top of page
Search

ni Lolet Abania | May 22, 2022



Ipinahayag ni presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na kahit hindi pa naproklamang pangulo sinimulan na niyang buuin ang magiging bahagi ng kanyang gabinete.


Matatandaang unang nagkumpirma sa alok ni Marcos na miyembro ng kanyang gabinete si presumptive Vice President Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), kasunod si dating MMDA chairman at UniTeam campaign manager Benhur Abalos bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).


Inalok ding maging secretary muli ng Department of Labor and Employment (DOLE) si Bienvenido Laguesma at ang migrant workers advocate na si Susan “Toots” Ople para maging secretary naman ng bagong itinatag na Department of Migrant Workers.


Ilang pangalan na rin ang lumilitaw sa social media na sinasabing bubuo ng kanyang gabinete, subalit ayon kay Marcos, pinag-aaralan pa niya itong mabuti at hindi dapat aniyang minamadali.


Sa ngayon, bukod sa mga nabanggit ay isinasapinal pa niya ang iba pang magiging miyembro ng kanyang gabinete.


“Bagaman wala pa namang napapag-usapang proklamasyon sa pagka-pangulo ay sinisimulan na natin ang proseso ng pagpili sa tingin natin ay may kakayahang mamuno sa ating mga departamento. Hindi ito madali dahil kailangan maging masusi ang ating pagkilatis, at lalong hindi naman dapat ito minamadali,” pahayag ni Marcos sa video blog niya sa YouTube nitong Sabado.


“May ilang pangalan na lumilitaw na hindi pa nakukumpirma, iyong iba nakumpirma na, pero marami dito ay espekulasyon pa lamang. Dadating din tayo sa tamang oras na ipapakilala ko na sa inyo sa sila isa-isa,” giit ni Marcos.


Aniya pa, patuloy naman ang paghahanda ng kanyang team para sa transition ng susunod na administrasyon, habang naghihintay ng kanyang proklamasyon.


“Marami siguro kami ipapahayag at ikukumpirma kapag dumating na ang tamang oras,” saad ni Marcos.


 
 

ni Lolet Abania | May 16, 2022



Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11701, ang pagkakaloob ng night shift differential pay para sa mga empleyado ng gobyerno kabilang na rito ang mga government-owned or -controlled corporations (GOCCs), ayon sa inilabas na kopya ng Malacañang ngayong Lunes.


Sa ilalim ng Republic Act 11701, ang pagbibigay ng night shift differential ay hindi lalampas sa 20 percent ng tinatawag na hourly basic rate ng isang empleyado para sa bawat oras ng ginagawang trabaho nito sa pagitan ng alas-6:00 ng gabi at alas-6:00 ng umaga.



Nakasaad sa naturang batas na kabilang sa mga babayaran ang mga, “government employees occupying position items from Division Chief and below, or their equivalent, including those in government-owned or -controlled corporations, whether the nature of their employment is permanent, contractual, temporary, or casual.”


“The night shift differential pay provided under this Act shall be in addition to and shall not in any way diminish whatever benefits and allowances are presently enjoyed by government employees,” pahayag nito.


Una nang sinabi ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. na ang lehislasyon ay epektibong inamyendahan ang Magna Carta ng Public Health Workers, na nagbibigay sa mga public health workers para sa 10 percent lamang ng kanilang regular wage bilang night shift differential pay.


“Umaasa po kami na sa pamamagitan ng batas na ito ay mabibigyan natin ng karampatang benepisyo ang ating mga lingkod bayan, kasama na ang mga public health care workers,” ani Revilla noong Pebrero.


Hindi naman sakop ng RA 11701 ang mga sumusunod:


* Mga government employees na ang iskedyul ng office hours ay pumatak sa pagitan ng alas-6:00 ng umaga at alas-6:00 ng gabi. Ang mga serbisyo na lumampas sa regular 8-hour work schedules ay babayaran ng overtime pay.


* Mga government employees na ang mga serbisyo ay required, o mga on call, 24 oras sa isang araw, gaya ng uniformed personnel na mga military, police, jail bureau, ang Bureau of Fire Protections, at iba pa na maaaring idetermina ng Civil Service Commission (CSC) at ng Department of Budget and Management (DBM). Inatasan naman ang CSC at DBM na bumuo ng nararapat na patakaran at panuntunan hinggil dito.

 
 

ni Zel Fernandez | May 14, 2022



Hinikayat ng National Housing Authority (NHA)-Region 11 na mag-apply sa Government Employees Housing Program ang mga overseas Filipino workers (OFWs) at government employees sa bansa.


Makapagbigay ng disente at murang bahay, ito ang layunin ng nasabing programa para sa mga uniformed personnel ng gobyerno na kinabibilangan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Corrections (BOC), at iba pang mga empleyado ng pamahalaan.


Ayon sa pahayag ng NHA, kabilang umano sa mga bahay na iniaalok sa naturang housing program ay mga two-storey duplex units na mayroon anilang sukat na 60 square meters ang floor area at 80 square meters ang lot size.


Pagbabahagi pa ng asosasyon, para sa mga kuwalipikadong aplikante ng kanilang programa ay nasa ₱5,000 ang pinakamababang monthly amortization at wala na umanong down payment.


Habang nasa ₱20,000 naman ang reservation fee kung saan ang unit ay handa na rin anilang tirahan.


Samantala, maaaring bisitahin ang NHA Facebook page upang malaman ang iba pang mga detalye ukol sa Government Employees Housing Program.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page