top of page
Search

ni Lolet Abania | May 24, 2022


ree

Nagbigay ng pagrespeto si presumptive President Ferdinand Marcos Jr. at kanyang asawa na si Lisa Araneta Marcos sa yumaong Queen of Philippine Movies na si Susan Roces, ngayong Martes ng gabi.


Sa ulat, dumating sina Marcos bandang alas-7:20 ng gabi sa Heritage Park sa Taguig City para makidalamhati sa naiwang pamilya ni Susan, ang anak nitong si Senator Grace Poe at anak ng senadora na si Brian.


Personal namang tinanggap ni Poe si Marcos sa loob ng chapel. Sina Poe at Marcos ay magkasama sa Senate bago iniwan ni Marcos ang chamber noong 2016, nang pinili nitong tumakbo sa pagka-bise presidente sa halip na reelection.


Bukod kay Marcos, ang mga personalidad na bumisita ngayong Martes sa burol ni Susan ay sina dating Congresswoman Gina de Venecia, Ogie Alcasid, Pops Fernandez, at Eric Quizon.


Hanggang Miyerkules, Mayo 25, ang public viewing para kay Susan. Nakatakda ang interment sa Huwebes, Mayo 26, sa Manila North Cemetery, kung saan si Susan ililibing sa tabi ng kanyang asawa na si King of Philippine Movies Fernando Poe, Jr.


 
 

by Bulgar Online - @Brand Zone | February 16, 2022



Sadyang napakahirap ang ipanganak at mamulat ng mag-isa sa mundo. Yan ang bungad na kapalaran ng isang ulila at abandonadong sanggol. Walang magtatanggol, walang mag-aaruga at walang mag-aasikaso. Ang hindi alam kung sino ang iyong mga magulang ay isang trahedya na walang sinuman ang dapat makaranas. Idagdag pa ang pagkakaitan ng mga karapatan at pagkakilanlan na nararapat para sa iyo.


ree

Ilan lamang ito sa mga pagsubok na kinakaharap ng maraming inabandonang sanggol na Pilipino. Sa halip na alagaan at mahalin, ang mga sanggol na ito ay pinagkaitan ng kanilang mga karapatan at maraming iba pang mga pagkakataon sa sandaling sila ay dumating sa mundo dahil lamang sa sila ay iniwan at hindi na kinaya pang alagaan ng kanilang magulang.


Dahil sa pangangailangang tugunan ang mga isyung ito, inakda ng AP partylist first nominee na si Congressman Ronnie Ong ang House Bill 7679 o ang panukalang "Foundling Welfare Act." Ang isang napabayaan o inabandunang bata na hindi natukoy ang mga magulang at ang panahon o mga pangyayari ng kapanganakan sa teritoryo ng Pilipinas ay hindi alam at hindi naiulat ay tinutukoy bilang isang foundling sa panukalang batas.


Ipinaliwanag ng kinatawan ng AP Partylist na nilayon ng panukalang batas na tugunan ang isyu ng citizenship status ng mga foundling, na inilarawan niyang sensitibo pa rin at nanganganib na pagkaitan ng mga karapatan at pribilehiyo.


Sa kabutihang palad, ang nasabing panukalang batas ay naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa nito sa House of Representatives. Ang iminungkahing Foundling Welfare Act ay inaprubahan ng kamara na may 220 boto na pabor sa pagpasa nito. Layunin ng panukalang batas na awtomatikong kilalanin ang mga foundling bilang natural-born Filipino citizens.


Sinabi ni Cong. Ronnie na ang inspirasyon para sa nasabing panukalang batas ay isang mabuting kaibigan at kasamahan na si Senator Grace Poe. Inilarawan niya ang pagpasa ng panukalang batas bilang tadhana na nataon noong Pista ng Our Lady of Candelaria Jaro Cathedral sa Iloilo.


Ito rin ang lugar kung saan natagpuan si Senator Poe noong sanggol pa siya. Siya ay pinangalanang "Grace" dahil siya ay itinuturing na isang "grasya mula sa Diyos." Isa ring biyaya nating maituturing ang pagpasa ng Foundling Welfare Act.


Sa halip na isang Foundling Certificate, binibigyan ng HB 7679 ang lahat ng foundling ng Certificate of Live Birth. Ang proseso para sa pagbibigay ng birth certificate sa mga foundling ng Philippine Statistics Authority's Office of the Civil Registrar ay naibalangkas na din.


Ang HB 7679 ay retroactive din, na nangangahulugan na ang mga taong nakatanggap ng Foundling Certificate ay makakatanggap na rin ng Birth Certificate, kahit na hindi pa sila naa-adopt. Bilang resulta, ang panukala ay magbibigay sa mga foundling ng lahat ng karapatan na mayroon ang bawat mamamayang Pilipino.


Ang pantay na pag-access sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan, tulad ng pagpapadali sa mga dokumento ng pag-aampon, edukasyon, at proteksyong legal at pulisya, gayundin ang mga pangunahing serbisyong panlipunan kabilang ang edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, at nutrisyon, ay kabilang sa mga ito.


 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 14, 2022


ree

Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang batas na ipanapangalan kay "King of Philippine Movies" Fernando Poe Jr. ang Roosevelt Avenue sa Quezon City.


Sa pamamagitan ng Republic Act 11608, pinalitan na bilang Fernando Poe Jr. Avenue ang Roosevelt Avenue sa Quezon City.


Inaatasan ng batas ang Department of Public Works and Highways na mag-isyu ng panuntunan, kautusan at circular para sa pagpapatupad ng probisyon sa loob ng 60 araw mula sa pagiging epektibo nito.


Matatandaan na si dating Sen. Lito Lapid, isa ring aktor, ang nagsulong sa Senado ng panukala.


Una niyang inirekomenda na ang Del Monte Avenue ang ipangalan kay Poe dahil doon nakatayo ang movie production company ng namayapang aktor.


Pero inirekomenda ni Senate President Tito Sotto, na amyendahan ang panukala.


Ani Sotto, sa halip ay ang Roosevelt Avenue ang ipangalan kay FPJ dahil sa naturang lugar lumaki si Da King.


Matatagpuan ang dating tahanan ng pamilya ni FPJ sa kanto ng Roosevelt Avenue at Paraiso street.


Ang Roosevelt Avenue ay ipinangalan kay dating US President Franklin D. Roosevelt.


Samantala, nagpasalamat si Sen. Grace Poe sa pagkakataong aniya ay para maalalang muli ang legacy ng kanyang ama.


“Nagpapasamat at nagpapakumbaba ako at ang aking pamilya sa batas na ito. Ang FPJ Avenue ay nagbigay-pugay sa nagawa at legasiya ng aking ama na ngayon ay bahagi na ng kasaysayan ng ating bansa,” pahayag ni Poe.


Pinasalamatan din ni Poe ang mga kapwa mambabatas mula sa Senado at sa House of Representatives na siyang nagsulong sa panukala kung saan inilarawan nila si PFJ bilang isang cultural icon at kampeon ng masa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page