan ng isang brand na gusto ng marami na matanggap sa isang bayan sa Kamaynilaan. Para iwasan ang pagpili ng tatak, iniatas na malalaman ng tao kung ano ang ibibigay sa kanya sa pagpirma na ng consent form.


Pinaiigting natin ang pagba­bakuna para magkaroon ng herd immunity ang ating bansa. Ibig sabihin, marami na sa ating mga mamamayan ang may antibo­dies panlaban sa virus, sapat para hindi na tayo lubhang maapek­tuhan nito.


Dalawa ang malaking hamon sa atin: una, limitado ang supply ng bakuna. Maraming nagrerek­lamo sa alokasyon ng bawat local government unit (LGU) dahil kulang na kulang. Ikalawa, ma­ging ang mga ubra na sanang ba­­kunahan, may agam-agam na epektibo ang bakuna kaya ayaw magpaturok.


Naniniwala tayong napa­kaha­laga sa puntong ito na paig­tingin ng Department of Health (DOH) ang edukasyon tungkol sa bakuna at sa bawat brand na mayroon dito sa Pilipinas. Kai­la­­ngang maunawaan ng mga mamamayan na ligtas at mabi­sa ang bawat bakuna sa pagla­ban sa COVID-19.


Ang bawat bakuna ay may iba-ibang pormulasyon. Gayun­man, ayon sa mga pag-aaral, lahat naman ay epektibo laban sa severe case ng COVID-19 infection.


Kailangang maipala­gay ang loob ng ating mga kababayan na hindi sila bibigyan ng baku­nang hindi ligtas sa kanila. Nag­babakuna tayo para sa protek­siyon ng ating ma­ma­mayan. Kailangan nila ng ga­ran­ti­ya na hindi gagawa ang pama­halaan ng hak­bang na hin­di para sa kanilang kabu­tihan.


Panahon din ito para sawayin ang mga walang magawa kundi magkalat ng misimpormasyon. Sa social media, merong nagla­labas ng mga walang basehan at katoto­hanang mga kuwento para takutin ang mga tao tungkol sa pagba­bakuna. Mga bes, hindi kayo na­ka­­katulong. Kung ayaw magpa­bakuna, irerespeto ang in­yong desisyon, pero huwag mag­hasik ng kamangmangan para pigilan ang ilan na naniniwala rito.


Karapatan ng bawat isa ang magpasya kung ano makabubuti para sa kanilang sarili at kung ano ang ipapasok nila sa kanilang katawan. Alamin ang pakinabang ng bawat bakuna bago ito tang­gihan. Isaalang-alang natin ang napakaraming taong namatay na umaasang mabakunahan pero hindi na nila inabutan ito.


Gawin natin ang ating parte para makamit ng bansa natin ang herd immunity laban sa COVID-19.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page