top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | August 02, 2021



Matapos na magdiwang ng ating bansa sa pagkakapanalo ni Hidilyn Diaz ng ating unang ginto sa Olympics, narito tayo at nahaharap sa lockdown sa National Capital Region (NCR) para maiwasan ang delubyo ng muling pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa. Iniatas ng Pangulo na isailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20, at ang Iloilo City, buong probinsiya ng Iloilo, Cagayan de Oro, at Gingoog City mula Agosto 1 hanggang 7.


Samantala, Modified ECQ (MECQ) naman Ilocos Norte, Bataan, Lapu-Lapu City, at Mandaue City mula Agosto 1 hanggang 15. General Community Quarantine with Heightened Restrictions naman ang 20 iba pang lugar.


Sa totoo lang, litung-lito na ang mga kababayan natin sa iba’t ibang klasipikasyon ng kuwarentina sa bansa. Sabi nga ng isang nakausap natin, parang nililito na lang daw tayo sa kung anu-anong letra ng alpabeto.


Sa laki ng panganib na dala ng Delta variant na nakita nating nagpahirap nang husto sa India at Indonesia, nagpasya ang pamahalaan na mag-lockdown para iwasan ang pagkalat pa ng COVID-19. Ito ang hakbang na inirekomenda para iwasang bumagsak ang ating healthcare system sakaling magkapunuan na naman ang mga ospital.


Gayunman, kailangang bago pa mag-lockdown, maibigay na ang ayuda para sa ating mamamayan sa mga lugar na isinailalim sa ECQ. Hindi natin palalabasin ang mga kababayan natin, maliban na lang sa mga Authorized Person Outside of Residence (APOR); paano naman sila kakain at mabubuhay? Kailangan ng mabilis at maagap na pamimigay sa ating mga kababayan ng kanilang pantawid-buhay sa dalawang linggong hindi sila makahahanap ng kanilang ikabubuhay.


Walang nasisiyahan sa lockdown pero ngayong naririyan na, gawin natin ang ating parte para hindi na ito magkaroon ng ekstensiyon. Manatili sa loob ng ating mga tahanan kung hindi naman kailangang lumabas. Huwag munang magpatuloy ng bisita sa ating mga bahay, at huwag muna ring mandayo ng kumustahan. Alalahanin natin, mas mabilis kumalat ang variant na ito. Ang masaklap, kahit mga bata, apektado nito.


Hindi lang COVID-19 ang kalaban natin ngayong pandemya kundi gutom. Bigyan natin ng maagap at sagap na ayuda ang ating mga kababayan para hindi na sila makipagsapalaran sa labas.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | July 26, 2021



Parang sinusubok talaga ang tatag ng loob nating mga Pilipino. Sa gitna ng paglaban natin sa COVID-19, nag-alboroto ang Bulkang Taal, nagsanib-puwersa ang bagyo at habagat kaya umulan nang pagkalakas-lakas na nagdulot ng matinding pagbaha sa maraming lugar sa Kamaynilaan at Luzon, lumindol pa. Quotang-quota na tayo sa problema, Hulyo pa lang, mga bes!


Ang mga sakuna at kalamidad, bagama't likha ng kalikasan ay napaghahandaan. Alam na natin ang sitwasyon ng Pilipinas sa Pacific Ring of Fire, kaya karaniwan ang pagputok ng bulkan at pagkakaroon ng lindol. Tanggap na rin nating nasa landas tayo ng bagyo, at halos 20 ang tumatama sa atin kada taon. Kailangan ng palaging paghahanda para mabawasan ang bigat at peligro tuwing darating ang mga kalamidad sa ating bansa.


Nakahain sa Senado ang ating panukalang-batas na Senate Bill 124 para sa paglikha ng Department of Disaster Resilience and Emergency Assistance and Management. Magiging tungkulin ng nasabing kagawaran na magbigay ng kinakailangang pamumuno na may pananagutan at magtimon sa iba’t ibang sektor para makalikha ng disaster-resilient na bansa.


Panahon na para umalpas tayo sa pagbibigay ng relief goods. Bagama’t mahalaga ang koordinasyon ng mga ahensiya pagkatapos ng kalamidad, kailangan natin ng inklusibo at mas buong pagpaplano para mabawasan ang lakas ng tama ng mga ito sa atin. Kailangan nating magbuo ng mga komunidad na handa at kayang tumindig sa gitna ng mga kalamidad.


Hindi natin maipagkakaila ang epekto ng climate change sa ating bansa. Sa anumang pagpaplano ng mga sektor, kailangan itong bigyan ng konsiderasyon.


Sa laki ng trabaho at sa patuloy na pangangailangan para sa disaster resilience and management, kailangan ng dedikadong ahensiya na ito lamang ang tatrabahuhin. Inaasahan nating sa nalalabing isang taon ng Kongresong ito bago magpalit ng administrasyon, maipasa ang mahalagang batas tungo sa mas ligtas at maayos na Pilipinas.


◘◘◘


Balik-General Community Quarantine with Heightened Restrictions ang National Capital Region (NCR), kabilang ang mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Davao de Oro, at Davao del Norte hanggang katapusan ng buwan. Bunsod ito ng panganib na dala ng Delta variant ng COVID-19 na sumalanta sa India at Indonesia.


Marami tayong kababayang labas na labas na dahil mahigit isang taon nang nakakulong sa bahay. Mga bes, hindi ito ang panahon para magliwaliw. Kung hindi lang din kailangang-kailangan, tulad ng para sa trabaho o gawaing esensyal, manatili muna tayo sa kaligtasan ng ating mga tahanan. Hindi biro na ang bilis kumalat ng variant.


Hinihimok natin ang mga kababayan nating may pagkakataong magpabakuna. Malaking bagay ito para maiwasan ang hospitalisasyon at kamatayan dahil sa COVID-19. Gawin natin ito hindi lamang para sa ating sarili kundi para na rin sa ating mga mahal sa buhay.


Gayunman, ipagpatuloy ang pag-iingat kahit nabakunahan na. Proteksiyon natin ang facemasks, palaging paghuhugas ng mga kamay at paggamit ng hand sanitizers, at social distancing sa lahat ng pagkakataon.


Manatiling ligtas, mga bes.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | July 19, 2021



Isa sa kabalintunaan sa Pilipinas ang pagkakaroon ng malawak at mayamang lupa, subalit maraming mamamayan ang nagugutom. Naturingan tayong bansang agrikultural pero walang makain ang mga tao natin.


Ngayong panahon ng pandemya, mas maigting pa ang problemang ito. Dahil bagsak ang ekonomiya at marami ang nawalan ng trabaho, marami ang nakararanas ng kakulangan ng pagkain.


Ayon sa datos ng Social Weather Station, mahigit na apat na milyong pamilya ang nagugutom nitong Mayo. Tumaas ito mula sa bilang noong Nobyembre noong isang taon.


Nananawagan tayo sa Department of Agriculture (DA) na tutukan ang pagpapataas ng produksiyong agrikultural para dumami ang ani na panggagalingan ng pagkain ng sambayanan. Sa ganitong paraan, matutugunan ang problema ng pagkagutom sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pagkaing abot-kaya ang halaga para sa mamamayan at kita para sa ating mga magsasaka.


Krusyal ang liderato ng DA sa pagpapataas ng produksyong agrikultural. Kung nasa kabilang panig ng mga miyembro ng sektor ng agrikultura ang mga opisyal ng kagawaran, mahirap magkatulungan sa mga proyekto. Dapat iparamdam sa mga magsasaka at iba pang stakeholders na ang kapakanan nila bilang pangunahing apektado sa usapin ng produksiyon ang inaalala at pinangangalagaan ng DA.


Nakikita natin sa haba ng pila sa food pantries ang kakulangan sa pagkain ng marami sa ating mahihirap na kababayan. Sa gitna ng pandemya, marami ang naghihikahos at naghahanap ng pagkaing maihahain sa kanilang mesa.


Napakahalaga ng seguridad sa pagkain sa paglaban sa gutom sa gitna ng pandemya. Dapat kumilos ang ahensyang responsable para sa produksyon ng pagkain sa ating bansa. Tulungan natin ang ating mga magsasaka para matulungan din tayo sa supply ng pagkain.


◘◘◘


Sa pagtukoy ng Department of Health (DOH) na may local transmission na ang Delta variant ng COVID-19, hinihimok natin ang lahat ng ating mga kababayan na ibayuhin ang pag-iingat. Kung may pagkakataong magpabakuna, huwag nating sayangin. Kahit bakunado na, alalahaning maaari pa ring makakuha ng impeksiyon.


Ipagpatuloy natin ang pagsunod sa social distancing, pagsusuot ng facemask, pagpapanatiling malinis ng ating mga kamay, at hindi paglabas kung hindi naman kinakailangan para maiwasan natin ang pagkakaroon na naman ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa. Nakita na natin ang nangyari sa India at Indonesia. Gawin natin ang ating parte para iwasan ang muling paglaganap ng nasabing sakit sa ating bansa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page