top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | July 12, 2021



Masaya tayo sa atas ng Korte Suprema sa Administrative Matter No. 21-06-08-SC na kinakailangan na ang pagsusuot ng body cameras ng maghahain at magpapatupad ng search at arrest warrants. Isang positibong hakbang ito sa pagsasaayos ng ating criminal justice system.


Kung walang body camera o alternate recording device, at hindi naipagbigay-alam at inihingi sa korte ng pahintulot na ituloy ang operasyon, hindi tatanggapin ang ebidensiyang makukuha para sa kaso. Makakasuhan din ng contempt of court o paglapastangan sa korte ang pulis na hindi magsusuot ng body camera sa operasyon.


Kasama tayo sa mga nanawagan para rito noong kasagsagan ng pag-aresto sa mga di-umano’y drug suspects na napatay dahil “nanlaban.” Naniniwala tayong mahalaga ang body cameras para sa integridad ng pag-aresto kaugnay ng ating mga prosesong legal. Proteksiyon ito para sa pulis na nagpapatupad ng warrant para hindi sila maakusahan ng pag-abuso sa kanilang awtoridad. Pabor ito, lalo na sa mamamayang paghahainan ng warrant dahil maiiwasan ang mga insidente na pagtatanim ng ebidensiya laban sa kanila. Pabor sa lahat ng panig ang dokumentasyong ito.


Sa atas ng Korte Suprema, ipaaalam agad ng mga pulis sa paghahainan ng warrant ang kanilang pakay at na naka-record sila. Ang audio at video recording functions ng body camera ay kailangang i-on pagdating sa lugar na pagsasagawaan ng operasyon at dapat manatiling gumagana hanggang matapos doon. Kung pag-aresto ang gagawin, hanggang makarating sa presinto, naka-on ang body camera. Kung search warrant naman, naka-record ang pagpasok at ang paghahalughog para matiyak na sang-ayon sa batas ang ginagawang operasyon. Papatayin lamang ang body camera kapag nasa istasyon na ng pulis. Pagkatapos, ang recordings ay ise-save sa external storage device na ilalagay naman sa selyadong lalagyan at ide-deposito sa korteng nag-issue ng warrant.


Gayunman, sinabi rin ng Korte Suprema na hindi mangangahulugang ilegal ang operasyon kung walang body camera ang pulis. May pagkakataon silang patunayan ang mga pangyayari at sitwasyon na dahilan kung bakit wala silang body camera.


Ang pagkakaroon ng body camera ay malaking bagay para matiyak ang regularidad ng mga operasyon sa paghahain at pagpapatupad ng mga warrant. Ito ang inaasahan nating magwawakas sa panahon ng palitan ng akusasyon sa pagitan ng mga pulis at pamilya ng mga akusadong napatay sa operasyon. Ito na sana ang magwawakas sa mga frame-up at tanim-ebidensiya.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | July 05, 2021



Kumusta ang estado ng pagbabakuna sa inyong lugar, mga bes? Patuloy ang pagrorolyo ng baksinasyon sa iba’t ibang panig ng bansa, lalo na sa mga lugar na may mataas na insidente ng COVID-19. Hinihikayat natin ang lahat na makibahagi sa prosesong ito para magkaroon ng laban ang ating bansa kontra COVID-19.


Bagama’t bumaba na ang mga kaso sa National Capital Region (NCR) at kalapit na lalawigan kumpara sa nakaraang mga buwan, mapapansin na ibang bahagi naman ng bansa ang nahihirapan sa mataas na bilang ng impeksiyon. Bagama’t nagluluwag ng restriksiyon sa ating bansa, hindi ito nangangahulugang ligtas na tayo. Malayu-layo pa tayo, lalo na dahil sa nagbabadyang panganib ng Delta variant.


Ano ba itong tinatawag na Delta variant ng COVID-19? Ito ang klase ng COVID-19 na nakita nating sumalanta sa India. Kumpara sa mga naunang bersiyon ng virus, mas mabilis kumalat at mas matindi ang tama nito. Mas malaki ang tsansa na magkaroon ng karamdaman na magdudulot ng pagkakaospital ito. Dahil nagbago na ang virus mula noong ginawa ang mga bakunang mayroon tayo, may tsansa na hindi sapat ang proteksiyon laban dito.


Dahil sa Delta variant, nagkakaroon ng panibagong pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa ibang bansa. Naging dahilan ito ng imposisyon ng bagong lockdowns sa ibang lugar. Sa ating bansa, iniulat ng Department of Health (DOH) na sa itinatayang 17 kaso ng Delta variant, 15 umano ang gumaling na, 1 ang namatay, at 1 pa ang nasa ospital.


Kung kakalat ang Delta variant sa ating bansa, malaking-malaki ang peligro sa atin. Malamang-lamang, sa loob ng bahay pa rin tayo magpa-Pasko, at baka magbalik na naman ang paghihigpit sa mga establisimyento. Ngayon pa lamang, agapan na natin ito. Higpitan ang border controls natin sa mga bansang may mataas na insidente ng Delta variant. Huwag nating ulitin ang pagkakamali natin noong unang bahagi ng pandemyang ito. Panahon ito para sa mabilis na desisyon kontra sa impeksiyon.


Patuloy pa rin nating sundin ang ipinatutupad na social distancing, pagsusuot ng facemask, at madalas na paghuhugas at paglilinis ng kamay. Napakaliit na bahagi pa lang ng ating populasyon ang may bakuna at patuloy ang mutasyon ng coronavirus. Gawin natin ang ating parte sa pamamagitan ng pag-iingat. Tandaan, ang apektado kapag may nakakuha ng impeksiyon ay hindi lamang ang may katawan, kung hindi pati ang mga tao sa ating paligid.


Ibayong ingat tayo, mga bes.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | June 15, 2021



Bagong normal para sa marami sa ating mga kababayan ang work from home arrangement para sa trabaho at online classes naman para sa ating mga mag-aaral. Limitado ang galaw ng pagbabakuna sa ating bansa dahil na rin sa kulang na supply, kaya mukhang ganito pa rin ang lagay natin sa susunod na mga buwan, o maaaring taon.


Dahil sa bagong kaayusan dulot ng pandemya, kitang-kita ang kahalagahan ng internet sa paghahanapbuhay, pamamahala, at edukasyon. Ito ang dahilan kaya ginawa natin ang lahat ng maaari at naaayon sa batas para paigsiin at padaliin ang proseso na kailangang pagdaanan ng telecommunications companies (telcos) para makapagtayo ng mga imprastruktura tulad ng cell sites para maiayos ang serbisyo ng internet sa ating bansa.


Ngayong nabigyan sila ng mga kaluwagan ng pamahalaan, dapat magpakitang-gilas ang telcos natin sa pamamagitan ng mabilis na pagtatayo ng cell sites at paglalatag ng fiber optic cables. Isipin mo, ang dating inaabot ng taon na permit, ngayon nakukuha na sa pitong araw. Umigsi ang proseso para sa permit, suklian nila ng aksiyon para maihatid nila ang maaasahang internet connection para sa ating mga kababayan.


Sa kasalukuyan, may itinatayang 20,000 cell towers sa ating bansa. Target nating umabot ito sa 50,000 para mapalawak ang internet coverage. Gusto nating ang bilis ng koneksiyon sa mauunlad na lungsod ay siyang kalidad rin ng serbisyong matatanggap ng mga nasa malalayong probinsiya.


Nananawagan tayo sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong pangkat tulad ng homeowner’s associations na bigyang-daan ang kolaborasyon sa panahong ito. Isipin natin ang kabutihan ng nakararami sa mga negosasyon para sa pagpapadaan ng mga linya. Huwag nating hadlangan ang pagtatayo ng imprastrukturang makatutulong sa paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan.


Hindi pa natin tanaw ang pagtatapos ng pandemyang ito. Ang tuon natin ay sa pagpapalakas ng kakayahan ng bawat mamamayan na maging produktibo pa rin sa kabila ng panganib na dala ng coronavirus. Sisingilin natin ang telcos sa serbisyong ipinangako nilang ihahatid sa sambayanan ngayong napakaraming nakaasa sa internet para sa trabaho, edukasyon, at libangan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page