top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | August 30, 2021



Noong Sabado, naitala ang pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa, kung saan 19, 441 ang bagong kumpirmadong nagpositibo sa nasabing karamdaman; bahagya na lang, nasa 20, 000 na ang bilang. Samantala, ang ating social media feed ay napupuno ng mga obituwaryo para sa mga namatay, panawagan para sa ospital na maaaring tumanggap pa ng pasyenteng may COVID-19, at mga nanghihingi ng tulong at panalangin para sa pamilya at kaibigang nagkasakit.


Sa harap ng laban sa COVID-19, nakabala ang ating medical frontliners. Sa pagod ng marami sa kinahaharap araw-araw, marami na ang nagbitiw sa kanilang trabaho. Ang masaklap, marami pa ang nagbabalak mag-resign.


Hindi natin masisisi ang ating healthcare workers. “Toxic” ang isang salitang madalas gamitin sa mga ospital, dahil sa dami ng pasyente na kanilang ginagamot araw-araw. Ang masaklap, sa kabila ng panganib na sinusuong nila, hindi pa nila matanggap ang tamang benepisyo na inilalaan ng batas.


Sa Bayanihan Law na ating inaprubahan, hindi lamang special risk allowance ang dapat matanggap ng ating healthcare workers. Nariyan din ang hazard pay, akomodasyon at allowances para sa transportasyon at pagkain. May budget nang inilaan ang batas, kailangan na lang ang implementasyon ng Department of Health (DOH).


Nananawagan din tayo sa mas maluwag at makatuwirang interpretasyon ng batas para hindi lang limitahan sa direktang nag-aalaga sa mga pasyenteng may COVID-19 ang makatatanggap ng special risk allowance. Dapat maisama ang lahat ng healthcare workers sa mga ospital na gumagamot ng mga tinamaan ng nasabing karamdaman dahil mismong ang lugar ng trabaho nila ang may mataas na exposure sa virus.


Huwag nating itulak ang healthcare workers na pumunta sa kalsada sa pag-alma dahil hindi nila natatanggap ang mga benepisyong para sa kanila. Kaunting konsuwelo lang ang kanilang hinihingi na hindi makapapantay sa kanilang paglilingkod ngayong pandemya. Ibigay natin, at sa lalong madaling panahon, ang inilaan na para sa kanila.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | August 23, 2021



Isa ang pagdiriwang ng mga tradisyon sa mga kasiyahang inalis sa atin ng pandemya. Tuwing Agosto 20, nagtitipon ang ating mga kapamilya, kaibigan, at tagasuporta sa North Cemetery para sa misa para ipagdiwang ang kapanganakan ni Fernando Poe, Jr.. Dahil sa mga restriksiyon para iwasan ang pagkalat ng impeksiyon, kani-kanyang pag-aalay ng bulaklak at panalangin lamang tayo ngayong taon.


Pero kahit walang pagtitipon, napakasaya natin dahil hindi nawawala si FPJ sa puso ng mga tao. Sa pamamagitan ng Panday Bayanihan, ang binuo nating pangkat kasama ang mga kaibigan at tagasuporta ni Da King, napapanatili nating buhay ang alaala ng aking ama sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa. Kabilang sa hinatiran natin ng tulong ang mga tsuper, magsasaka at mangingisda, at iba pang nawalan ng kabuhayan ngayong pandemya.


Hangad nating sa maliit mang paraan, maipadama natin sa ating mga kababayan na hindi natin sila nalilimutan, lalo na sa panahon ng pangangailangan. Tulad ng turo ni FPJ sa atin, walang iwanan.


◘◘◘


Sa paglabas ng audit report ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng Department of Health (DOH) sa COVID-19 funds, mapapaisip ka talaga kung hindi ba dapat suspendido na ang kalihim ng nasabing ahensiya sa ngayon, kung gagamitin ang pamantayang inilapat sa Philhealth officials na nasangkot sa kontrobersiya.


Kung matatandaan, ipinag-utos ng Ombusdman ang preventive suspension ng walong Philhealth executives at limang opisyal ng DOH noong isang taon dahil sa iba’t ibang paglabag kaugnay ng paggamit ng pera ng taumbayan ngayong pandemya.


Sa gitna ng pandemya, napakalaki ng atas sa DOH bilang tagapanguna sa ating laban sa COVID-19. Ito ang dahilan kung bakit pinaglaanan natin ng pondo ang mga programa ng nasabing ahensiya. Ang problema, ang ating medical frontliners, hanggang sa ngayon ay nag-aabang pa rin na matanggap ang kanilang benepisyo. May mga namatay na sa paghihintay ng kakarampot na pampalubag-loob.


Pananagutan ang isa sa pinakamahalagang katangian ng isang pinuno. Ito ang hinahanap natin sa DOH. Ang nangyayari sa DOH ay hindi na lamang kapabayaan. Ito ay kriminal. Namamatay ang mga tao dahil sa kamanhiran at kawalan ng aksyon ng nasa katungkulan.


Hindi pa ba puno ang salop sa DOH? Baka dapat nang kalusin.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | August 09, 2021



Dahil sa pandemya, napakaraming kabuhayan ang apektado. Maraming negosyo, hindi lang naghingalo kung hindi tuluyan nang nagsara. Kaakibat nito ang pagkawala ng trabaho at pagkakakitaan ng ating mga kababayang nakaasa sa mga ito para sa kabuhayan.


Palagi nating hinihimok ang pamahalaan na magbigay ng nararapat na suporta sa mga sektor na apektado ng pandemya. Pero dapat, ang bigyan ay ang higit na nangangailangan. Sa kaso ng agrikultura, dapat unahin ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang agricultural farmworkers.


Ikinagulat natin ang prayoritisasyon ng Department of Agriculture (DA) sa pamimigay nito ng tulong para sa sektor ng agrikultura. Sa bisa ng DA Memorandum Circular No. 13, inilatag ng nasabing kagawaran ang pagbibigay ng grants na hanggang P5 milyon para sa warehouses at cold storage facilities. Samantala, ang maliliit na magsasaka at mangingisda ay nakatanggap lamang ng ayuda na P5-K noong isang taon, at maaaring umutang ng halagang hindi lalagpas sa P25-K. Take note, utang ‘yan, na kailangan nilang bayaran pa, at hindi bigay!


Kailangan nating patatagin ang sarili nating produksiyon ng pagkain sa ating bansa. Hindi natin matatamo ang seguridad sa pagkain nang hindi inaaalagaan ang ating mga magsasaka. Kailangan nating pabutihin ang kondisyon ng ating mga magsasaka kung gusto nating tumaas ang kanilang produksiyon.


Dapat paalalahanan ang mga tagapamuno ng DA na ang prayoridad ng kagawaran ay ang mga magsasaka at mangingisda, hindi ang importers. Sila ang dapat alalayan sa panahong ito. Bigyan ng ayuda ang tunay na nangangailangan para sa ingklusibong pag-unlad.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page