top of page
Search

ni Gerard Peter - @Sports | July 19, 2021


ree

Dalawang atleta ang kinumpirmang nagpositibo sa malupit na coronavirus disease (COVID-19) habang namamalagi sa loob Olympic Village para sa nalalapit na pormal na pagbubukas ng 2020+1 Tokyo Olympics sa Japan.


Inilabas ng Tokyo Organizing Committee na nagpositibo sa ikalawang tests para sa virus ang mga manlalaro na parehong magkasama sa iisang bansa at pampalakasan. Idinagdag ng mga organizers na nagsimula ng magsagawa ng testing sa iba pang mga kasama nito.


Ibinunyag din ng mga organizers na isa pang hindi pinangalanang atleta ang nagpositibo rin sa testing sapol ng dumating sa Japanese capital, gayunpaman, hindi pa ito nanunuluyan sa Olympic Village.


Ang naturang pangyayari ay nagdulot ng malaking pag-aalala sa gaganaping Summer Olympic Games, gayundin sa International Olympic Committee (IOC), kung saan naunang sinabi nitong magiging pinakaligtas na lugar ang Olympic Village sa Tokyo, Japan.


Nito lamang nakalipas na araw ay mayroong nagpositibong isang hindi pinangalanan at tinukoy na katauhan sa loob ng Olympic Village, na kinalauna’y napalabas na rin at nailagay na sa isolation facility.


Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino na kinakailangang dumaan sa dalawang RT-PCR testing sa loob ng 72 at 96 oras bago umalis ng bansa ang lahat ng atleta, coaches officials, media at mga ilang parte ng delegasyon ng bansa. Pagdating naman nila sa Japan ay kukunin din ang kanilang Antigen tests.


Dumating na sa Japan ang boxing national team na binubuo nina Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Carlo Paalam at Nesthy Petecio, kasama ang kanilang coaches, gayundin sina rowers Chris Niervaez at coach at Olympian Edgar Maerina, habang dumating na rin sina 2016 Rio Olympics silver medalists weightlifter Hidilyn Diaz mula Malaysia, weightlifter Elreen Ando, Jayson Valdez at taekwondo jin Kurt Barbosa mula Pinas, at swimmers Remedy Rule at Luke Gebbie.

 
 

ni Gerard Peter - @Sports | July 19, 2021


ree

Tatlong mahahalagang tres ang pinakawalan ng Meralco Bolts sa huling bahagi ng laro upang kubrahin ang ikalawang sunod na panalo kontra sa powerhouse na San Miguel Beermen, 93-87 sa pagpapatuloy ng elimination round ng 46th season ng PBA Philippine Cup sa Ynares Arena sa Pasig City kahapon.


Pumukol ng dalawang magkasunod na three-point shot si Aaron Black sa importanteng oras sa 4th period kung saan nagtatangkang lumapit ang Beermen matapos sinubukang maibaba ang kalamangan sa dalawa, 77-79, upang muling lumubo ito sa walo.


Sinubukan muling ibaba ng Beermen ang kalamangan sa 5 puntos matapos umabot sa 10 puntos na kalamangan ang bitbit ng Meralco mula sa lay up ni Arwind Santos at freethrows Chris Ross at CJ Perez. Subalit isang nagbabagang tres ang binitawan ni Chris Newsome na nagwasak sa pag-asa ng Beermen na matikman ang unang panalo sa panibagong komperensya.


Namuno si Newsome sa kabuuang 17 puntos, habang sinegundahan siya ni Black sa 14 pts. Nag-ambag din ng 13 puntos si veteran Reynel Hugnatan at 11 puntos kay John Pinto.


Nanguna naman para sa Beermen si Terrence Romeo na may 18 pts, na biglaang natapos ang paglalaro sa 8:32 ng 4th period matapos na masaktan ang kaliwang tuhod at nakatakdang sumailalim sa MRI. Noong nakalipas na PBA Bubble ay lumabas ng bubble si Romeo matapos dumanas ng dislocated shoulder injury sa kanyang ika-4 na laro.


Bumanat ng tig-17 puntos sina Perez, na nagdebut bilang Beermen at Moa Tautuaa na may nasungkit din na 10 rebs, habang tumikada ng 11 pts si Marcio Lassiter para sa Beermen.


Matapos ang mahabang paghahabol ay tuluyan ng kinuha ng Bolts ang kalamangan sa Beermen sa 2:54 ng 2nd quarter sa 39-37 at tapusin ang kalahati ng laro sa isang puntos na kalamangan sa 42-41.

 
 

ni Gerard Peter - @Sports | July 17, 2021


ree

Iniukit ng Alaska Aces ang pambuwenamanong panalo sa pagsisimula ng bagong season ng Philippine Basketball Association (PBA) nang payukuin ang bagong bihis na Blackwater Bossing, 103-77 sa 46th season ng Philippine Cup sa Ynares Arena sa Pasig City kahapon.


Pumukol ng team-high 20 puntos, si Michael Digregorio para pangunahan ang opensiba ng Aces na halos walong buwang hindi nakalaro matapos ang matagal na games cancellation dahil sa quarantine protocols at mga paghihigpit dulot ng COVID-19 pandemic.


Sumegunda kay Digregorio ang mga big men ng Aces na sina Yousef Taha na may 16 puntos at Abu Tratter na may 13 puntos. Nawalang saysay naman ang game-high 23 points ni Simon Enciso na pumukol ng 5-of-11 sa tres, gayundin ang magandang laro ni Mike Tolomia na umambag ng 15pts at Ed Daquioag, 13.


Sunod na makakatapat ng Aces ang Terrafirma Dyip sa Miyerkules, Hulyo 21 sa first game sa 12:30 ng hapon, habang tatapatan ng Bossing ang Rain or Shine bukas, Linggo sa main game sa 7 p.m.


Samantala, nakatakdang ibandera ng Magnolia Hotshots at Phoenix Super LPG ang mga bigating sina “The Beast” Calvin Abueva at “Muscle Man” Vic Manuel, habang ilalatag ng TNT Tropang Giga ang beteranong lineup kontra sa mas batang Terrafirma Dyip sa pagratsada ng 2nd day competition.


Magsasagupa ang Giga at Dyip sa unang sultada ng 2 p.


m., habang susundan ng bakbakan ng Hotshots at Super LPG sa main game ng 4:35.

Babanat sa unang laro ang 33-anyos na 7-time All-Star na si Abueva para mabuo ang trio nila ni Paul Lee at Ian Sangalang, kung saan katulong din sina Mark Barroca, Justin Melton, Rafi Reavis at rookies Jerrick Ahamisi, Loren Brill at Ronnie de Leon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page